Inday TrendingInday Trending
Minura-mura ng Mayabang na Lalaki ang Call Center Agent sa Telepono, Ito Pala ang Nililigawan Niyang Babae

Minura-mura ng Mayabang na Lalaki ang Call Center Agent sa Telepono, Ito Pala ang Nililigawan Niyang Babae

“Ano ka ba naman? Bakit ang tanga-tanga mo? Simpleng direction hindi mo pa magawa? Kanina pa nakababad ang tenga ko dito sa telepono, hindi mo pa rin nasosolve ang problema ng internet ko!” galit na galit na turan ni Ernico sa babaeng customer agent sa kanyang internet telecom company. Inis na inis kasi siya dahil bukod sa tagal niyang naghintay sa sasagot na agent, ay tila hindi pa makaintindi ng simpleng tagalog ang babaeng ahente. Halos kalahating oras na siyang nakababad sa telepono at hanggang ngayon ay wala pa ring solusyon sa problema ng kanyang internet connection. “Miss nagbabayad ako ng matino, lintik ka, ayusin mo ‘to!” aniya at minura-mura pa ang babae sa kabilang linya. “Pasensya na talaga kayo, Sir. Ginagawa naman po namin ang lahat upang mapabilis ang proseso ng inyong internet re-connection. Pangako po na magkakaroon ulit kayo ng internet sa pagdalaw po ng technicians namin sa area niyo,” mahinahong ika ng babae sa kabilang linya. Napapailing siya. Hindi ganito ang gusto niyang sagot at solusyon sa problema. Muli na naman niyang minura ito, “Kahit anong paliwanag ko sayo, hindi mo talaga maiintindihan dahil bobo ka. Nakapagtapos ka ba ng elementarya? Simpleng tagalog hindi mo pa maintindihan!” Gusto niya kasi na agad-agad siyang makabitan ng internet. Sayang kasi ang nilalaro niyang games sa kanyang cellphone, “Nakakabwisit. Kung may iba lang akong maganda-gandang malilipatan matagal ko na kayong dinispatya. Mga walang-kwenta!” “Pasensya na po talaga kayo, Sir.” Muli na naman niyang minura ang babae, “Ayoko ng pasensya mo. Hindi ko kailangan n’yan! Ano bang pangalan mo? At irereklamo kita sa manager mo?” Todo-hingi pa rin ng paumanhin ang babae sa kabilang linya. Ngunit hindi siya nagpaawat at nagpumilit pa rin alamin ang buong pangalan ng babae, “Ibibigay mo ba ang buong pangalan mo o idedemanda ko ang kumpanya niyo?!” “Angeline Vasquez po.” Tila siya nabingi sa sinabing pangalan ng babae. Pinagpawisan siya nang malagkit kahit naka-aircon siya. “Ah… Angeline…” Bumaba ang tono ng kanyang boses, “S-sorry, bhe.” “Rest assured, Sir na may darating pong technicians by tomorrow. May iba pa po ba kayong concern?” patuloy ng dalaga sa kabilang linya. Tila gustong magpahigop ni Ernico nang buhay sa lupa. Hindi niya mapaniwalaang nagawa niyang mura-murahin ang babaeng gustong-gusto niya. Noong isang linggo lang nang sa wakas ay pumayag itong magpaligaw sa kabila ng isang taong panunuyo niya dito. Tuwang-tuwa pa nga siya dahil sa wakas ay nag-level up ang turing nito sa kanya na mula sa pagiging “stalker” ay naging opisyal nang “manliligaw”. Pero dahil sa pangyayaring ito ay tila maglalaho lang lahat ng pinaghirapan niya. Malay niya bang sa call center pala ito nagtatrabaho? Ang alam niya ay lumipat lang ito kamakailan ng kumpanya pero hindi niya alam na nagtatrabaho ito bilang call center agent. Kaya pala kanina pa pamilyar sa kanya ang boses ng babae, pero hindi siya nagpaapekto dahil sa inis niya nang mawalan siya ng internet. “Sorry…” muli niyang hingi ng paumanhin dito. Magiliw pa rin naman nitong tinapos ang tawag nila bilang customer at agent. Kinabukasan ay agad niyang pinuntahan sa bahay ang babae. Laking-pasalamat niya nang harapin siya nito. “Wala ka nang mapapala sa akin Ernico,” nanlambot ang tuhod niya sa diretsahang sabi nito. “Kung wala kang galang sa mga babae at ganoon nalang kung mura-murahin mo dahil akala mo’y ibang tao, paano pa kaya kung naging tayo? Baka kapag konting inis mo lang ay maliitin mo na rin ang pagkatao ko.” Yun lamang at naiwan na siyang tulala sa harap ng bahay nito. Hindi niya akalaing sa isang kisapmata lang matatapos ang masugid niyang panliligaw sa babaeng pinakagusto niya. Sising-sisi siya sa maling inasal niya. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement