Kasal Agad sa Unang Pagkikita ang Nangyari sa Isang Binata at Dalaga Ngunit Nauwi Rin Ito sa Pag-Iibigan; Isang Pangyayari ang Tila Hahadlang sa Kanilang Kaligayahan

Kasal Agad sa Unang Pagkikita ang Nangyari sa Isang Binata at Dalaga Ngunit Nauwi Rin Ito sa Pag-Iibigan; Isang Pangyayari ang Tila Hahadlang sa Kanilang Kaligayahan

InspiringLoveStories

Wala nang magawa pa sina Gerard at Loisa sa kanilang pag-iisang dibdib. Ang pagpapakasal kasi ng dalawa ay dahil sa kasunduan ng kanilang mga pamilya at napaka-imposible na pigilan ito.

Sa loob ng mahabang panahon ay hindi na nagawa pa ng mga miyembro ng kanilang pamilya na pumili ng kanilang mapapangasawa dahil bago pa man sila isilang ay nakatakda na ito. Ang pagkakataong ito ay para kina Gerard at Loisa. 

Matamis na ngiti ang isinalubong ni Loisa sa kaniyang mapapangasawang si Gerard sa simbahan. Kahit na mailap ang binata ay alam niyang magkakasundo sila nito. 

Nang makauwi sila sa kanilang tutuluyang bahay ay tila nagkakailangan pa ang dalawa. 

“Parang ang hirap magpanggap na mag-asawa na tayo gayong hindi pa natin lubusang kilala ang isa’t isa,” saad ni Loisa. 

“Kung hindi mo nais na magtabi tayo sa iisang kama ay sa guest room na lamang ako matutulog,” sambit naman ni Gerard. 

“Sige, ikaw ang bahala,” tugon ng kaniyang misis. 

“Gerard, p’wede ba akong magtanong? Kung ayos lang naman sana,” dagdag pa niya. “Nais ko kasing malaman kung mayroon kang kasintahan talaga o mayroon kang babaeng nagugustuhan at dahil sa pagpapakasal mo sa akin ay hindi na natuloy?” ani Loisa. 

“W-wala naman. Hindi na rin ako pinahintulutan ng mga magulang ko na magnobya ng kung sinu-sino na lang. Kaya ginugol ko na lamang ang panahon ko sa pag-aaral saka sa negosyo namin,” tugon ni Gerard. 

“Ikaw ba?” dagdag na tanong nito. 

“Naku, wala rin. Hindi ko na sinubukan pa dahil alam ko na ang mangyayari sa akin,” natatawang tugon naman ng babae. 

Nagdesisyon ang dalawa na sabay maghapunan. Dahil na rin sa pagod ay agad nakatulog sa magkahiwalay na silid ang dalawa. Kahit na nagkaka-ilangan pa ay unti-unti na ring napapalagay ang loob nila sa isa’t isa. 

Habang tumatagal na magkasama sila sa iisang bubong ay napapagtanto ni Gerard na may mabuting kalooban ang kaniyang napangasawa. Maasikaso rin ito at sadyang malambing. Idagdag mo pa ang maamo nitong mukha at matatamis na ngiti na laging sumasalubong sa kaniya. 

“Hindi siya mahirap mahalin,” sambit ni Gerard sa sarili habang pinagmamasdan si Loisa na nasa hardin at dinidiligan ang kaniyang mga tanim na bulaklak. 

Isang araw ay umuwi si Gerard na inaapoy ng lagnat. 

“Basang-basa ka, Gerard. Saan ka nanggaling?” sambit ng nag-aalalang si Loisa. “Inaapoy ka ng lagnat. Halika sa silid mo at nang mapunasan kita at mapalitan ng damit,” dagdag pa niya. 

Inalagaan ni Loisa si Gerard hanggang sa bumaba ang lagnat nito. Nagising na lamang ang ginoo na nakaupo sa tabi ng kaniyang kama ang asawa at natutulog. 

Hindi alam ni Gerard ang kaniyang nararamdaman ngunit sa pagkakataong iyon ay sigurado siya na si Loisa na ang para sa kaniya. Hanggang tuluyan na niyang inamin sa babae ang kaniyang tunay na nararamdaman. 

“Masaya ako dahil pareho tayo ng nararamdaman. Hindi ko akalain na mabilis ding mahuhulog ang loob ko sa’yo. Pero may dapat kang malaman sa akin, Gerard,” wika ni Loisa. 

“Ayaw kong tanggapin ang pagmamahal mo. K-kasi ayaw kong sa bandang huli ay saktan lamang kita,” pagpapatuloy niya. 

“A-anong ibig mong sabihin? Hindi ka ba sigurado sa akin?” sambit ni Gerard. 

“H-hindi ‘yon. Gerard, may sakit ako. May nakitang tumor sa utak ko. At hindi ko alam kung gagaling pa ako. Hindi ko alam kung tuluyan na ba itong mawawala,” pag-amin ng dalaga. 

Nalungkot ang ginoo sa kaniyang narinig mula sa asawa. Hindi niya akalain na ang pinapangarap niyang masayang pagsasama nila ay maaari palang maputol kaagad. 

Isang araw, habang naghahanda ng hapunan si Loisa ay bigla na lamang ito nawalan ng malay. Agad siyang sinugod ni Gerard sa ospital at lubusang kaba ang kaniyang nararamdaman. Hindi niya alam kung paanong panalangin ang kaniyang gagawin upang mailigtas lamang ang buhay ng kaniyang minamahal na asawa.

“Alam ko, Panginoon, marami akong pagkakasala at pagkukulang, pero ngayon lamang po ako hihiling sa inyo. Parang awa Niyo na, dugtungan Niyo pa po ang buhay ng asawa ko at pangako’y gagawin ko ang lahat upang mapaligaya siya,” mataimtim na panalangin ni Gerard. 

Pagkalipas ng ilang oras na operasyon ay kinausap siya ng mga doktor. 

“Ginoo, ikinagagalak naming sabihin sa inyo na matagumpay po ang operasyon. Ngunit kailangan pa rin nanting hintaying magising ang inyong asawa,” sambit ng doktor. 

Dalawang araw na at wala pa ring malay si Loisa. Walang tigil sa panalangin si Gerard na nasa ay ibalik na sa kaniya ang kaniyang misis. At biglang gumalaw na ang mga daliri nito at dumilat na ang mga mata. 

Walang mapagsidlan ang saya ni Gerard dahil dininig ng Diyos ang kaniyang mga panalangin. Isang matamis na ngiti ang namutawi kay Loisa nang makita ang asawa. 

“Salamat sa Diyos at binigyan Niya ako ng pagkakataon pa para iparamdam ko sa iyo ang pagmamahal ko. Pangako hindi ko sasayangin ang pagkakataong ito. Mahal na mahal kita Loisa!” saad ni Gerard sa asawa. 

“Hinding-hindi na ako mawawala sa’yo, mahal ko,” sambit ng kaniyang misis. 

Dahil sa pag-aalaga ni Gerard at pagnanais din ni Loisa na gumaling kaagad ay tuluyan na silang nakauwi ng bahay. Hindi na bumalik pa kahit kailan ang tumor ni Loisa at mula noon ay nagsilbing kwento na lamang ng katatagan ang mga pangyayari. 

Hindi lubos akalain ng dalawa na matatagpuan nila ang tunay na pagmamahal sa piling ng isa’t isa kahit na kasal sa unang pagkikita ang sa kanila’y naganap. 

More Stories