Swerte ang Misis Dahil Ang Kanyang Mister ay Driver na Sweet Lover, Pero Paano Kung Bukod sa Kanya ay May Iba Pa Itong Kinababaliwan?
Labing limang taon ng kasal si Perla at Miyong. Si Miyong ay isang jeepney driver habang si Perla naman ay isang maybahay na may online business. Siya ay nagtitinda sa facebook, shopee at lazada. Pinagtutulungan ng mag-asawa na mapaaral ang kanilang dalawang anak dahil naniniwala sila na edukasyon ang pinakamagandang pamana sa mga ito.
Maayos ang pag-sasama ng mag-asawa. Hindi man perpekto pero masaya. Si Miyong ay walang bisyo. Pagkatapos niyang pumasada ay diretso itong uwi sa bahay. Si Perla naman ay maasikaso sa mag aama, sa kanilang pagtutulungan ay nagkakasya naman sa araw-araw ang kanilang kinikita.
Isang araw ay may bagong lipat sa kanilang looban. Bilang matagal na sila Perla na naninirahan sa lugar ay minabuti niyang puntahan ito at i-welcome. Mula noon ay madalas niya na itong nakakwentuhan tungkol sa buhay. Minsan habang masaya silang nag uusap ay dumating si Miyong.
“Andyan ka na pala, nakilala mo na ba si Heidi? Siya ung bagong lipat na sinasabi ko sa’yo.” wika ni Perla kay Miyong.
“Ah ikaw ba yun, Mabuti naman at nadagdagan kami ng kapitbahay. Masaya rito sa atin.” wika ni Miyong.
Ngumiti si Heidi at sinabing, “Siya pala ang asawa mo, nakasakay na ata ako sa jeep niya minsan. Magiliw siya sa mga pasahero niya.”
“Hindi lang sa pasahero kundi lalo na sa amin ding mag-anak. Maswerte ako sa asawa kong iyan.” pagmamalaki ni Perla.
Ikinuwento niya kung paano asikasuhin ni Miyong ang takdang aralin ng mga bata kahit pagod na ito galing pasada. Ganun na lang rin niya ipinagmalaki na hindi nakakalimot si Miyong sa mga espesyal na okasyon lalo na ang kanilang anibersaryo. Sabi pa niya, kahit na simple lamang ang kanilang buhay ay masayang masaya siya sa pamilyang meron siya. Ngumiti lamang si Heidi.
Pumasok na ng bahay si Perla upang maghanda ng hapunan. Rinig na rinig ni Heidi mula sa kaniyang tinutuluyan ang tawanan at kulitan ng mag-anak. Sa isip niya, napakasaya ng pamilya nila. Nakaramdam si Heidi ng inggit. Ilang beses na kasi siyang naloko ng kaniyang nobyo.
Makalipas ang ilang linggo, ay medyo ginagabi na ng uwi si Miyong. Hindi naman ito dating ganoon kaya tinanong niya ang asawa.
“Bakit napapadalas ang pag-uwi mo ng late? Kaunting oras na lamang ang pag lalaro natin kasama ang mga bata. Madalas ay kita pa sa’yo na pagod na pagod ka. May problema ba?” pag-aalala ni Perla.
“Wala naman. Nais ko lang sulitin ang pagpasada para rin sa mga bata. Para makaipon din tayo, gusto ko kasi sana makakuha pa ng isang jeep pampasada.” sagot ni Miyong.
“Hayaan mo, pagtutulungan natin ito. Tayo pa ba? Sisipagan ko rin ang pagbebenta ng mga paninda ko sa facebook.” wika ni Perla.
Dumaan pa ang ilang araw ngunit lalong ginagabi ang asawa. Hindi niya na ito nakakausap masyado dahil pagod na lagi pag-uwi. Nakikita pa rin naman niya na gumagawa ng oras si Miyong para sa mga bata, sadya nga lamang may nagbago.
Pero iba ang pakiramdam talaga ng mga babae. Meron siyang naaamoy na hindi maganda at nais niya itong masigurado.
“Heidi, kamusta? Mukhang may trabaho ka na ah. Hindi na tayo nakakapagkwentuhan. Halika at may merienda kaming pritong saging dito. Saluhan mo kami ng mga bata.” wika ni Perla.
“Ah oo ate Perla, nagsisimula na kasi ako sa bago kong trabaho. Buti nga at maganda ang naging posisyon ko.” Sagot ni Heidi habang kumakain ng piniritong saging.
Napansin ni Perla na maayos ang postura ni Heidi, naka- lipstick na pula at mabango. Iniisip niya na matagal tagal na rin siyang hindi nakakapag lipstick. Naisipan ni Perla na pumunta sa mall upang mamili. Pagkahatid niya sa mga bata sa eskwela ay dumiretso siya sa mall. Nakabili siya ng lipstick na pula na pasok sa budget na iniipon niya. Nakahanap rin siya ng mumurahing cologne na amoy preskong bulaklak.
