
Buong Tiwalang Iniwan ni Mister ang Asawa Upang Mag-Trabaho Abroad; Sa Kaniyang Pag-uwi ay Pagsisisi Lamang ang Kaniyang Napala
“Gemma, malapit na pala akong umuwi d’yan sa Pilipinas. Anong gusto mong dalhin ko para sa inyo ng mga anak natin?” Masayang wika ni Hector habang kausap ang misis.
“H-ha? B-bakit Hector, kailan ba ang uwi mo?” Nauutal namang tanong ni Gemma.
“Baka sa katapusan ng buwang ito. Tapos na kasi ang pinirmahan kong kontrata. Saka naisip kong umuwi na muna d’yan para naman makapagpahinga ako. Hindi na muna ako babalik dito sa Saudi. Ilang taon na rin akong nagtatrabaho rito at medyo nagsasawa na ako. Saka gusto ko muna kayong makasama ng mga anak natin,” mahabang wika ni Hector.
“G-gano’n ba?”
“Oo. Pero bakit parang hindi ka masaya, Gemma? Hindi ka ba nasasabik na makita at makasama ako?” Dudang tanong ni Hector.
Nahihimigan niya kasi ang lungkot at tila pagkadismaya ni Gemma nang malamang wala na muna siyang balak magtrabaho abroad.
“Wala. May iniisip lang ako. Basta magtext o tumawag ka lang kapag malapit na ang uwi mo,” anito saka niya ibinaba ang tawag.
May kakaiba siyang nararamdaman. May dapat ba siyang malaman tungkol sa iniisip ni Gemma? May tinatago ba ito?
ISANG umaga ay biglang nakatanggap ng long distance call si Hector. Galing iyon sa kaniyang panganay na anak na si Hylos.
“Papa?”
“Oh. Hylos, anak. Ba’t napatawag ka?” Takang tanong ni Hector.
“May dapat kang malaman tungkol sa ginawa ni mama,” sambit nito at bigla na lang humagulhol ng iyak sa kabilang linya. “Papa si mama po, matagal na niya kayong niloloko. Sorry po papa kung ngayon ko lang sinabi sa inyo. Ngayon lang po kasi ako nagkaroon ng lakas ng loob.”
Biglang namanhid ang buong katawan ni Hector dahil sa sinabi ng kaniyang panganay na anak.
“Nagkaroon po sila ng relasyon ni Mang Jaime, at nagkaroon din po sila ng anak,” dugtong pa ni Hylos na mas lalong nagpadurog sa puso ni Hector.
“Totoo ba ang lahat nang sinabi mo Hylos?” Mangiyak-iyak na wika ni Hector.
“Kailanman ay hinding-hindi ako magsisinungaling sa’yo, papa. Umuwi po kayo rito para malaman niyo po ang buong katotohanan. Ang dating lima mong anak, ngayon ay anim na po. At punong-puno na kami ng chismis sa Barangay natin, dahil sa ginawa ni mama. Pero tila walang pakialam si mama dahil hanggang ngayon ay sila pa rin ni Mang Jaime,” seryosong wika ni Hylos.
Naisip ni Hector na tama ang suhestyon ng kaniyang anak na si Hylos. Imbes na sa katapusan pa ng Mayo ang kaniyang uwi dahil iyon ang nakasaad sa kanyang kontrata ay nakiusap siya sa kaniyang amo na pauwiin siya ng mas maaga upang masaksihan mismo kung totoo ba ang sinabi ni Hylos.
Halos gumuho ang mundo ni Hector nang makita sa mismong mga mata ang ginawang panloloko ng kaniyang pinakamamahal na asawa. Nasa tapat ito ng tindahan ni Aleng Rose, kasama ang kumpare niyang si Jaime, karga ang sa tantiya niya’y isang taong gulang na bata. Tila nagmemeryenda ang tatlo, habang ang kaniyang tatlong anak na si Kevin, Hanna at Grace ay tila pulubi sa plaza at madungis na naglalaro.
“Kumusta mahal kong asawa?” Bati niya sa gulat na gulat na si Gemma. Pati mga kapitbahay nila ay nagulat rin nang bigla siyang dumating. “Oh! Bakit para kayong nakakita ng multo? Kanina ko pa kayo tinitingnan sa malayo at sa nakikita ko’y para kayong isang masayang pamilya. Partida ang mga anak natin ay nandoon lang sa plaza, madungis at tila pulubing kulang sa aruga,” may himig hinanakit na wika ni Hector.
“H-hector,” sambit ni Gemma sa pangalan ng asawa.
“Pinakasalan kita Gemma, dahil akala ko’y matinong babae ka. Nag-abroad ako para sa kinabukasan ng pamilya natin, dahil ayokong maranasan ng mga anak natin ang hirap na naranasan ko noon. Pinagkatiwalaan kita, pero ito lang ang ibinalik mo sa’kin. Gusto kitang gantihan, gusto ko kayong ipakulong ng traydor kong kumpare, pero sa kabila ng galit ko’y lagi kong naiisip ang limang anak natin na matagal mo nang pinabayaan. Sana maging masaya kayong dalawa,” puno ng hinanakit na wika ni Hector, saka nilingon si Jaime. “Ingatan mo siya at pakabantayan. Baka magaya ka sa’kin pare,” dugtong niya saka tinalikuran ang dalawa.
Kinuha niya ang limang anak na agad namang sumama sa kaniya at walang pagdadalawang-isip na iwanan si Gemma. Umuwi sila sa Nueva Ecija at doon na muna mananatili nang ilang buwan, saka siya babalik sa Saudi, para magsimulang muli.
Sa ngayon ay iisipin na muna niya ang kaniyang mga anak, bago ang pansariling interes. Wala na muna siyang balak makipag-relasyon ulit, tila nadala siya sa ginawa ni Gemma. Nagtiwala siya nang lubos, ngunit napakadali lang para rito ang lokohin siya. Mamahalin na muna ni Hector ang kaniyang sarili kasama ang kaniyang limang anak na ngayon ay nasa poder niya.