Inday TrendingInday Trending
Inakala ng Kapatid ng Babaeng Ito na Nagdadamot Siya Kaya Tinawag Siya Nitong Mukhang Pera, Ngunit Napaatras Ito nang Sabihin Niya ang Kalagayan Niya

Inakala ng Kapatid ng Babaeng Ito na Nagdadamot Siya Kaya Tinawag Siya Nitong Mukhang Pera, Ngunit Napaatras Ito nang Sabihin Niya ang Kalagayan Niya

Si Nancy ay ang bunso sa tatlong magkakapatid. Kaka-graduate niya lang sa college at nakapagtrabaho agad sa isang kilalang kumpanya sa Makati. Panggabi ang kanyang trabaho kaya naman palagi siyang puyat dahil sa umaga’y hindi siya makatulog sa ingay sa paligid. Isang araw ay nainis na si Nancy sa ingay ng mga kuya kaya sinaway na ang mga ito, “Mga kuya ano ba, pagod at puyat ako, pwede bang huwag kayong maingay?” Naka-ismid agad ang kuya Jerry niya, pangalawa sa magkakapatid, “Kaarte-arte mo, porke’t ikaw nagtatrabaho dito sa bahay, akala mong reyna ka na!” Sasagot na sana siya nang biglang magsalita ang panganay nilang kapatid na si Ricky, “Sorry bunso. Aalis nalang kami nitong kuya Jerry mo.” Nginitian siya ng kuya Ricky niya at muling nagsalita, “Tulog ka na. Pagpasensyahan mo na ang mga kuya ah. Promise, maghahanap ulit ako ng trabaho para matulungan ka naman sa gastos natin dito sa bahay.” Walang trabaho ang kuya Jerry niyang 24 years old na, samantalang ang panganay naman nilang si Ricky na 29 years old ay natanggal sa trabaho dahil na-bankrupt ang kumpanyang pinagtatrabahuan. Hindi nalang siya nagsalita at natulog nalang muli. Ngunit hindi mawala sa isip niya ang malungkot na ngiti ng panganay niyang kapatid. Batid niyang iniisip nito ang kalagayan nila ngayon. Kahit hindi nito sabihin ay naapektuhan ang pride nito bilang panganay dahil siya pa na bunso ang may trabaho at bumubuhay sa pamilya. Ang nanay at tatay niya ay gumagawa at nagtitinda lang ng balot sa kalsada. Sa maliit na kinikita ng mga ito ay kulang pa pambayad ng upa ng bahay nila. Isang gabi bago siya pumasok ay binilang niya ang allowance niya. Mukhang kukulangin na naman siya sa pamasahe bago ang sahod. Hindi niya napansing nakatingin na pala sa kanya ang kuya Jerry niya. “Oy, penge ngang 100 bibili lang ako ng yosi,” ika nito. “Kuya, yosi lang isandaan pa ang hihingin mo?” tanong niya dito. “Malamang isang kaha na ang bibilhin ko. Para ‘di na ako nakakarinig ng putak mo,” pagalit na sabi nito. Napakamot siya sa batok, “Pasensya na kuya, kulang na kasi ‘tong allowance ko eh. Ito bente, bili ka muna kahit apat.” Tinanggap nito ngunit tinapon din pabalik sa kanya ang pera, “Iyo na ‘yan. Mukha kang pera!” Nasaktan siya sa sinabi nito, hindi niya mapigilang maiyak, “Hindi mo ba alam ang hirap ko sa trabaho kuya?” “Oo na, ikaw nang nagtatrabaho. Ikaw nang magaling! Ikaw nang lahat!” “Hindi ko naman sinusumbat ‘yun. Pero sana iniisip mo din kalagayan ko. Sa trabaho ko, isang beses lang ako kumakain. Kahit nagugutom ako, tinitiis kong hindi bumili sa canteen, kasi makukulangan ako sa pamasahe. Puro libreng kape lang iniinom ko, kahit mangasim na ‘tong sikmura ko, okay lang basta mabudget ko lang ‘yung allowance ko bago sumahod.” Umiiyak siya habang inaalala ang hirap niya sa trabaho, “Tapos pag sahuran, kailangan lahat kayo bibigyan ko, kasi syempre hindi ko naman kayo matitiis eh. Magkano matitira sa akin? Pamasaheng-pamasahe lang, minsan nakukulangan pa dahil hinihingan niyo pa rin ako pagkatapos.” “Kuya hirap na hirap na ako pero hindi ako nagrereklamo sa inyo, kahit puyat at pagod ang dinaranas ko, okay lang makita ko lang kayong masaya at hindi nagugutom sa araw-araw. Kahit ang kapalit ng lahat ng iyon ay nag sarili kong kasiyahan at kalusugan.” Kinabukasan ay nagulat si Nancy dahil tahimik ang buong-bahay. Wala ang pangkaraniwang ingay ng dalawa niyang kuya. “Nay, asan po sina kuya?” Ngumiti ang nanay niya, “Nagpabili ng bio-data anak. Maghahanap daw sila ng trabaho.” Hindi niya na rin mapigilang mapangiti. Mahal pa rin talaga siya ng mga kuya niya. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement