Dahil Gumanda ay Kinalimutan na ng Dalaga ang mga Wirdo Niyang Kaibigan, Ang mga Ito Parin Pala ang Sasalo sa Kanya nang Iwan Siya ng Buong Mundo
“Walang iwanan ah? Tayo ang Forever Nerdy Friends!” ani ng mga dalagita habang nangangakong hindi nila iiwanan ang isa’t isa. Sabay-sabay pa nilang pinagpatong-patong ang kanilang kamay sa bawat isa. Simula nag-umpisa ang pasukan ng elementarya hanggang ngayong nasa high school na sila ay matalik pa rin silang magkakaibigan. Apat lamang silang magkakaibigan. At hindi na iyon nadagdagan pa dahil wala namang ibang gustong makisali sa kanilang samahan. Madalas silang tawaging grupo ng mga “wirdo” dahil sa mala-manang nilang pag-aayos sa sarili. Karamihan pa sa kanila’y may makakapal nang salamin kahit teenagers palang. Wala namang problema sa kanila ang pag-aalipusta ng iba. Ang mahalaga sa kanila’y masaya silang nagsasama-sama araw-araw. Hanggang sa dumating ang kanilang graduation ng high school ay tuwang-tuwa silang nag-celebrate sa bahay ni Yumi, ang leader ng grupo nila. “Sana sa college, magkakasama pa rin tayo no?” ani Mikka, ang pinakamasayahin sa grupo. “Oo naman, basta walang magbabago,” si Debbie na medyo boyish sa kanilang lahat. “Huwag niyo munang isipin ‘yun. Ang mahalaga, naka-survive na tayo sa high school ngayon,” si Geelen na pinaka-mahiyain sa lahat. Ngunit pagdating sa mga kaibigan niya ay nailalabas niya ang totoong ugali niya, ang pagiging masayahin rin. Nang tumuntong sila ng college, ay nagkaroon ng pagkakasalungat sa kanilang mga schedules. Kahit kasi iisa lamang ang school na kanilang pinasukan ay iba-iba naman ang kinuhang course ng bawat isa. Sa kanila, ang pinaka-naging busy ay si Geelen dahil Fashion Design ang kanyang kinuha. Dahil rin doon ay mas lumawak ang kanyang circle of friends. Nagkaroon rin siya ng mga magaganda’t mayayamang kaibigan. Doon nag-umpisa ang conflict ng magkakaibigan. Kung minsan ay sinasadya na ni Geelen na hindi sumama sa mga ito dahil sa totoo lang ay nahihiya siyang makita ng mga bagong kaibigan na ganoong klase ang barkada niya. Kahit kasi nakatuntong na sa kolehiyo ang mga dati niyang kaibigan ay manang at weird pa rin ang pananamit at pag-aayos ng mga ito. Ni hindi nito maalagaan ang sariling kutis at itsura. Hindi katulad niya na ang laki na talaga ng pinagbago, salamat sa mga payo ng bago niyang tropa. “Geelen, pakiramdam namin ay iniiwasan mo na kami ah?” tanong ni Debbie sa kanya nang makasalubong niya ang mga ito habang kasama niya ang mga bagong kaibigan. “Huwag mo sabihing gumanda’t pumuti ka lang ay pinagpalit mo na kami sa mga fashionista mong tropa?” ika naman ni Yumi. “Sino ba ‘yang mga ‘yan Geelen? Do you know them?” tanong ni Jill, kaklase niya. “Ang mamanang ng outfit ah?” bulong pa ni Tomomie, isa pa niyang bagong kaibigan. Doon niya lalong kinahiya ang mga dating kaibigan. Kaya naman buong-lakas loob niyang itinanggi na kilala niya ang mga ito. “So you don’t know them, Gee?” pagkukumpirma ni Jill. Kinakabahan siyang tumango, “Wala akong kilalang weird, guys.” Galit na galit sina Debbie at Mikka sa ginawa ni Geelen sa kanila. Hindi makapaniwala ang mga ito na tuluyan na nga silang tinalikuran ng kaibigan, “Intindihin niyo nalang. Dumadaan ‘ata sa pagdadalaga.” Si Yumi ang mas nakaintindi kay Geelen. Kaya naman kahit itinakwil na ng dalawa ang dalaga ay nanatili pa rin siyang naghihintay sa pagbabalik nito. Isang araw ay hindi nga siya nagkamali dahil umiiyak na lumapit sa kanya si Geelen, “Anong problema? Bakit ka umiiyak?” “Ayoko na, Yumi. Pakiramdam ko ay hindi ako totoong tao kapag kasama ko sila. Kayo lang talaga ang nakakapagpalabas ng totoong ako. Sorry, Yumi. Nagkamali ako. Patawarin niyo sana ako.” Napangiti si Yumi at saka niyakap ang kaibigan, “Welcome home, friend.” Masayang-masaya si Geelen dahil agad rin siyang tinanggap nina Debbie at Mikka. Labis-labis ang paghingi niya ng tawad sa mga ito at pinangakong hindi na mauulit ang ginawa niyang pagtalikod sa mga ito. Doon ay tinaga niya sa bato na ang totoong kaibigan ay hindi kailanman kinakalimutan. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.