Pinagtangkaan ng Nobyong Tapusin ang Buhay ng Batang Pinagbubuntis Niya, Makalipas ng Ilang Taon Nagkita ang mga Ito nang Di Inaasahan
Humigpit ang hawak ni Eileen sa kanyang bag, alam niyang anumang oras ay darating na ang nobyo. Narito siya ngayon sa library ng kanilang school, natatanaw niya ang mga dumarating sa ibaba dahil nasa second floor ang library, di nagtagal ay nakita na niya ang hinihintay. Paulo, sana matanggap mo.Tahimik na usal niya. “Baby, kumusta? Kanina ka pa?” sabi nito na agad siyang inakbayan. “Hindi naman okay lang,” sagot niya rito.Halatang halata ang pagiging balisa. “Naninibago ako sayo, bakit dito sa library. Ayaw mo sa park?” tanong nito sa kanya. “Kailangan nating mag usap Pau, buntis ako.” dire-diretso niyang sabi, kusang lumabas sa bibig niya iyon. Di na rin naman kailangan ng paliguy-ligoy. Hindi nagsasalita si Paulo, humigpit ang pagkakaakbay nito sa kanya.Maya maya pa ay iginawi siya nito palabas ng library. Bago sila bumaba sa hagdan ay nagsalita ito. “Kapag itinulak kita dito, hindi ka naman mamamatay diba? Siya lang naman ang mamamatay diba?” tanong nito na seryoso ang mukha. Hindi makapaniwala si Eileen, parang hindi nito anak ang tinutukoy kung makapagsalita. Hindi niya akalaing magiging ganoon si Paulo, sana ay tinakbuhan na lang siya nito. Kumapit ang babae sa hawakan ng hagdan nang maramdaman niyang itinutulak siya doon ni Paulo. “Pau, wag ano kaba! Anak mo to!” sigaw niya rito, umaasang magising ang lalaki. Mabuti na lumabas kanina lang ang gurong bantay sa library kaya hindi sila nito naririnig. “Eileen, matalino ka. Di ko alam kung bakit sasayangin mo ang buhay mo. Isang semester na lang eh, mag isip ka nga. Mahal kita pero wag kang tanga!” sigaw rin nito, hindi alam ni Eileen kung bakit parang naging demonyo ang tingin niya rito. Tama ito at malapit na silang gumraduate ng college pero hindi iyon sapat para pumatay siya ng bata, ang sarili niya pang anak. “Kung ayaw mo bubuhayin ko tong mag isa!” sabi niya sa lalaki. Doon lumuwag ang hawak nito. “Basta wag kang hihingi sa akin ng suporta dahil wala kang mahihita. Tandaan mo yan.” sabi nito at umalis na. Makalipas ang ilang taon. “Ma? Hey ma! Are you okay?” tanong ng 26 anyos na si Ivo sa kanyang ina. Naputol naman ang pagbabalik tanaw ni Eileen dahil sa tawag ng anak. “Andito kana pala, kumain kana?” tanong niya rito. “Oo naman ma, may pasalubong nga ako sayo eh.” iniabot nito ang dala dalang paborito niyang fried chicken. “I love you ma, happy mother’s day.” sabi nito sabay yakap sa kanya. Napangiti naman si Eileen, lahat ng hirap niya ay nasuklian ng pagmamahal ng kanyang anak. Pagkapanganak niya noon ay wala siya ni isang kusing, dumating sa puntong ang duyan ni Ivo ay ang lalagyan ng maruming damit na sinapinan niya ng lampin upang lumambot. Pero hindi niya pinagsisisihan na binuhay niya ito dahil si Ivo ang pinakamagandang nangyari sa buhay niya, inayos niya ang Puting polo nito na may nakasulat. Dr.Ivo Herrera- General Physician Isa nang matagumpay na doktor si Ivo, marami na itong naililigtas na buhay at dahil iyon sa binigyan niya ito ng pagkakataong makita ang mundo. “Ma, kanina sa ospital, may isinugod na lalaki. Namimilipit sa sobrang sakit. Pancreatic Cancer daw. Hindi ko alam pero iba ang pakiramdam ko nung nakita ko sya kaya pinakiusapan ko ang attending physician kung pwede ko lapitan.” “Nako, nakakaawa naman. Kamusta na ang lalaki ngayon?” naibaling niya ang simpatya sa taong tema ng usapan nila mag-ina. “Um-okay naman. Magaling ang physician niya ha? Pero ayun nga Ma, ang nakapagtataka, papalapit palang ako eh inaabot na niya ang kamay ko.” “Nakuha mo ba ang pangalan ng pasyente?” Iba na ang pakiramdam niya sa patutunguhan ng usapan. “Paulo Nazareno.” agad na sagot nito. Nanlaki ang mga mata niya. Hindi niya alam ang iisipin. Hindi niya alam ang mararamdaman. Dapat ba niyang ipaalam sa anak kung sino ang lalaking iyon sa buhay nila? Karapat-dapat bang malaman ng napakabuting anak gaya ni Ivo na ninais ng lalaking iyon na tapusin ang buhay niya hindi pa man niya nasisilayan ang makulay na mundong ginagalawan niya ngayon? “Anak, may nasabi ba siya sayo?” pagtatanong niya dito. “Nagbigay ng advice. Sanay na ko sa mga pasyenteng ganun, lalo na yung mga matatanda. Mahilig talaga silang magbigay ng payo sa mga batang doktor na tulad ko. Sabi niya, pagbutihan ko daw ang pagliligtas ng buhay ng iba. Wag daw akong maging katulad niya. Kung anuman ang ibig niyang sabihin ay hindi ko na tinanong.” pagsasalaysay nito. “Anak, pwede mo ba kong dalhin sa ospital na pinagtatrabahuhan mo? Gusto kong makita ang lalaking sinasabi mo.” Dahil siguro sa pagod ay hindi na nagtanong ang anak kung bakit at pumayag na lamang itong dalhin siya bukas. Agad itong nagpaalam na magpapahinga na. Kinabukasan, habang papasok siya ng ospital ay may kakaibang takot parin na nadarama si Eileen kahit pa buong gabi niyang inihanda ang sarili sa posibleng mangyari. Ang alam lamang niya, kung totoo mang malala na ang sakit nito ay kailangan nang malaman ng anak ang katotohanan. “Ma, ito si Sir Paulo. Sir Paulo, ang mama ko po.” “Kamusta ka na, Eileen?” takang-taka si Ivo kung bakit kilala ng lalaki ang kanyang mama. Inabot ng kanyang mama ang kanyang mga kamay at niyakap siya. Nang bumitaw ito ay nangingilid na ang mga luha. “Ivo, siya ang papa mo.” halos hindi mabuo ni Eileen ang bawat salita. Humingi ng tawad si Paulo sa anak na si Ivo. Bilang mabuti ang pagpapalaking ginawa ni Eileen ay hindi naman ito nahirapan na kunin ang pagpapatawad ng anak. Ilang araw lamang ay binawian ng buhay si Paulo. At sa loob ng mga araw na buhay pa ito ay halos hindi na umuuwi ang anak dahil sinulit nito ang maigsing panahon upang makasama ang ama. Naisip niya, napakabuti ng kalooban ng anak ko. Hindi man niya ito nabigyan ng kompletong pamilya, lumaki naman itong mabuting tao at may respeto sa iba. Mapagpatawad at malawak ang pag-iisip. Kung nagpadala siya noon sa kagustuhan ng dating nobyo na patayin ang bata ay hindi sana niya madadama ang kasiyahang tinatamasa niya ngayon sa piling ng anak.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!