Ikinagulat ng Misis ang Muling Pagbalik sa Bahay ng Nagmamadaling Mister, May Napakaimportanteng Bagay Pala Itong Nakalimutan
Maganda ang trabaho ni Jimel sa Maynila, kaya naman kahit na malayo ito mula sa kanilang bahay sa Cavite ay tinitiis niya na. Malaki kasi ang sahod, sapat na para sa bahay nilang hinuhulugan at sa pag aaral ng kanyang anak sa private school. Sapat na rin iyon upang manatili na lamang sa bahay ang kanyang misis na ngayon ay pitong buwang buntis sa kanilang ikalawang supling.
“Jim, kain ka na muna,” sabi ni Elen, ang misis ni Jim. Nagluto ng almusal ang babae para sana mapagsaluhan nilang buong pamilya pero heto ang mister nya at nagmamadali nang umalis. Ikinakabit na ng lalaki ang neck tie nito, dala na rin ang susi ng kotse, kapag ganoon ay lalabas na ito ng bahay.
“Sorry honey, may meeting kasi kami ng 7am. 6:10 na o, alam mo naman ang traffic di talaga inaasahan. Kailangan ko nang umalis eh,” sabi ng lalaki. Hinalikan na nito ang misis at naglakad na palabas ng bahay.
“Huy! Yung packed lunch mo!- ” hindi na naituloy pa ni Elen ang sasabihin dahil narinig niya nang sumindi ang makina ng kotse ng mister. Hay nako! workaholic talaga!
Paglingon ni Elen ay gising na pala si Jelly, ang kanilang pitong taong gulang na anak. Hinihingal pa ang bata, nakaupo sa ibaba ng hagdan at malungkot ang mukha.
“O baby! Gising ka na pala, goodmorning!” bati niya rito at nilapitan ang anak. Di naman nagbago ang ekspresyon ng mukha nito, malungkot pa rin kaya nag alala si Elen.
“Okay ka lang ba?” tanong niya muli sa bata. Ngumuso ito at tila ba pinipigil lang ang luha.
“Si Daddy po umalis na?” malungkot na tanong nito.
“Naku yes anak, kaya ka ba hinihingal dyan kasi tumakbo ka?” natatawang sabi ni Elen, lalo namang ngumuso ang bata. Daddy’s girl talaga si Jelly.
“Ki-kiss ko po kasi sana sya mommy,” sabi pa nito at nagkusut kusot ng mata.
“Hayaan mo na, maaga namang uuwi iyon ha?” binigyan niya ng kiss sa noo ang batang babae, at sinenyasan ito na kumain na ng almusal. Habang siya naman ay kinuha ang cellphone, tumunog kasi iyon kanina. Tiyak niyang si Jimel ang nagtext upang i-update siya kung nasaan na ito, ganoon palagi ang kanyang mister.
Love lagpas na ko sa tollgate. Ingat kau dyan sa bahay. See u later, love u three Napangiti si Elen sa text ng asawa, nag-type siya upang replyan ito.
Love ka rn nmin, kagigising lng ni Jelly, naiiyak kc hndi ka inabutan. Hnd raw sya nakapagkiss goodbye sau. Reply niya naman dito.
Hindi na sumagot pa ang kanyang mister, tiyak niya naman kasing nagmamaneho na ito. Hintayin na lamang niya ang text nito mamaya kapag nasa opisina na ito. Makalipas ang tatlumpung minuto, nagulat si Elen nang marinig ang pamilyar na makina ng sasakyan sa tapat ng gate ng kanilang bahay.
Agad siyang sumilip sa bintana upang kumpirmahin kung tama ba ang iniisip niya, at di nga siya nagkamali. Bumaba si Jimel sa sasakyan pero di na nito iginarahe pa ang kotse sa loob, doon lamang sa tapat ng bahay nila.
“Huy?! Ano’ng ginagawa mo rito?” gulat na tanong niya.
“Nasaan ang princess ko?” malambing na tanong nito, agad na hinanap ng mata ang anak na noo’y halos magtatalon sa tuwa dahil bumalik ang daddy nito.
“Daddy!” tumakbo si Jelly, agad na yumakap at humalik sa ama.
“O ayan ha? May goodbye kiss ka na kay daddy, di ka na sad ha? Sige na.” sabi ni Jimel, ginulo pa ang buhok ng anak. Tumango naman ang bata, hindi maalis ang ngiti sa mukha.
“Bakit ka bumalik? Akala ko ba male-late ka na sa meeting?” nagtatakang tanong pa rin ni Elen.
“10 years from now, walang makakaalala na na-late ako sa meeting. Pero habangbuhay maaalala ng anak natin na bumalik pa ako mula sa malayo para sa kanya,” nakangiting sabi ni Jimel sabay kindat sa misis, dinampian ang babae ng saglit na halik at bumalik na sa sasakyan upang pumasok sa trabaho.
Hindi nagkamali si Jimel, mas lalong napalapit sa kanya ang loob ng batang babae dahil sa pagmamahal na ipinapakita niya rito. Lumaki ang dalawa niyang anak na mataas ang respeto at pagmamahal sa ama dahil higit sa lahat, higit sa pera o sa kahit na ano mang bagay palaging inuuna ng lalaki ang pinakamahalaga para sa kanyang buhay- ang pamilya.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.