Silid Pahingahan ni Biboy
Isang araw ay nagkita-kita ang magka-kaklase sa bahay ng isa nilang kasama para doon gumawa ng kanilang group project.
“Kumpleto na ba lahat? Teka, si Biboy nasaan na?” tanong ni Resty, ang lider ng grupo.
“Wala pa siya, e. Darating ba siya?” ganting tanong naman ni Kelvin.
Mayamaya ay dumating na nga ang kanina pa nila inaantay na si Biboy. Pawis na pawis at hinihingal pa na lumapit sa kanila.
“Late na ba ako? Pasensya na, ngayon lang kasi nakaalis ang mga amo ko, e!” paliwanag ng binatilyo.
“Palagi ka naman ganyan kaya sanay na kami,” wika ni James.
“Tama na iyan. Tara na at para masimulan na natin ang gagawin. Kailangan din na makauwi tayo ng maaga,” sabi ni Resty sa mga kasama.
Sinimulan na nga nila ang paggawa ng proyekto nila sa eskwela. Habang gumagawa ay hindi nila naiwasang magkuwentuhan.
“Mabuti nga at kumpleto tayo para matapos natin itong pinagagawa ni Ma’am. Bukas kasi ay hindi ako puwede dahil araw ng Linggo. Magsisimba kami kasama ang nanay at tatay ko. Pagkatapos ay kakain kami sa labas at mamamasyal,” kuwento ni Kelvin.
“Ako naman ay gusto kong matapos na tayo agad para makapagpahinga sa kuwarto ko. Tuwing Sabado at Linggo na lamang akong nakakatulog ng mahaba-haba,” sabad ni James.
“Kaya naman gusto mo na palaging matulog sa kuwarto mo ay dahil may aircon kayo at siguradong masarap ang tulog mo!” hirit ni Resty.
“Ang yabang mo, James porket may aircon ang loob ng kuwarto mo,” wika ni Kelvin.
“Teka muna, hindi ko naman pinagyayabang na may aircon sa kuwarto ko, a! Ang sa akin lang ay gusto kong palaging natutulog o di naman kaya ay nakahiga lang kapag walang pasok. Buong linggo nang pagod ang mga katawan at isip natin sa eskwela, kaya kailangan din naman na sulitin natin ang dalawang araw na wala tayong pasok,” paliwanag ni James.
“Buti ka nga malamig sa loob ng kuwarto mo, sa kuwarto ko ay sobrang init naman kapag tanghali. Hindi rin ako makapagpahinga. Kasi naman hindi pa nilalagyan ng kurtina ni nanay ang bintana sa loob kaya kapag todo ang sikat ng araw sa tanghaling tapat ay sobrang init sa loob na para bang iniihaw ka na,” hinaing naman ni Kelvin.
“Alam mo ganyan din ang problema ko, sa kuwarto ay kasama ko naman ang dalawa kong nakatatandang kapatid. Ang hirap matulog sa gabi dahil ang lalakas humilik. Kaya nga minsan palagi akong napupuyat dahil sa kanila. Kaya nga ayaw kong magkaroon ng kasama sa kuwarto dahil ayoko na may istorbo sa pagtulog ko. Pero wala, e. Inaayos pa iyong mga magiging kuwarto nila kaya ilang araw pa akong magtitiis na katabi sila,” hayag naman ng lider na si Resty.
Mayamaya ay biglang nagsalita si Biboy.
“Kahit ano pa ang mga kuwarto niyo ay magpasalamat pa rin kayo dahil may maayos kayong natutulugan,” anito.
“Ikaw ba, ano ba ang ginagawa mo sa bahay ng amo mo kapag day off mo?’ tanong ni Kelvin sa kapwa binatilyo.
Isang kasambahay si Biboy. Bata pa lamang siya ay ulilang lubos na siya at kung kani-kanino nakikitira. Hanggang sa magtrabaho siya bilang kasambahay sa isang pamilya. Maayos naman ang pakikitungo ng mga ito sa kanya. Pinapakain siya tatlong beses isang araw, binibigyan siya ng sahod kada buwan at pinag-aaral din siya ng mga ito. Kahit kailan ay hindi siya pinagmalupitan ng mga amo.
“Ako, maghapon akong nag-aaral tuwing day off ko. Imbes na ipangkain sa labas o ipamasyal ko ang sinasahod ko ay itinatabi ko para may baon ako sa araw-araw. Siyempre gaya niyo ay nagpapahinga rin ako sa kuwarto ko,” pagmamalaking wika ni Biboy.
“M-may sarili kang kuwarto?” manghang sabi ng mga kaklase.
“Oo naman. Akala niyo ay kayo lang ang may kuwarto? Hindi nga kasing laki at ganda ng kuwarto niyo pero kahit paano ay may pahingahaan ako,” anito.
May naisip na ideya ang mga kaklase.
“Gusto naming makita ang kuwarto mo, Biboy. Dalhim mo naman kami sa bahay ng amo mo!” yaya ni Kelvin.
“Oo nga, Biboy. Hindi pa namin nakikita kung saan ka natira,” ani James.
“Sige na, saglit lang naman. Titingnan lang namin,” sabad naman ni Resty.
“S-sige na nga. Saglit lang tayo ha, baka kasi dumating na ang mga amo ko, e!”
Dinala nga niya ang mga kaklase sa bahay ng kanyang mga amo. Pagpasok pa lang nila sa loob ay nagulat na ang mga binatilyo sa ganda ng bahay.
“Wow ang ganda naman dito, Biboy. Mukhang mayaman ang mga amo mo,” manghang wika ni Kelvin.
“Naku, siguradong maganda rin ang kuwarto mo ‘no? Ipakita mo na sa amin kung saan ang kuwarto mo!’ yaya ni James.
Inihatid ni Biboy ang mga kaklase sa pinakadulong kuwarto sa ibaba ng bahay at nang buksan niya ang pinto ay laking gulat ng mga kaklase niya sa nakita.
“D-dito ka natutulog?” di makapaniwalang tanong ni Resty.
“Ito ang silid tulugan mo? isang BANYO?” tanong naman ni James.
“Oo, dito ako natutulog at ito ang silid pahingahan ko. Nung binili kasi itong bahay ng mga amo ko ay walang sobrang kuwarto at wala ring kuwarto para sa mga kasambahay kaya pansamantala ay dito sa banyo sa ibaba ng bahay ako natutulog. Hindi naman ginagamit ito dahil may kanya-kanyang banyo ang kuwarto ng mga amo ko at mga anak nila. Isa pa, hindi marumi dito at palagi kong nililinisan para hindi mangamoy at pamahayan ng mga insekto,” hayag ni Biboy.
Nang makita ng tatlo ang kalagayan ng kanilang kaklase ay bigla silang nahabag rito. Sa isip nila ay napakasuwerte nila at nakakatulog at nakakapagpahinga sila sa isang maayo na kuwarto na may malambot na kama, samantlang si Biboy ay sa lapag lang ng maliit na banyo nagpapahinga gamit ang banig, isang manipis na kumot at isang unan.
“Kaya nga ako nag-aaral ng mabuti dahil ang gusto ko balang araw ay makatulog rin ako sa isang maayos na kuwarto at hindi na sa maliit at masikip na banyo. Iyong makakahiga rin ako sa malambot na kama. Pagsusumikapan kong makapagtapos sa pag-aaral para sa aking pangarap,” sabi pa ng binatilyo.
Mula noon ay hinangaan na nila si Biboy. Kung dati ay pinagtatawanan nila ito dahil isa lamang itong kasambahay, ngayon ay mataas na ang respeto nila sa binatilyo dahil sa nalaman nila tungkol sa kanilang kaklase. Hangad din nila ang pagtatagumpay nito kaya palagi na silang nakasuporta sa kanilang kaibigan hanggang sa maabot ni Biboy ang kanyang pangarap.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!