Napahiya ang Abusadong Security Guard, Hindi Niya Inakalang Amo Pala Niya ang Matandang Inaapi
Mag iisang buwan pa lang si Marty sa trabaho niya bilang security guard ng isang warehouse. Ang opisina ng kanilang kumpanya ay sa iba nakabase at nandoon ang kanilang boss, ngunit ang mga maliliit na empleyado ay dito nagtatrabaho. Kaya ganoon na lang kung sitahin ni Marty ang mga ito, minsan nga kahit wala namang kasalanan ay pinag iinitan niya. Tuwang tuwa siya dahil walang magawa ang mga empleyado lalo na iyong mga baguhan pa lang, nanginginig pa ang mga ito. “I.D mo? Papasok kayo ayaw isuot ang I.D!” sita ni Marty sa isang lalaking empleyado na nasa 20 anyos, alam niyang baguhan ito. “Teka lang po chief,” magalang na sabi ng lalaki habang natatarantang kinakalkal ang bag at hinahanap ang I.D. “Bilisan mo at mahaba na ang pila!” sabi niya rito na ang tinutukoy ay ang pila ng mga magchecheck ng bag. Sa totoo lang ay hindi naman talaga mahaba ang pila, dalawa lang ang nasa likod nito, isang matandang lalaki at isang babae na hindi maintindihan ni Marty kung bakit mukhang natataranta. Nagtaka rin siya kung paano nakapasok ang matandang lalaki sa trabaho, hindi ba dapat over age na ito? Pero suot nito ang uniform ng mga empleyado kaya siguro nga ay nakalusot ito. Nahanap na ng binata ang I.D at isinuot iyon kaya pinatuloy niya na ito. Sunod na nagpacheck ng bag ang matanda, napansin niyang maganda ang suot nitong relo. “Ganda ng relo mo ah? Saan mo nabili yan?” sabi niya rito at hinawakan niya ang braso nito upang mas matitigan niya pa ang suot na orasan ng matanda. “Excuse me?” sabi ng matanda na tila nainis. “Tinatanong lang kita kung saan nabibili yan, pikon? Di ka ba over age na para dito?” tanong niyang muli. Naninibago siya, sa tingin niya kasi ay nasa 80 taong gulang na ito. “I don’t think so.” sabi ng matanda na nakangisi. Nainsulto naman si Marty dahil hindi nasisindak ito sa kanya. “Pa- English english ka pa! Wag kaya kitang papasuking gurang ka?” kapag pumalag pa sa kanya ang matandang ito ay ewan na niya. “May I.D ako, na-check mo na ang bag ko, so pwede na akong pumasok.” Napatitig ang guard sa I.D na itinaas nito, Alfonso Sumilac, magsasalita pa si Marty pero nagdire-diretso na ito. Hindi niya inakalang tinalikuran lang siya ng isang matanda, siya ang siga dito tapos ay nagpatalo siya!Humanda ka sa akin, Alfonso Sumilac.Nang matapos ang oras ng pasok ng mga empleyado ay nakiusap muna siya sa kasamang guard na silip silipin ang poste niya dahil may hahanapin siya sa loob ng warehouse. Balak niyang pahiyain ang matanda at pansinin lahat ng kilos nito. “Grabe no, napaka-down to earth ni Sir. Nagsusuot pa sya ng uniporme natin,” sabi ng isang nakangiting empleyado. “Oo nga, ganyan daw talaga yan kapag nadalaw dito sa warehouse. Nakikisama sa mga empleyado para hindi tayo mailang.” sagot naman ng isa pa. Parehong maganda ang ngiti ng mga ito, na nawala nang matanaw siya. “Saan dito si Alfonso Sumilac?” tanong niya sa dalawa. Nakatitig lang ang mga ito sa kanya, tila hindi makapaniwala. “Ano na? Saan na?” masungit na muling tanong niya. “Sasamahan ka namin.” sabi ng mga ito at nagsimula nang maglakad, sumunod naman siya. Pasimple niya ring minamasdan ang likuran ng dalawang babaeng empleyado,sexy. Ikinabigla niya nang umakyat sila sa itaas, hindi kasi pwede ang mga empleyado doon, ini-reserve ang kwartong iyon para sa pagbisita ng pinaka-boss ng kumpanya. “Hoy, baka niloloko nyo ako? Humanda kayo sakin pag nagloloko kayo.” sabi niya sa mga ito. Wala namang imik ang dalawa, saglit na nagkatinginan lang tapos itinuloy na ang paglalakad. Bago sila pumasok sa pinto ay saktong labas ng isa sa mga kasama niyang security guard. “O Marty, sinabi na nila?” tanong nito. “Ang alin?” walang ideya niyang sagot. “Pumasok ka nalang sa loob, pinapahanap ka ni SIR.” kinakabahang sabi nito. Hindi na nagsalita si Marty at binuksan ang pinto. Hindi niya alam na nandito pala ang amo nila, tama nga siguro ang dalawang babae kanina. Dapat pala magpakabait siya kahit panandalian kasi nandito ang may ari. Pero nanlaki ang mata niya nang makita ang pamilyar na bulto ng katawan. Puting buhok. Magandang relo. Napasulyap rin siya sa karatulang nakasulat sa mesa nito. ALFONSO SUMILAC Chief Executive Officer “Ano, over age ba ako para rito?”
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!