
Nagtago sa Kaniyang mga Kamag-anak ang Binata Matapos Nitong Manalo sa Lotto; Ngayo’y Nagbabalik Siya Dahil Ubos na ang Kaniyang Premyo
“Tumama raw sa lotto si Denis!”
Humahangos na pagbabalita ni Mang Binggoy sa kanilang mga kaanak na naroon lamang din nakatira sa kanilang compound. Ang tinutukoy niya ay ang anak ng kanilang yumaong pinsang si Doro na nagngangalang Denis na noon ay hindi naman nila pinapansin.
“Talaga?! Naku! Halina’t puntahan natin ’yong bata at baka tayo’y maambunan ng grasya!” bakas ang kasabikang sabi naman ng pinsan nilang si Aling Tessy. Agad iyong sinang-ayunan ng kanilang mga kaanak, bukod sa pamilya nina Aling Ofelia na napapailing na lamang habang minamasdan ang papalayong grupo ng kanilang mga kaanak na handa na ngayong kilalanin si Denis na kapamilya dahil sa pera nito. Samantalang noon ay halos hindi man lang nila maabutan ni katiting na bigas ang binata kahit pa alam naman nila na ulilang lubos na ito nang pumanaw ang ama nito.
Laking pagkadismaya ng magkakamag-anak na halos isang batalyong sumugod sa bahay ni Denis dahil hindi na nila naabutan pa roon ang binata. Nakapag-alsa balutan na ito at nakaalis sa lugar na ’yon dahil alam na nito kung ano ang kahihinatnan ng kaniyang pagkapanalo!
“Aba, e, pinagtaguan na tayo kaagad ni Denis! Napakadamot naman ng batang ’yon!” galit na reklamo ni Aling Tessy sa kaniyang mga pinsan nang hindi man lang inaalala ang mga panahong nanghihiram sa kaniya si Denis ngunit kailan man ay hindi niya ito pinagbigyan!
“Kaya nga! Akala mo kung sino! Napakalaki naman ng tinamaan niya sa lotto pero hindi man lang mamahagi!” sabi pa ng isa na noon ay inutangan din ni Denis para lang may maipamasahe siya papunta sa school dahil kailangan niyang mag-exam ngunit hindi rin nito pinagbigyan. Galit na galit sila sa binata samantalang sila naman ang unang nagpakita ng pagiging maramot dito!
Ilang buwan makalipas ang biglaan na lang na pagkawala ni Denis ay himalang bumalik ito sa kanilang lugar. Mabilis na kumalat ang bali-balitang naubos na raw agad ang pera ng binata dahil hindi naman ito marunong humawak ng ganoong kalaking halaga. Dahil doon ay wala na namang pumapansin sa kaniyang kamag-anak, kundi ang pamilya ng kaniyang Tiya Ofelia. Ang iba pa niyang mga kapamilya ay may kasama pang pangungutya sa kaniya dahil sa sinapit niya.
“Huwag mong masiyadong pinagpapapansin ang mga tito at tita mo. Nagtatampo lamang sa ’yo ang mga ’yon dahil hindi mo sila binigyan noong nanalo ka sa lotto,” sabi sa kaniya ng kaniyang Tiya Ofelia nang minsan siya nitong ayaing kumain sa kanila.
“E, hindi rin naman po nila ako binibigyan noong ako ang walang pera. Ni ang pautangin nga ako ay hindi nila magawa,” pangangatuwiran naman niya.
Natawa na lang ang kaniyang tiya bago nito dinagdagan ang ulam sa kaniyang plato. “Buti nga po kayo, tiya, hindi kayo katulad nila, e,” sabi ni Denis nang nakangiti sa kaniyang tiyahin. Ngumiti lamang ito at tinapik ang kaniyang balikat.
Lingid sa kaalaman ng lahat ay hindi naman totoong naubos ang pera ni Denis. Sa katunayan nga ay mas lalo pa itong lumago dahil nagdesisyon siyang mag-invest sa iba’t ibang negosyo! Iyon nga lang, nais niyang bigyan ng pangalawang pagkakataon ang kaniyang mga kamag-anak, kaya kung sino man ang tutulong sa kaniya ngayong naghihirap na siyang muli ay babahagian niya ng kaniyang swerte… ngunit katulad ng dati, tanging si Tiya Ofelia lamang ang may mabuting puso na tumatanggap pa rin at tumutulong sa kaniya kahit alam naman nito na wala na siyang kayang ibigay na kapalit.
Isang araw ay nagulat na lamang ang lahat nang muling dumating sa kanilang lugar si Denis na sakay ng isang magarang sasakyan upang sunduin si Tiya Ofelia at ang pamilya nito. Nais niyang ilipat na ang mabuting mag-anak sa isang magandang bahay na katabi ng bahay na binili niya rin para sa kaniyang sarili.
Hindi makapaniwala ang lahat nang malamang hindi naman pala totoong naghihirap si Denis. Laking pagsisisi nila dahil sa ginawa nilang pangungutya sa binata at sa hindi pagtulong dito noong ito ang nangangailangan. Sinayang nila ang bagong pagkakataon upang mabahagian sila nito ng grasya.
Masayang-masaya si Denis na ibahagi sa pamilya ng kaniyang Tiya Ofelia ang kaniyang natanggap na biyaya dahil alam niyang karapat-dapat ito sa kaniyang tulong. Ang mga ito ang kaniyang kasama noong siya ay naghihirap pa kaya naman isasama niya rin sila ngayon sa kaniyang ginhawa.