“Magugulat si Miyong mamaya pag uwi niya. Sigurado akong maglalambing iyon.” wika ni Perla sa sarili.
Doon rin ang byahe ng kaniyang asawa kaya nagbabakasali siya na makita ito.
At ayun nga, nakita niya ang jeep nila na may mga pasahero na at nakapila sa terminal ngunit wala roon ang asawa. Naisip niya na surpresahin ang lalaki kaya hindi siya sumakay sa unahan ng jeep. Doon siya pumuwesto sa may gitna. Maya-maya pa ay nakita na niya na naglalakad na palapit ang mister.
Pagsakay nito ng jeep ay may isang babae rin na sumakay sa tabi nito. Napataas tuloy ang kilay ni Perla. Pinipilit niyang mukhaan ang babae. Iniisip niya kung kaibigan ba nila ito o ka ano ano dahil parang matagal nang kakilala ng asawa niya kung makadikit.
Hindi niya masyado marinig ang kwentuhan ng mga ito dahil malakas ang tugtog sa loob ng jeep. Nanginginig na sa kaba si Perla. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya. Pero pinilit niya maging kalmado dahil baka mali siya ng akala. Hanggang sa paghinto sa stoplight ay biglang hinalikan ng babae ang kaniyang asawa sa pisngi.
“Ang saya saya ko talaga pag kasama kita Miyong. Totoo pala na Basta Driver, Sweet Lover, hihi.” wika ng babae.
Umalingawngaw sa kaniya ang boses ng babae. Kilala niya ang boses na ito. Wala ng sinayang na oras si Perla. Sinabunutan na niya agad ang babae at iniharap sa kaniya.
“Mga walang hiya kayo! Mga walang hiya. Ikaw na babae ka! Ang kapal ng mukha mo!!! Pagkatapos kitang tanggapin bilang kaibigan ganyan pa ang gagawin mo. Alam mong may pamilya yan. Alam mo ang kwento ng buhay ko pero bakit sa dami ng lalaki ang asawa ko pa! Ibang saging pala ang gusto mo kainin! Malandi ka!!!” galit na galit na sigaw ni Perla
Nagulat si Miyong at walang nasabi. Naramdaman niya ang takot, kaba at kahihiyan dahil marami siyang pasahero. Lahat ay nanonood sa nangyayari.
“At ikaw na lalaki ka, umuwi na tayo ngayon na kung gusto mo pa makita ang mga anak mo.” sigaw ni Perla.
Kinaladkad ni Perla pababa ng jeep si Heidi at inutusan si Miyong na paandarin na ang jeep pauwi. Pagdating sa bahay ay humingi ng tawad si Miyong sa nagawa. Pinagsisihan niya ang lahat at sinabing nadala lamang siya sa tukso ni Heidi.
“Hindi ko akalain na sa 15 taon nating mag-asawa isang ganyang babae lang ang sisira sa atin. Eto ang lipstick at pabangong binili ko para sana surpresahin ka na maganda ako mamaya pero nakakadiri pala. Nakakadiri kayo. Kaya ba ginagabi ka palagi ng uwi? Paano mo nagawa sakin to?!” wika ni Perla na umiiyak na.
“Patawarin mo ako. Pero maniwala ka, walang nangyari sa amin. Kaya ako ginagabi ay dahil hinihintay ko siya sa terminal para isabay pauwi. Walang nangyari sa amin. Kung ano ang nakita mo kanina hanggang dun lang yun. Pangako. Please bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon. Naging mahina ako, please. Mahal na mahal ko kayo ng mga bata.” pagmamakaawa ni Miyong, naiiyak ito at halos mapaluhod na.
Ilang araw siyang hindi kinausap ng asawa. Alam niya na galit si Perla sa kanya kaya bumawi siya ng todo rito. Ibinalik niya ang dating oras niya para sa mga bata at pamilya. Pinakita niya na talagang nagsisisi na siya.
Si Heidi naman ay umalis na sa kanilang looban. Sa kanyang ginawa ay siguradong wala na siyang mukhang ihaharap sa mga tao roon.
Sa ngayon patuloy na sinusuyo ni Miyong ang asawa. Unti-unti na rin namang bumabalik ang tiwala ni Perla rito. Hindi nila pinaalam sa mga bata ang nangyari dahil ayaw nila maapektuhan pa ang mga ito. Naisip ni Perla na kahit anong mangyari ay ipaglalaban niya na manatiling buo ang kanilang pamilya at hindi isang malanding babae lamang ang sisira nito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!