Inday TrendingInday Trending
Dito Tayo Dumaan

Dito Tayo Dumaan

“Guys, dito na lang tayo dumaan!” Gaya ng dati iyon na naman ang linya ni Ariza. Niyaya na naman niya ang mga kaibigan niya sa kabilang daanan pabalik sa kanilang eskuwelahan matapos nilang magtanghalian sa isang magarang restawran. “Ginagawa kasi ang magiging extention ng mall na ‘yan. Eh, iyong anak ng isang engineer na humahawak niyan stalker ko. Ayaw kong magpakita sa kanila!” katuwiran pa ni Ariza.

“One time lang ‘to, friend. Don’t worry. I just want you to meet one of my father’s employee. Makakatulong siya sa project nating pagi-interview ng iba’t ibang klase ng manggagawang Pilipino. He’s so masipag kasi, guys, at madiskarte sa buhay,” pahayag naman ni Joy, isa sa mga kaibigan ni Ariza. Anak mayaman ito. Sa katunayan ay ang ama pala nito ang may-ari ng mall na iyon kung saan ayaw dumaan ni Ariza.

Sa totoo lang ay hindi talaga gusto ni Ariza na dumaan sa mall na iyon dahil isa sa mga empleyado doon ang kaniyang ama. Ayaw niyang malaman ng mga kaibigan niya na isang hamak na construction worker lang ito samantalang lahat sila’y pare-parehong nasa matataas na antas ng pamumuhay.

Ngunit wala nang nagawa pa si Ariza nang hilahin na sila ni Joy papasok sa mall na pagmamay-ari ng pamilya nito. Sumakay pa sila ng elevator at ganoon na lang ang kaba ni Ariza nang malamang sa construction site pala sila dinala ng kaibigan!

Grabe ang kabog ng dibdib ni Ariza nung mga sandaling iyon lalo na nang biglang may tumawag sa kaniyang pangalan.

“Ariza, anak!” kumakaway pang tawag ni Leandro sa anak na si Ariza nang makita niya itong naglalakad habang kasama ang iba pang babaeng na sa palagay niya’y mga kaibigan nito. Malawak ang pagkakangiti ng lalaki. Natutuwa siya dahil himala’t naisipan siyang dalawin ng kaniyang unica hija sa trabaho.

Ngunit mabilis na napawi ang kaniyang pagkakangiti nang biglang nagsalita si Ariza.

“Po? Hindi ko po kayo kilala, eh. Sorry, ha?” sabay baling ni Ariza sa kaniyang mga kaibigan. “Guys, uwi na muna ako, ha? Bigla kasing sumakit ang tiyan ko.”

Parang dinurog ang puso ng butihing ama sa narinig. Ikinakahiya siya ng kaniyang anak!

“Sir, anak niyo po si Ariza?” tila gulat na tanong ng isa sa mga kababaihang naiwan sa kanilang site. Pamilyar ang mukha nito. Tsaka lang napagtanto ni Leandro na ito pala ang anak na babae ng kaniyang bossing.

Napatango na lang si Leandro sa tanong ng bata. Malungkot ang kaniyang mukha.

“Naku, sir, alam niyo po bang sobrang hangang-hanga po ako sa inyo? Palagi po kayong naikukuwento ni papa sa akin. Sabi po niya napaka-hardworking niyo raw po at napakamadiskarte! Kaya nga po namin kayo sinadya rito, eh. Puwede po ba namin kayong ma-interview?” tanong ng dalagita.

Sandaling nakalimutan ni Leandro ang sakit ng ginawang pagtanggi ni Ariza sa kaniya sa harap ng mga kaibigan nito. Labis na papuri kasi ang natanggap niya mula sa mga babaeng kabataan na nagsagawa ng interview sa kaniya kanina. Kasama na ang anak ng kaniyang boss. Sabi ng mga ito’y malaki raw ang paghanga nila sa kaniya dahil sa pagiging mabuti, masipag at matiyaga niyang empleyado. Sayang nga lang dahil sa ibang tao niya pa narinig ang mga papuring ito.

Nang makauwi si Leandro ay halos ayaw siyang kausapin ng kaniyang anak. Magdamag itong nagkulong sa kwarto kaya hinayaan na lang muna ito ni Leandro. Nang gabing iyon ay ibinuhos na lamang ng lalaki ang sakit na kaniyang nararamdaman sa pamamagitan ng pagluha.

Kinabukasan ay p*tay-malisyang pumasok si Ariza sa eskwelahan. Masigla niya pang binati ang kaniyang mga kaibigan ngunit dismayadong mga tingin ang ipinukol ng mga ito sa kaniya.

“Alam mo, Ariza, sana hindi ka na lang nagsinungaling. Napakabuting tao ng papa mo, alam mo ba ‘yon? Bakit ikinakahiya mo siya?” May inis sa tinig ng kaibigan niyang si Joy nang sabihin iyon. “Alam mo bang iniligtas niya ang papa ko nang muntik na itong mabagsakan ng hallow block dahil sa kapabayaan ng isa sa mga kasamahan nila? Napakasuwerte mo sa papa mo, Ariza. Sana, makita mo ‘yon,” dagdag pa nito bago nila sabay-sabay na iniwan si Ariza na tulala sa mga narinig.

Tumulo ang mga luha ni Ariza kasabay ng realisasyong tama ang lahat ng sinabi ng kaibigan. Kanina ay ipinaghanda pa siya ng kaniyang ama ng umagahan na hindi kailan man naranasan ng halos lahat ng kaniyang mga kaibigan sa kani-kanilang mga ama. Samantalang siya kahit busy ang papa niya sa pagbabanat ng buto ay nagagawa nitong maglaan ng oras para sa kaniya tapos ay ganoon lang ang iginanti niya. Simula nang mawala ang kaniyang mama ay ito na ang nagsilbi niyang ama at ina!

Nung araw na iyon, pagkauwi ni Ariza galing sa eskwela ay naabutan niyang nagluluto na ng hapunan ang kaniyang papa. Ganoon na lang ang pananabik niyang yakapin ito kaya naman agad niyang tinakbo ang puwesto nito.

“Papa, patawarin niyo po ako kung hindi ako naging mabuting anak sa inyo!” umiiyak na wika ni Ariza habang nakayapos sa binti ng kaniyang Papa Leandro.

Samantalang si Leandro naman bagama’t nagulat ay napangiti nang malawak sa narinig mula sa anak. Maluha-luha rin siya nang yakapin din niya ito. Sa wakas ay nadama niya rin ang yakap ng kaniyang unica hija pagkatapos ng mahabang panahong pag-ignora nito sa kaniya.

Advertisement