Isang Mabait na Binatilyo ang Nag Iigib Para sa Mayamang Lalaki Upang Kumita ng Pera, Di Nila Akalain ang Pagkakataon na Muli Silang Magkikita
Manager sa isang malaking hotel si Dexter, habang ang misis niya naman ay mataas na rin ang posisyon sa opisinang pinagtatrabahuhan nito. Mayroon silang tatlong anak, ang panganay niyang si Elisse na 17 years old, si JR na 12 years old at ang bunsong si Darwin, 8 years old.Si Elisse lamang ang nag iisa niyang babae kaya ingat na ingat sila dito ni misis.
Maganda kasi ang dalagita, di naman lihim sa kanyang may mga nais nang manligaw dito pero mahigpit siya dahil di niya pa maisip na magkakaboyfriend na ang unica hija niya.
“Tao po..”
Nagising sa pagkakatulala si Dexter nang marinig niya ang tumatawag sa labas ng kanilang gate. Nang silipin niya iyon ay isang gwapong binatilyo ang sumisilip sa kanilang bintana, ibinaba ni Dexter ang dyaryo at lumabas.
“Ano’ng kailangan mo?” taas kilay na sabi nya.
“Goodmorning Sir, baka po may ipapagamas kayong damo dito sa bakuran nyo, or magpapaigib po kayo ng tubig. Mura lang po,” nakangiting sabi nito.
Medyo napangiti man ay nagtaka ang lalaki, wala kasi sa itsura ng binatilyo ang mag aalok ng mga ganoong serbisyo dahil kita naman sa kutis nito na may kaya ito. Hindi pa naman kailangan ng paggagamas sa kanilang bakuran pero nakaramdam siya ng awa dito kaya tumango siya.
“Mura lang ba talaga? baka tagain moko sa presyo.” biro niya.
“Hindi Sir! 50 pesos lang!” natuwa namang sabi nito. Kinuha na nito ang panggamas at sinimulan nang magputol ng mga ligaw na damo sa kanyang bakuran.
Swerte naman ng mga magulang ng binatilyong ito, sa murang edad ay marunong nang magtrabaho. Nang matapos ito ay iniabot niya na ang sikwenta pesos at nakita niyang kumatok naman ito sa kanyang kapitbahay.
Kinabukasan ay araw ng Lunes, pag uwi ng anak niyang si Elisse mula sa eskwela ay pabalik balik ito sa harapan niya at tila ba may nais sabihin.
“Dad..” sabi nito.
“Mmm?” sabi nya naman, hindi tumitingin. Abala siya sa panonood ng balita.
“M-may sasabihin po sana ako sa inyo..” sabi ng dalagita, tila ba nahihiya.
Tumingin naman siya dito at nag abang ng sasabihin nito. “May..may gusto po sanang umakyat ng ligaw dito sa bahay..” mahinang sabi nito.
Tumaas ang kilay ni Dexter, kadalasan kasi ay di naman nagpapaalam ang dalagita niya tungkol sa mga manliligaw nito at agad nang binabasted ang mga iyon. Pero ngayon ay iba, tila ba gusto rin nito ang lalaki.
“Gusto mo siya?” di mapigilang tanong niya.
Tumango nang marahan ang dalaga. Napabuntong hininga si Dexter, “Sige, pero ligaw lang ha? Wala ka pang 18. Doon mo nalang papuntahin sa bahay ng lola mo sa Sunday, para makilala rin nila.Matulog kana at maaga pa ang klase mo bukas,” sabi niya.
Napatalon naman sa tuwa si Elisse, “Yay! Thanks Dad!”
Kinabukasan ay hapon na nakapunta ang binatilyong naggagamas sa kanyang bahay,”Sir, gamas po ulit?” sabi nito. Hinihingal pa. Halatang galing sa unibersidad dahil naka- uniporme pa ito.
“Aba toy, ano nga ulit ang pangalan mo?” Tanong niya.
