
Minamata Siya ng mga Dating Kaeskuwela dahil Wala raw Siyang Tinapos; Patutunayan Niyang Hindi Basehan ang Diploma para Mabuhay nang Maayos
Anibersaryo ng mag-asawang Aaron at Paulina kaya naman naisipan nilang magbakasyon sa Baguio nang silang dalawa lang. Gusto kasi nilang gumugol ng panahon para sa isa’t isa lalo na at napakaabala nila nitong mga nakaraang buwan dahil sa dami ng trabaho nila sa opisina.
Habang kumakain ang dalawa sa isang restawran sa loob ng isang malaki at sikat na mall ay nagpaalam na magbabanyo lamang si Paulina kay Aaron, ngunit makalipas ang ilang sandali ay nagtaka siya dahil hindi pa rin bumabalik ang kaniyang asawa kaya naman nagsimula na siyang magpalinga-linga sa paligid. Nang hindi pa rin niya matagpuan si Paulina ay akmang kukunin na sana niya ang kaniyang cellphone upang tawagan ito, nang hindi inaasahang mahagip ng kaniyang paningin ang ilang pamilyar na pigura ng isang grupong kapapasok lamang din sa naturang restawran… ang mga dati niyang kaeskuwela.
“Grabe, ang ganda ng lugar na ’to. Buti na lang at dito n’yo naisipang ganapin ang reunion ng section natin,” narinig niyang sabi ng isa sa mga ito na kung tama ang pagkakatanda niya ay si Aurelio.
“Sinabi mo pa, pare. May nakapagsabi sa akin na ang mall daw na ’to ang isa sa pinakadinadayo ngayon sa Pilipinas, especially, dahil dito lang matatagpuan itong restawran na ito na kilala rin pala sa ibang bansa!” sagot naman ng isa pa. Si Danny, na kilalang pinakamayaman noon sa kanilang klase.
“E, kaya ko nga s-in-uggest na dito tayo mag-reunion, e. Alam n’yo bang kaklase natin noon ang may-ari nito? Hindi lang ako sigurado kung sino, pero sa totoo lang, in-organize ko talaga ang reunion na ’to para makilala natin siya. Baka matulungan niya tayo sa itatayo nating business, mga pare!” sagot naman ni Alfred. Ang pinakamatalino sa klase nila noon.
Ipinagtaka ni Aaron kung paanong may reunion pala ang section nila noong fourth year highschool ngunit wala man lang kahit sinong nagsabi sa kaniya. Dahil doon ay minabuti niyang lapitan na lang sila.
“Mga pare, kumusta?” bati ni Aaron sa kanila na agad namang ikinagulat ng kaniyang mga dating kaeskuwela.
“Aaron? Ano’ng ginagawa mo rito? May nag-imbita ba sa ’yo rito sa reunion?” tanong naman ni Alfred sa kaniya.
“Wala,” sagot naman niya. “Sa totoo lang ay nagbabakasyon kami ng asawa ko rito ngayon. Anibersaryo kasi namin, e. Eksakto namang nakita ko kayo. May reunion pala, hindi n’yo man lang ako nasabihan.”
Biglang humagalpak nang tawa ang mga dati niyang kaeskuwela matapos niyang sabihin ’yon. “Sinadya talaga namin ’yon, pare. Inimbita lang talaga namin ’yong mga ‘importante’ sa klase natin noon. Iyon bang mga nakapagtapos na ng kolehiyo kaya matatawag nang ‘propesyonal’ ngayon? E, wala ka namang tinapos, hindi ba?” sarkastikong sabi pa sa kaniya ni Danny na agad na nakapagpangiwi kay Aaron. Hindi agad siya nakasagot. Totoo naman kasing hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo katulad ng mga ito.
“Alam mo, pare, nakakaawa ka talaga. Bakit ba kasi hindi ka nag-college? Tingnan mo kami, mga business man. Malapit na nga kaming magtayo ng negosyo naming panibago, samantalang ikaw, ganiyan ka pa rin. Wala ka tuloy pinag-aralan ngayon. Ano ba’ng trabaho mo? Janitor ka ba rito o crew?” Tinapik pa ni Aurelio ang balikat niya bago nito pinasadahan ang hitsura niya mula ulo hanggang paa. Nakangisi ito habang ginagawa ’yon lalo na nang mapansin nitong nakapambahay lamang siya, ’di tulad nilang nakapostura.
“Pare, ang totoo n’yan— ” Akmang sasagot na sana si Aaron sa tanong na ’yon ng dating kaeskuwela nang bigla siyang tawagin ng kaniyang asawang si Paulina…
“Honey! Sorry kung natagalan. Bigla ko kasing na-meet ’yong mga friends ko noong highschool tayo. Nandito raw kasi sila dahil may reunion ’yong class noon ng mga boyfriend nila!” masayang bati sa kaniya ni Paulina matapos siya nitong halikan sa pisngi sa harapan ng mga kaeskuwela niya. Sa likod naman nito ay nakasunod ang ilang kababaihang umangkla rin naman sa mga braso nina Aurelio, Danny, at Alfred.
“Siya ba ’yong asawa mo, Paulina?” gulat na tanong ng isa sa mga babae na agad namang tinanguan ng kaniyang asawa.
Biglang bumaling ang nasabing babae kay Alfred bago ito nagsalita. “Babe, naaalala mo ba ’tong si Paulina? Siya ’yong campus crush noong highschool tayo. Alam mo ba, ang swerte n’ya kasi napangasawa niya ang may-ari ng sikat na mall na ito, pati itong restaurant!” bulalas nito na halos magpalaglag naman ng panga nina Alfred, Danny at Aurelio!
Gulat na gulat ang mga ito sa nalaman. Hindi nila halos malunok ang sarili nilang laway dahil animo sila kumain ng alikabok sa narinig! Napahiya sila sa sarili nilang mga kayabangan at ngayon ay halos hindi na nila maibuka ang kanilang mga bibig.
Napatunayan ni Aaron sa kanila ngayon na hindi basehan ang diploma para umasenso siya sa buhay. Hindi na niya kailangan pang magsalita upang ipamukha iyon sa kanila kaya naman matapos ’yon ay nagpaalam na silang mag-asawa sa mga ito upang ipagpatuloy ang naudlot nilang bakasyon. Naiwan naman ang napapahiyang sina Aurelio, Danny, at Alfred na nanghihinayang din sa pagkakataong makausap sana siya tungkol sa negosyo nilang ngayon ay hindi malayong pumalpak na naman ’tulad ng mga nauna.