Inday TrendingInday Trending
Nagbuntis ang Babaeng Ito Para sa Ibang Tao, Ano Kaya Ang Naging Kapalaran Niya sa Desisyong Iyon

Nagbuntis ang Babaeng Ito Para sa Ibang Tao, Ano Kaya Ang Naging Kapalaran Niya sa Desisyong Iyon

“1, 2, 3! Ire misis, ire!” saad ng doktor kay Ada at sa ilang saglit lamang ay lumabas ang bata at napuno ng iyak ang buong paligid, tuluyan ng dumilim ang paligid ng babae. Pagkalipas ng apat na oras niyang pagpapahinga sa panganganak ay nagising narin si Ada.

“Ada, ito na daw yung kalahating kulang, tsaka pwede ka pa raw tumira doon sa dorm ng anim na buwan, bayad naman na daw iyon at wala ka nang proproblemahin,” saad ni Kirat, ang kaibigan ng babae.

Tumango lamang si Ada sa kaibigan at tinangap ang sobre na naglalaman ng pera na nagkakahalagang 150,000 pesos, binilang agad ito ng babae.

Ito ang unang pagkakataong pinasok ni Ada ang pagbubuntis para sa ibang tao. Akala niya ay magiging madali lang ang lahat, lolobo ang tiyan niya at iire niya lang ito tapos tapos na. Ngunit heto ngayon si Ada, umaagos ang kanyang mga luha. Dahil sa unang pagkakataon naramdaman niyang nabawasan ang kanyang pagkatao.

“Kirat, bakit ganito? Bakit pakiramdam ko baldado ako?” tanong ng dalaga sa kaibigan.

“Baka sa gamot yan kaya wala ka pa masyadong maramdaman, sabi ko naman kasi sayo umatras ka na lang e, pwede naman natin itakbo yung bata tapos buhayin mo,” baling ng kaibigan habang bumubulong ito.

Sa lying-in nanganak si Ada at may doktor na nag-aasikaso sa kaniya, kasama ito sa napagkasunduang kontrata.

“Para ano? Para mabuhay din siyang miserable kagaya ko!? Ayos na yun at saka may pera naman na ako, makakapagumpisa na ako ng negosyo,” saad ni Ada sa kaibigan.

Ulila ang dalaga at lumaki sa bahay ampunan, maganda ito dahil may halo ang kaniyang lahi, noong pumatong siya sa edad na 17 anyos ay naglayas na ang babae dahil walang umaampon sa kaniya doon dahil bata pa lamang ay pala-away na ito.

Kasama niya si Kirat na naglayas at namasukan sa isang club, nagtagal sila doon ng halos isang taon at nag-ipon para makakuha ng kailangang papeles at para makapag-apply sila ng maayos na trabaho.

Pagpatong nila ng 18 anyos ay agad silang sumubok na mag apply sa mga restawran bilang kahera o tagabukas ng pinto at natangap naman ang mga dalaga. Hangang sa nakilala nila si Lily, nagtratrabaho ito bilang modelo, modelo ng sasakyan, mga kasuotan at mga pangtulog.

Inalok niya si Ada na magtrabaho din doon dahil sa angkin ganda nito at nagustuhan naman ito ng dalaga dahil di hamak na mas malaki ang sweldo. Hindi naman siya nagbebenta ng laman ngunit halos hubad ang kaniyang katawan sa trabahong iyon.

Simula noong nagmodelo na si Ada ay lumayas na ang dalawa sa bar na tinutuluyan at umupa ito ng bahay. Kay Kirat ang pagkain at kay Ada naman ang bahay at kuryente, halos magkapatid na ang turingang ng dalawa.

“Kirat, ang sakit, ang sakit sakit Kirat!” saad ni Ada habang umiiyak.

Pinatahan nalamang ni Kirat ang kaibigan at pinilit itong makapagpahinga. Pagkalipas ng dalawang araw ay tuluyan siyang nakalabas at bumalik sa dorm na inupahan sa kaniya ng pamilyang Dimalipo.

Nakilala ng dalaga si Misis Helen Dimalipo noong nanuod ito sa isang fashion show kung saan kasali si Ada sa rumampa na bra at panty lamang ang suot.

“Ada, gusto mo ba ng instant 150,000? May tao kasi sa labas na nagustuhan ka,” saad ni Lily sa babae.

“Lily naman! Hindi ako nagbebenta ng laman alam mo naman yan e,” baling nito.

“Hindi ka naman aanuhin e, magbubuntis ka lang para doon sa dalawa tapos babayaran ka, sila bahala sayo sa loob ng 9 na buwan, buhay prinsesa ka basta maging maayos ang bata, baka lang gusto mo subukan mong kausapin lang,” pilit ni Lily sa dalaga.

