Inday TrendingInday Trending
Pinilit ng Dalaga ang Bonggang Kasalan sa Kabila ng Pandemya, Pinagsisihan Niya Ito sa Huli

Pinilit ng Dalaga ang Bonggang Kasalan sa Kabila ng Pandemya, Pinagsisihan Niya Ito sa Huli

“Mahal, tingin mo, kailangan ba talaga ng maraming bisita sa darating na kasal natin? Hindi ba masyadong delikado ‘yon lalo na ngayong may kumakalat na sakit?” tanong ni Willy sa dalagang mapapangasawa, isang umaga habang ito’y naghuhugas ng pinggang kanilang pinagkainan.

“Ano ka ba, Willy? Hindi ba’t naiplano na natin ‘to? Naimbitahan na natin ang mga kaibigan at kaanak natin, halos lahat sa kanila, nagsabi na makakadalo sila. Ngayon pa ba tayo aatras? Mapapahiya lang tayo sa kanila at baka magkaroon pa sila ng sama ng loob sa atin!” sagot ni Keren, bakas sa mukha niya ang pagkainis sa sinabi ng kasintahan.

“Ayos lang na mapahiya tayo at magkaroon sila ng sama ng loob sa atin basta ligtas tayong lahat, lalo ka na, sa kumakalat na sakit,” mahinahong paliwanag nito sa kaniya na lalo niyang ikinainis.

“Ako ba talaga ang inaalala mo? O ang gastos? O ang pagdalo ng dati mong kasintahan na kaibigan ko?” taas kilay niya pang tanong saka padabog na hinuhusgahan ang mga pinggan.

“Keren, mahal, ikaw ang inaalala ko. Ang kalusugan mo. Wala akong pakialam sa gagastusin nating pera, lalo na sa kaibigan mo. Ikaw na ang buhay ko ngayon kaya gusto kitang protektahan,” tugon pa nito saka siya mahigpit na niyakap mula sa likuran.

“Ewan ko sa’yo, basta, itutuloy natin ang engrandeng kasalan! Tapos ang usapan!” sigaw niya rito habang inaalis ang pagkakayakap nito.

Isang linggo na lang ang lilipas, makakamit na ng dalagang si Keren ang pangarap niyang maikasal sa kaniyang sampung taong kasintahan. At dahil nga pangarap niya ito noon pa man, labis nila itong pinaghandaan at pinag-ipunan ng kaniyang minamahal na binata.

Sila ay nagdoble-kayod sa trabaho at pumasok sa negosyo para lamang matupad ang pangarap nilang engradeng kasal na dadaluhan ng mga mahal nila sa buhay, kaibigan at ilang mga katrabaho.

Simula sa kaniyang susuoting damit hanggang sa mga pagkaing kanilang ihahain sa naturang selebrasyon, masusi niya itong pinaghandaan. Siya mismo ang nag-organisa ng kanilang kasal katuwang ang ilang mga propesyonal upang siya’y huwag mapahiya sa mga dadalong panauhin.

Ngunit, dahil nga may kumakalat na sakit pa rin hanggang ngayon, bahagyang nag-aalala ang kaniyang magiging asawa sa gaganaping pagdiriwang na ito na labis niyang ikinaiinis. Sa loob-loob niya, “Matagal ko itong pinaghandaan, tapos hindi matutunghayan ng lahat? Para na ring itinapon ang pinagpaguran ko kapag hindi ito natuloy!” dahilan para kahit lingid sa kagustuhan ng binata, pinilit niya pa rin itong isakatuparan.

Sa araw-araw bago dumating ang kanilang kasal, walang oras na hindi siya kinukumbinsi ng binata na magkaroon na lang sila ng simpleng pagdiriwang kasama ang kanilang pamilya.

Ngunit dahil nga ayaw niyang masayang ang kaniyang pinaghirapan at mapahiya sa mga ikinumbidang bisita, nagpumilit pa rin siyang idaos ito nang engrade. Tinakot niya pa ang binata na kung hindi ito papayag na ganapin ang pinlano niyang pagdiriwang, hindi na siya magpapakasal dito.

Dumating na nga ang araw ng kanilang kasal. Katulad ng kaniyang plano, isinakatuparan niya nga ang kasal nilang ito kasama ang kanilang mga kamag-anak, kaibigan at mga katrabaho.

Wika niya pa, “Lahat naman ay may suot na face mask at face shield, hiwa-hiwalay pa sila, siguradong walang mahahawang sakit!”

Kaya lang, nang matapos ang seremonya sa simbahan at sila’y magtungo na sa bulwagang nirentahan nila kung saan kakain ang mga bisita, tila nawala na sa isip ng lahat ang kumakalat na sakit.

Sila’y salu-salong kumain, walang face mask, walang face shield at lalo’t higit, walang distansya sa bawat isa. Nagkaroon pa ng kakulangan sa baso dahilan para gumamit ng iisang baso ang mga nag-iinom.

Dahil sa sobrang sayang nararamdaman niya, nawala na rin sa isip niya ang sakit at siya’y nakisama pa sa mga nag-iinom, yumakap sa mga katrabaho, humalik sa mga pamangking naggagandahan ang suot at nagmano sa kanilang mga nakatatandang kamag-anak.

At iyon na nga ang naging dahilan nang pagkakasakit nilang lahat kinabukasan. Nagsimula na siyang umubo at mawalan ng panlasa habang ang kaniyang asawa nama’y ngayo’y nilalagnat na.

Tinanong niya ang ilan sa mga naging bisita niya at karamihan sa mga ito, masama rin ang pakiramdam katulad nila. Dito na sila nagdesisyong magpa-swab test ng kaniyang asawa kasama ng kani-kanilang pamilya at katulad ng ikinakatakot nila, sila’y positibo sa naturang sakit na labis niyang ikinapanghina.

Pagsisisi ang dumaloy sa kaniya dahil ito pa ang naging dahilan para mawala ang kaniyang minamahal na kaibigan.

“Maging aral sana ito sa atin, mahal, lalo na ngayong may kumakalat na sakit, kailangan talaga nating mag-ingat,” wika ng kaniyang asawa saka siya niyakap.

Ilang buwan lang ang lumipas, tuluyan na nga silang gumaling ng kaniyang asawa at pamilya pero hindi siya ganoon kasaya dahil alam niyang may nawala dahil sa kagustuhan niyang pagdiriwang.

Advertisement