Inday TrendingInday Trending
Mahilig Manuhol ng Teacher ang Nanay Para lang Makakuha ng Medalya ang Anak; Nabuking ng Lahat na Hindi Naman Pala Matalino ang Bata

Mahilig Manuhol ng Teacher ang Nanay Para lang Makakuha ng Medalya ang Anak; Nabuking ng Lahat na Hindi Naman Pala Matalino ang Bata

Kapapasok lang na grade 1 sa elementary school ang anak ni Marife, taas noo niya itong inihahatid araw-araw dahil gumraduate itong 1st honor noong kinder, ito ang tinaguriang pinakamatalino sa klase.

“O Lyndon wag kang makikipag usap sa classmates ha baka bad influence sila sayo running for honor ka pa naman,” sabi niya rito isang araw na inihatid niya ito.

Medyo nakanganga naman ang bata at kinalabit nya pa ito bago tumango.

“O go go go! Pakita mong mas magaling ka sa lahat! Go 1st honor!” sabi nya pa at sinadyang lakasan ang boses nya para marinig ng ibang nanay. Nang matanaw niyang nakapasok na sa classroom ang anak ay tumalikod na siya, aba bakit nya naman kikibuin ang ibang nanay ay hindi niya naman ka-level ang mga ito. Nanay siya ng 1st honor.

Kahit pa ang totoo, sinuhul-suhulan nya lamang ang guro ng anak nya noong kinder. Bago lang kasi ito at ang dali pang mauto, konting bola, konting bigay ng pagkain ay nagkamedalya na ang anak nya. Kahit pa di marunong magbasa ang bata, katwiran nya, matututo rin ito.

Tamad kasi syang magturo, masipag lang sya kung aakyat ng stage para sa medalya.

Isang hapon ay ipinatawag ng guro ang mga magulang para sa isang meeting, may contest raw kasi at magkakalaban ang bawat section. Para bang Mr.Pogi, pero sa mga bata. Pipili ng gwapo at matalino na syang magiging representative ng kanilang section at ilalaban. Syempre, nagtaas agad ng kamay si Marife.

“Si Lyndon ko nalang. Siguro naman ma’am ay nakita nyo sa records nya na 1st honor sya. Gwapo pa,” sabi nya.

Sumang ayon naman ang ibang nanay, bilib sa kanyang lakas ng loob. Tumaas tuloy ang kumpyansa ng mga ito na mananalo ang section nila.

Talaga namang pinaghandaan ni Marife ang contest. Ibinili nya ng magandang polo ang bata at pinagupitan, poging pogi ito sa suot. At ang pinakamahalaga- hindi ang turuan si Lyndon kung ano ang isasagot sa unahan kundi ang makabili ng pagkain na ibibigay nya sa judges.

Bumili pa sya ng mamahaling cake at binigyan ang mga ito ng tig iisa para siguradong panalo ang anak nya.

Pagsapit ng contest ay ganoon nalang ang palakpak nya nang makaabot sa final rounds ang anak. Ilang minuto pa ay nagsimula na ang question and answer simple lang ang mga tanong kung tutuusin. Pambata talaga, iniinterview pa nga ng host ang bawat bata bago ang aktwal na tanong para di kabahan ang mga ito.

Nang si Lyndon na ang susunod ay tumayo pa si Marife at taas noong nakinig.

“Hi..wow! Lyndon Ricafrante, 1st honor ka pala sabi ni Mommy!” sabi ng host.

Nag thumbs up naman si Marife at proud na tumango. Samantalang si Lyndon ay nakanganga lang at tila nahihiya.

“Lyndon!” pabulong na sabi nya at pinandidilatan ito ng mata, kaya sumagot ang bata, “opo.”

“Ang galing, ano ang favorite subject mo? Ako kasi recess,” pagpapatawa ng host.

Umiling ang bata.

“Ay, wala kang favorite na subject? Yung ano, math bilang-bilang ganon. Filipino! Mga kwento ng pagong at matsing..” pagbibigay nito ng halimbawa pero muling umiling ang bata.

“Di ko po alam.”

“Ay baka nahihiya lang pero 1st honor ito mga kaibigan, nahihiya lang.” nakangiti ang host.

“Di, di kopo talaga alam. 1st honor ako kasi bigay monmy foods sa teacher. Yun 1st honor, pero aral sa school di ko po alam. Di ko alam abc at bilang bilang.” sabi nito.

Akala nila ay tapos na pero nagtuloy sa pagsasalita ang bata, “Mommy! Yun mommy ko,” at tinuro sya. “Mommy bigay mo sya foods para ako panalo. Sabi mo promise mo ako panalo, bigay mo na foods. Sipsip kana mommy.”

Nais ni Marife na lumubog nalang sa kinatatayuan niya. Ito ang napala nya, pinagtitinginan sya ng lahat ngayon.

Hindi nanalo ang kanyang anak sa contest pero natuto naman sya ng leksyon. Alam nya na ang gagawin sa susunod, kung nais niyang mag honor si Lyndon ay tutukan nya itong mabuti.

Bukod doon, hindi naman mahalaga kung may medal o wala ang bata, ang mahalaga ay nag-aaral ito at nagnanais matuto. Dahil sa bandang huli, hindi ang magandang grado ang basehan. Kung paano mo inabot ang mga pangarap mo sa kabila ng lahat ng pagsubok sa buhay, iyon ang tunay na tagumpay.

Advertisement