“Jeremy po.”
“Jeremy, baka naman makalbo ang bakuran ko kagagamas mo.” natatawa sya.
Napakamot naman sa ulo ang binatilyo at napapangiti, “May pinaghahandaan lang po kasi. Igib po sir?” sabi nito.
“Sige na nga, punuin mo yang drum sa likod. Kung gusto mo bukas ay mag igib ka ulit, sikwenta pesos ha?” sabi nya. Naawa kasi sya rito dahil mukhang kailangang kailangan ng pera.
“Salamat ho! Pag iigihan ko Sir!” sabi nito at masigasig nang kinuha ang mga timba at sinimulang mag igib. Hinubad pa nito ang polo at nagsando na lang. Napapangiti si Dexter, napaka-tyagang bata, sa isip isip niya.
Mabilis lumipas ang isang Linggo, araw araw ay nag iigib si Jeremy kapag wala itong klase. Sabado na nang pagsabihan niya itong wag na munang mag igib dahil may lakad sila, pupunta sila sa lola ng kanyang mga anak. Darating rin doon ang manliligaw ni Elisse.
“Ayos lang po Sir, salamat po ah!” sabi nito.
Pagsapit ng Linggo ay parang tuod na pabalik balik si Dexter sa salas, grabe, may manliligaw na ang baby girl niya.
“Dad, rumelax ka nga dyan. Hindi pa mag aasawa ang anak natin!” natatawang sabi ng misis niya, napapitlag siya nang marinig ang doorbell. Ang dalagita niya naman ay nagmamadaling tumakbo palabas.
Palihim na sinundan ito ni Dexter at nagtago pa siya sa pader para pakinggan ang pag uusap ng dalawa.
“Para sayo,” sabi ng pamilyar na boses. Di niya masyadong makita ang mukha ng manliligaw dahil pag sumilip siya ay makikita sya ng mga ito.
“Wow! Mahal itong flowers na ganito.. baka naman naubos na ang baon po para dito,” sabi naman ng kanyang anak.
Sus! Hiningi nya kamo yan sa nanay niya, taas ang kilay na bulong ni Dexter.
“Hindi, pinag ipunan ko ito..M-may part time job ako.” sabi naman nito.
“Sige, lika na pasok ka. Naghihintay si Dad sa loob.”
Bago pa makapasok ang dalawa ay nauna na si Dexter at nagkunwaring prenteng nakaupo sa salas. Nang makapasok ang dalawa ay nanlaki ang mata ng manliligaw nang makita siya.
“Sir?! Kayo po ang daddy ni Elisse?” sabi ni Jeremy.
Nanlaki rin naman ang mata ni Dexter, kasunod noon ay napangiti siya. Ito pala ang sinasabi ng binatilyo na pinag iipunang mahalaga, ang anak niya!
“At ikaw ang manliligaw niya?” natatawang sabi nya.
“Pasensya na ho, hindi ko ho talaga intensyon na sa inyo pa manghingi ng-”
“Wala iyon to, pinagtrabahuhan mo yun.” sabi niya at tinapik pa ang balikat nito.
Nagulat naman si Elisse sa inaakto ng daddy niya. Inexpect niya kasi na magsusungit ito pero ngayon ay ngiting ngiti pa ito at nakikipagkwentuhan pa kay Jeremy, kaklase niya ang lalaki pero irregular ito dahil bagong transfer lang.
Galing si Jeremy sa mayamang pamilya pero may dignidad ito at nais na mula sa sariling pawis niya ang perang gagamitin sa panliligaw, kaya nga yon ang nagustuhan ni Dexter sa kanyang manugang.
Manugang, dahil makalipas ang walong taon ay heto siya, inihahatid ang kanyang prinsesa sa altar kung saan nakaabang si Jeremy.
Panatag ang loob niya at alam niyang iingatan ng lalaki ang kanyang pinakamamahal na anak.