“Ano tawag sa ganyan? Baby maker? Hala ayoko!” tanggi ni Ada dito. Ngunit bago pa man siya nakalayo ay hinarang siya ni Misis Helen.

“Hija, hindi ka naman gagalawin ng asawa ko, i-inject sayo yung sperm niya at papatirahin kita sa isang magandang bahay, ibibigay ko ang lahat ng gusto mo basta maging maayos lang kayo ng baby, pag-isipan mo hija,” saad ng babae sa kaniya sabay ipit ng isang papel na nakasulat ang kaniyang numero.

Ilang araw niyang pinag-isipan ang alok sa kaniya ng ale. Bata pa lang kasi ang dalaga pangarap na niyang magkaroon ng sariling bahay at yumaman, magkaroon ng kotse at magagarang damit at alam niyang matatagalan pa siyang maabot iyon lalo na kung sa trabaho lamang niya iaasa ang pangarap.

“So bale, 20 anyos ako ngayon, 9 months akong magbubuntis, wala akong gastos at may 150,000 pa agad ako, mukhang hindi na lugi pero taasan pa natin,” saad ng babae sa kaniyang sarili. Dali-dali niyang kinausap ang ale.

“300,000 ho misis, take it or leave it?” tanong ng dalaga sa telepono.

“Deal,” maikling sagot ng ale sa kabilang linya.

Ilang lingo lang ang lumipas ay agad na siyang nagbuntis, lahat ng kailangan ng babae para sa bata ay ibinigay ng ale, baog daw kasi ito at nakikita niya ang kaniyang sarili sa katauhan ni Ada noong bata-bata pa siya kaya gustong-gusto niya ang dalaga.

Maganda ang tirahan ng babae at naka aircon pa ito, bukod sa kailangan niya sa pagbubuntis e nagpapabili rin ito ng ibat-ibang make-up, magagarang damit at kung ano-anong pagkain. Masayang-masaya ang dalaga.

Hindi niya kinakausap ang batang nasa sinapupunan niya kahit minsan dahil ayaw nitong maging malapit sa bata, pinapakinig na lamang niya ng magagandang musika sa tuwing ito ay sisipa.

“Ada, ano iiwan muna kita dito sa dorm ha? Kailangan kong pumasok sa trabaho e, may sakit kasi yung may-ari kaya hindi ako pwede lumiban ngayon, may mga pagkain at lahat ng kailangan mo e narito na, pag may sumakit sayo, tawagan mo raw itong number na ito sabi nila para puntahan ka kaagad,” saad ni Kirat.

Tumango lamang si Ada sa kaibigan at pagka-alis nito at naiwan nalamang siyang mag-isa hindi niya napigilan ang sarili at umiyak ito nang umiyak.

Dahil kahit na hindi niya kinausap ang batang dinala niya sa loob ng siyam na buwan ay iba pala ang pakiramdam pag nawala na ito, pakiramdam niya kulang siya, masakit ang kaniyang katawan at hindi ito napapagaling ng gamot o pahinga, hinahanap niya ang batang lumaki at nakihati sa kaniyang katawan.

Lumipas ang anim na buwan na sinubukang hanapin ni Ada si Misis Helen ngunit nasa ibang bansa na raw ito, sobrang sakit ng kaniyang puso ngunit nagpakatatag ito at walang araw na hindi siya nagdasal na makita man lang ang kaniyang anak.

Nagtrabaho nang nagtrabaho si Ada hanggang sa nakapagpatayo na siya ng bahay, hindi na siya nag-asawa at naiwan na rin siya ni Kirat dahil nagkapamilya na rin ito. May negosyo na ring isang parlor shop ang dalaga.

Isang araw, laking gulat ni Ada ng may pumasok sa kaniyang shop, isang pamilyar na mukha, si Misis Helen at may batang kasing tangkad din niya ang lumabas sa likuran nito, isang babaeng kamukha niya.

Laking gulat ni Ada nang bigla siyang niyakap ng bata na para bang pinatawad na siya nito sa lahat ng pagkakamali at pagkakasalang ginawa niya. Paliwanag ni Misis Helen ay itinanong daw kasi ng bata kung sino ang tunay niyang ina at gusto niya itong makita, kaya pinagbigyan iyon ng matanda.

Hiniling ni Ada na paminsan-minsan ay hihiramin niya ang bata upang ipasyal at alagaan. Mabuti na lamang at nadaan sa pakiusap si Misis Helen at ang asawa nito at mabilis itong pumayag.

Kahit pa hindi niya tuluyang makuha ang kustodiya sa bata dahil sa kanilang usapan noon ng mag-asawa, masayang-masaya pa rin si Ada dahil itinuring pa rin siyang ina ng batang ipinagbuntis niya noon. Nangako na lamang siya sa anak at sa kanyang sarili na kailanma’y hindi niya pababayaan ang pinakamamahal na anak.

Advertisement