Inday TrendingInday Trending
Pinaghinalaan ng Lalaki na Nagnakaw ang Kaniyang Asawa Dahil May Itinatago Itong Isang Daang Libong Piso; Labis ang Paghingi Niya ng Tawad sa Misis nang Malaman ang Totoo

Pinaghinalaan ng Lalaki na Nagnakaw ang Kaniyang Asawa Dahil May Itinatago Itong Isang Daang Libong Piso; Labis ang Paghingi Niya ng Tawad sa Misis nang Malaman ang Totoo

“Mario, gumising ka na, tanghali na!” malakas na sigaw ni Adelle sa kaniyang mister.

Humihikab na bumangon sa kama ang lalaki at nag unat-unat.

“Ang aga-aga pa, bunganga mo na agad ang naririnig ko!” hiyaw naman ng lalaki.

Sadyang maingay talaga ang bunganga ng asawa niya kapag ginigising siya nito sa umaga. Minsan ay kinaiinisan na niya ang sobrang malakas na boses ni Adelle sa tuwing pinagmamadali siya nitong gumising nang maaga.

“Aba, ikaw na itong ginigising, ikaw pa yata ang galit? Ano’ng akala mo, maaga pa? Alas-siyete na nang umaga, siguradong marami na ang mga namimili at nag-aantay na sa iyo sa palengke!” bulyaw ng babae.

Nang makita ang oras ay nagmamadali nang kumilos si Mario. Naligo na siya at nagbihis saka mabilis na kumain ng almusal. Dahil inis pa rin sa asawa ay hindi na siya nagpaalam rito at dumiretso na sa palengke. Pagdating niya roon ay agad siyang nagbukas ng kaniyang puwesto at sinimulan nang magtinda ng mga gulay at karne.

Ang pagtitinda sa palengke ang tangi niyang pinagkakakitaan. Ang asawa naman niyang si Adelle ay ang naiiwan sa bahay at gumagawa ng mga gawain doon. Naging maganda naman ang araw na iyon dahil marami siyang naibenta. Nang umuwi siya sa bahay ay nadatnan niya si Adelle na nagluluto.

“Narito na ako! Mabuti naman at naisipan mo na maagang magluto?”

“Maaga talaga akong nagluto dahil manonood pa ako ng paborito kong teleserye sa TV,” sagot naman nito.

Napakamot na lang sa kaniyang ulo si Mario. Kaya pala maagang nagluto ay manonood lang pala ng TV ang magaling niyang misis.

“Ano pa ba ang aasahan ko sa isang ito?” napapailing niyang bulong sa sarili.

Minsan ay gusto niyang magsisi kung bakit si Adelle pa ang naging asawa niya. Marami naman siyang naging girlfriend noon na mas maganda at matalino, pero bumagsak pa rin siya sa kaniyang asawa. Ang totoo’y ipinagkasundo lamang siya ng mga magulang sa babae. Kilala niya noon si Adelle bilang isang pasaway na anak at ang pinakamalala sa lahat ay ang pagiging mahilig nitong kumuha ng mga bagay na hindi nito pag-aari. Sa madaling salita, malikot ang kamay ng napangasawa niya.

Kaya hindi niya ito magawang isama na magtinda sa palengke dahil natatakot siya na baka mawala ang lahat ng kanilang kita kapag inatake ang malikot nitong mga kamay. Ibinibigay naman niya rito ang kalahati ng kinikita niya sa araw-araw para may panggastos ito sa bahay at ang kalahati naman ay itinatabi niya. Ngunit napag isip-isip niya na kahit may pagkabungangera at malikot ang mga kamay ni Adelle ay may mga ugali pa rin ang babae na napamahal sa kaniya gaya nang pagiging maalalahanin at maalaga nito.

Dahil naalala ang ‘di magandang ugali ng asawa ay bigla niyang naisip na tingnan ang mga nakatabi niyang pera sa tokador.

“Baka nawala na ang inipon kong pera. Huwag naman sana,” sambit niya sa sarili.

Nang bilangin niya ang mga inipong pera sa alkansya ay laking tuwa niya dahil wala namang nabawas doon. Naisip niyang itago sa itaas ng aparador ang kaniyang iniingatang alkansya ngunit nang silipin niya ang tagong lugar na iyon sa kanilang kwarto ay napansin niya ang isang kahon. Nang buksan niya ay laking gulat niya dahil punumpuno ng perang papel ang kahon at nang bilangin niya ay nagkakahalaga iyon ng isang daang libong piso.

“Diyos ko! Saan galing ang malaking halagang ito?!”

Bigla niyang naalala ang kaniyang asawa.

“Inatake na naman ng pagiging magnanakaw ang misis ko! Saan niya kaya nakuha ang mga perang ito? ‘Di kaya sumasalisi siya sa mga kapitbahay namin kapag wala ako rito sa bahay?” nag-aalala niyang bulong sa sarili.

Dismayado si Mario sa ginawa ng asawang si Adelle kaya agad niya itong kinompronta tungkol sa natagpuang pera.

“Adelle, magsabi ka nga sa akin ng totoo. Saan mo ninakaw ang mga perang ito? Bakit nagtatago ka ng ganitong kalaking halaga?!” anas niya.

‘Di makapaniwala ang babae na natuklasan agad ng mister ang pinakatatago niyang lihim.

“Sorry, Mario dahil itinago ko sa iyo ang tungkol diyan. Matagal kong inilihim sa iyo ang ginawa kong pag-iipon. Ang perang ‘yan ay inipon ko mula pa noong unang araw na nagsama tayo bilang mag-asawa. Itinatabi ko ang sobrang perang ibinibigay mo sa akin para kapag dumating ang araw na kailanganin natin ay mayroon tayong madudukot,” pag-amin ni Adelle.

“I-inipon mo ang lahat ng ito?!”

Tumango ang babae.

‘Di akalain ni Mario na nagawang makaipon ang kaniyang asawa ng ganoong kalaking pera. Labis ang pagkapahiya niya sa ginawang pag-aakusa rito na isang magnanakaw, ‘yun naman pala ay wala itong ginagawang masama.

“Patawad, Adelle kung pinag-isipan kita ng masama at pinagbintangan. Ang akala ko’y…”

“Ang akala mo ay ginagawa ko pa rin ang ginagawa ko noon? Mula nang ikasal tayo ay nangako ako na hindi ko na gagawin ang pagkuha ng mga bagay na hindi ko pag-aari. Matagal ko nang kinalimutan ang madilim kong nakaraan. Pinilit kong magbago para sa aking sarili at para sa iyo, Mario, dahil mahal kita,” hayag ng asawa.

Napaluha si Mario sa sinabi ni Adelle. Agad niya itong niyakap at hinagkan sa pisngi.

“Patawarin mo ako. Hayaan mong itama ko ang aking pagkakamali. Mula ngayon ay magtitiwala na ako sa iyo. Hayaan mong ipakita at iparamdam ko sa iyo na mahal din kita, Adelle,” tugon niya.

Mas lalong minahal at nirespeto ni Mario ang asawa dahil sa natuklasan niya. Panatag na siya dahil alam niyang nagbago na ito at iyon ay dahil sa pagmamahal nito sa kaniya.

Advertisement