Hinamak at Sinabihang Wala Siyang Mapapala sa Asawang Isang Traysikel Drayber; Tama nga Kaya ang Ginawa ng Dalawa Niyang Tiyahin?

“Congratulations Kaye, sa wakas! Tunay ka nang misis,” masayang bati ni Jaya ang matalik niyang kaibigan.

“Salamat bestfriend,” kinikilig na sambit ni Kaye, sabay yakap sa kaibigan. “Sa wakas! Kasal na kami ni James,” dugtong pa nito.

“Masaya ako para sa’yo, Kaye,” wika ni Jaya at muli silang nagyakapang dalawa nang may lumapit sa kanilang dalawang may edad ng babae. Ito ay sina Lorena at Hilda, ang kaniyang tiyahin. Kapatid ng kaniyang ama.

“Congratulations, hija,” nakangiting sambit ni Tita Hilda. “Best wishes.”

“Salamat po, tita,” nakangiting wika ni Kaye.

“Ngayon ko lang nalaman, Kaye, na tricycle driver lang pala iyang si James. Akala ko’y kagaya mo siyang nagtapos ng Architect,” dismayadong wika ni Tita Hilda.

“Ako rin, Kaye, hija. Ngayon ko lang rin nalaman na driver lang pala iyang napangasawa mo,” segunda ni Tita Lorena. “Kaya niya kayang buhayin ang magiging pamilya niyo?”

“Wala ka bang nahanap na ibang lalaking mas lebel sa’yo, hija?” ani Hilda.

Advertisement

Pakiramdam ni Kaye ay nainsulto siya sa mga sinabi ng dalawang tiyahin. Sanay na si Kaye sa mga kutya at mga nakaka-dismayang pasaring ng ibang tao tungkol sa relasyon nila ni James. Porque isang hamak na tricycle driver lamang ang kaniyang nobyo at siya’y isang arketikto.

Nagkakilala sila ni James, noong misan ay na asign siya malapit sa tinitirhan nito. Ang tricycle ni James ang palagi niyang sinasakyan noon sa t’wing pumapasok siya sa trabaho, dahilan upang magkakilala sila nito at makalaunan ay nagkaigihan.

Mabait si James at nakikita niyang nagsisikap ito sa buhay at ang higit na mas mahalaga’y nararamdaman niyang mahal na mahal siya nito. Walang katumbas ng kahit anong yaman sa mundo.

Ang totoo’y wala naman siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Basta tanggap ang relasyon nila ng kaniyang mga magulang at kapatid. Iyon lamang ang mahalaga. Ngunit sa mga ganitong eksina’y nasasaktan pa rin siya para sa kaniyang asawa.

“Concern lamang kami sa’yo, Kaye. Baka malaon niyan ay ikaw pa ang kakayod para sa pamilya ninyo. Magkano lang ba ang kinikita ng isang tricycle driver. Sana naman hija, naging praktikal ka.

Diyos ko, ang mamahal na ng mga bilihin ngayon. Sana naghanap ka ng lalaking kagaya mong may propisyon na sa buhay. Iyong sigurado ka na talaga,” nakamatang wika ni Lorena.

Tumikhim si Kaye at matipid na ngumiti, dahil hindi na niya kinakaya ang harap-harapang pang-iinsulto ng mga tiyahin sa kaniyang napangasawa.

“Ang totoo po niyan tita ay tinatapos na lamang po si James ang kaniyang huling taon, bilang Opthalmologist,” umpisang paliwanag ni Kaye. “Doon naman po sa tanong niyo kung magkano ang kinikita ni James sa pagiging hamak na drayber.

Advertisement

Masasabi ko namang sapat na upang bumili ng panggatas ng aming magiging anak at pangkain ng aming magiging pamilya,” mahinahon ngunit may bigat na wika ni Kaye.

“Opo mga tita. Ang alam ko’y malaki pong kumita ang mga tricycle drayber, lalo na kapag pakyawan. Saka kahit ganyan lang po si James, mabait at masipag naman po siyang tao. Saka marespeto rin po.

Hindi ba’t iyon naman ang pinaka-unang qualification sa paghahanap ng mapapangasawa. Sana maging masaya na lang po tayo para sa kanila,” mahinahon at pangiti-ngiting wika ni Jaya.

Tila napahiyang nagtinginan sina Hilda at Lorena.

“Minahal ko po si James, dahil mabuti siyang tao. Salat man po sa buhay ang pamilya niya’y alam kong nasa mabuting kamay po ako. Hindi naman mahalaga kung ano ang katayuan ng isang tao. Ang mahalaga’y nagkakaunawaan kami at mahal namin ang isa’t-isa.

Magsusumikap po kami ng asawa ko upang sa susunod po nating pagkikita. Hindi niyo na po siya hamakin, gaya ng ginagawa niyo ngayon,” ani Kaye. Kung isa lamang patalim ang kaniyang bawat salita’y malamang kanina pa nasugatan ang mga ito. “Dito na po muna kami, Tita Hilda at Tita Lorena. Mag-enjoy po kayo sa kasal ko,” aniya saka nagpaalam sa dalawa.

Naiinis man sa inasal ng dalawang tiyahin ay pinilit pa rin ni Kaye na ngumiti sa harapan ng maraming tao. Nais niyang ipakita sa lahat na kahit isang hamak na driber lamang ang kaniyang napangasawa’y ipinagmamalaki niya ito.

Huwag basta-basta mangmata ng iyong kapwa. Hindi habambuhay ay isang hamak lamang ang isang tao. Kasama ng pagsisikap at pagpupursige sa buhay ay may pag-asang magbago ang buhay ng isang tao.