Inday TrendingInday Trending
Sandata Laban sa Pera at Kapangyarihan

Sandata Laban sa Pera at Kapangyarihan

Ang akala ni Jennifer ay isang bagong kliyente ang nais makipag-usap sa kaniya kaya nagulat siya nang madatnan niya si Bernard sa lugar kung saan may katatagpuin siyang tao. Si Bernard ay asawa ng dati niyang katrabaho noong namamasukan pa siya sa isang istasyon ng radyo. Hindi niya kilala ang lalaki. Nakikita niya lang ito tuwing sinusundo nito ang kaniyang asawa kaya walang pumapasok sa kaniyang isipan kung ano ang posibleng sadya nito sa kaniya.

“Alam kong hindi tayo personal na magkakilala. Pero sa mga pagsisiyasat na ginawa ko ay madalas lumabas ang pangalan mo. Sa pagkakaalam ko ay malapit na kaibigan ka ng aking asawa at hindi lingid sa iyong kaalaman ang sikretong matagal nang itinatago ng apat na pader ng istasyon ng radyo na dati mong pinagtrabahuhan,” pahayag ni Bernard.

Nabalitaan ni Jennifer na bigla na lang pumanaw ang kaniyang kaibigan ngunit walang makapagsabi sa kaniya kung ano ang dahilan ng kinam*tay nito. At dahil sa kaniyang mga narinig mula mismo sa bibig ng asawa nito ay may hinala na siya kung ano ang posibleng sinapit ng kaniyang kaibigan kaya halos mangatog ang kaniyang katawan dahil dinala na naman siya muli ng kaniyang diwa sa bangungot na pilit niyang kinakalimutan ngunit hindi niya magawa.

“Nais kong makamit ng asawa ko ang katarungang nararapat lamang na igawad sa kaniya. Ilang beses na akong nagtangkang magsampa ng kaso ngunit masyadong malakas ang kalaban. Ang lahat na aksyong ginawa ko ay tinapatan ng pera. Maliban pa doon ay malakas ang kapit niya sa taas. Ang tanging naiisip ko na lang na paraan ay ang ibulgar sa lahat ang kaniyang kawal*nghiyaan. Tulungan mo akong isiwalat ang kaniyang baho,” pakiusap ni Bernard.

Nauunawaan ni Jennifer kung ano ang nararamdaman ni Bernard. Ang pakiramdam ng kawalan ng hustisya, na pera ang pinapanigan ng batas, na wala kang malapitan para mahingian ng tulong dahil binabaliktad ka ng mga kinauukulan at ang talikuran ka ng mga taong itinuring mong tangi mong pag-asa.

Sa umpisa ay ilang beses tinanggihan ni Jennifer na tulungan si Bernard. Ayaw na niyang sariwain ang masalimuot niyang nakaraan. Ayaw na niyang maramdaman ulit ang kawalan ng pag-asa. Ayaw niyang sumuong ulit sa isang laban kung saan sa umpisa pa lang ay alam niyang dehado na siya.

Ngunit sa bandang huli ay nakumbinsi rin siya ng lalaki na kailangan niyang maging matapang at sumuong ulit sa giyera. Kailangan nang matapos ang kadem*nyohan ng may-ari ng istasyon ng radyo na dati niyang pinagtatrabahuhan alang-alang sa kaniya at sa asawa ni Bernard na dumanas ng matinding impiyerno mula sa madumi nitong mga kamay. At higit sa lahat ay upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga babaeng nadungisan ang dangal at pagkatao.

“Huwag kang mag-alala. Susuportahan tayo ng boss ko. Kung sakali mang buweltahan niya tayo ng kasong libelo magagamit natin ang pagkakataong iyon para ilabas ang ating mga ebidensiya sa korte. Hindi niya tayo magagalaw ng basta-basta dahil sa oras na lumabas na ang artikulong sinulat ko laban sa kaniya sa news magazine namin ay siguradong maraming mga mata ang magbabantay sa bawat kilos na gagawin niya,” pagpapalakas ng loob ni Bernard kay Jennifer matapos ilahad sa kaniya ng babae ang lahat ng nalalaman nito laban sa dati nitong boss. Pati ang malupit na sinapit ng babae sa naturang boss ay walang pakundangan din nitong ikinuwento sa kaniya.

Ilang araw ang nakalipas bago nailathala sa news magazine ang artikulong isinulat ni Bernard. Sa paglabas ng kaniyang artikulo tuluyan nang sumabog sa publiko ang bahong pinakatatago ni Mario, ang may-ari ng istasyon ng radyo kung saan nagtrabaho si Jennifer dati. Ang dating tinitingala at ginagalang ng marami ay mas kilala na ngayon bilang isang lalaki na ang paboritong libangan ay abusuhin ang kaniyang kapangyarihan upang lapast*nganin ang mga babaeng empleyado ng istasyon na kaniyang napupusuan.

Tinangka ni Mario na pabanguhin ang kaniyang pangalan ngunit dahil sa mabilis na pagkalat ng balita kahit ubusin pa ng lalaki ang lahat ng kaniyang kayamanan ay hindi pa rin ito sapat para linisin ang nadungisan niyang pangalan. Pakilusin man niya ang lahat ng nasa kapangyarihan na kaniyang kinakapitan hindi pa rin ito sapat para sugpuin ang sunud-sunod na paglitaw ng iba pang mga kababaihan na nabiktima niya. Mga kababaihan na nabuhayan ng loob dahil sa wakas ay makakamtan na rin nila ang katarungan na ilang taon ding ipinagkait sa kanila.

Sa pagkakataong ito ay wala ng takas si Mario. Hindi na niya matatakbuhan ang krimeng paulit-ulit niyang ginawa dahil sisingilin na siya ng batas sa kaniyang mga kasalanan.

Ang artikulong sinulat ni Bernard ang nagbigay daan para tuluyan nang masampahan ng kaso at maipakulong ng lalaki ang taong sumira sa buhay ng kaniyang asawa. Ang pinakamamahal niyang babae na winakasan ang sarili nitong buhay dahil hindi nito nakayanan ang pangbab*boy na ginawa sa kaniya ni Mario.

Dahil sa katapangan at pagpupursige ni Bernard ay nakamit niya ang katarungan para sa kaniyang asawa. Maliban pa dito ay napalaya din niya ang iba pang mga kababaihang tulad ni Jennifer na mahabang panahon nang nagdurusa sa kanilang bangungot at higit sa lahat ay nailigtas niya ang mga babaeng namamasukan sa istasyon mula sa demoniyong si Mario.

Advertisement