Pinipigilan ng Ina ng Nobyo ang Pagpapakasal Nito sa Matagal nang Kasintahan; Isang Solusyon ang Inalok ng Dalaga

Kinakantiyawan sa isang kasalan ng ilang kamag-anak ng nobyo ang dalagang si Emmy nang siya ang makasalo ng bulaklak ng bride.

“Naku, ikaw na ang susunod na ikakasal, Emmy! Paghandaan mo na’t baka tanungin ka na ni Tyron,” saad ng tiyahin ng nobyo na si Dolores.

Sadyang mga ngiti lamang ang naisagot ni Emmy dahil naroon din kasi ang ina ni Tyron na si Precy.

“Hindi pa p’wedeng ikasal sina Tyron at Emmy dahil wala pa naman silang mga ipon. Aba’y baka akalain ng mga ‘yan na gano’n lang kadali ang bumuo ng pamilya!” pagsingit naman ni Aling Precy sa usapan.

“Matatanda na ang mga ‘yan! Walang taon na rin naman silang magkasintahan at isa pa nakapagtapos na sila ng pag-aaral at may kaniya-kaniya nang mga trabaho. Ano pa ang pumipigil sa dalawang iyan para magpakasal?” pagtataka naman ni Aling Dolores.

“Wala naman sa tagal ng relasyon ang pagpapakasal. Ang kailangan ay kaya na nilang buhayin ang sarili nilang pamilya. Ni wala pa ngang naipundar na bahay ang dalawang iyan. Papayag lamang akong magpakasal ang dalawa kung sigurado nang maayos ang buhay nila. Mahirap na’t baka mamaya sa magulang din ang takbo nila,” dagdag pa ng ina ng nobyo. 

Napayuko na lamang si Emmy sa tinuran ng ina ng kaniyang nobyong si Tyron.

Kung tutuusin ay ayos naman ang pakikitungo ni Aling Precy kay Emmy. Magiliw rin naman ang pagtanggap ng pamilya ni Tyron sa dalaga. Ngunit may mga pagkakataon lang na nararamdaman ni Emmy na ayaw pa ni Aling Precy na makasal sila ni Tyron. Dahil dito ay nagpasya siyang kausapin na si Tyron. 

Advertisement

“Ayaw ba sa akin ng nanay mo, Tyron? Hindi ko kasi alam kung bakit sa tuwing kasal na ang pinag-uusapan ay tila iwas ang nanay mo? Pakiramdam ko tuloy madalas ay ayaw ka pa niyang mag-asawa,” wika ni Emmy sa kasintahan.

“May punto rin naman kasi ni nanay, Emmy, ang gusto lang naman niya ay maayos na ang lahat sa pagitan natin bago tayo lumagay sa tahimik,” tugon naman ni Tyron. 

“Kung tutuusin naman ay pwede na tayong magpakasal. May ipon naman na ako at may hinuhulugang lupa. Pwede nating tayuan ng bahay ang lupang ‘yun, Tyron. Napag-usapan na natin ito, ‘di ba?” saad pa ng dalaga. 

Ngunit nararamdaman ni Emmy na may hindi sinasabi sa kaniya ang nobyo. At nais niyang malaman kung ano ito.

Isang araw, inaya ni Emmy itong si Tyron na lumabas sila dahil matagal na nila itong hindi ginagawa. Dati-rati nama’y sumasama agad itong si Tyron ngunit sa pagkakataong ito ay iba ang naging sagot ng nobyo. 

“Pasensiya ka na, hindi kita masasamahan ngayon. Marami pa kasi akong gagawin, Emmy. Sa ibang araw na lang,” wika ni Tyron. 

Dahil sa pagbabagong ito ay lalong nag-asam si Emmy na malaman ang tunay na nangyayari sa kaniyang kasintahan.

“Alam mo, Tyron, kung may problema ka, sa akin mo dapat unang sinasabi. Wala ka bang tiwala sa akin? Tutulungan kita sa abot ng makakaya ko,” wika naman ni Emmy.

Advertisement

Nahihiya man si Tyron ay inamin na nito ang kanilang sitwasyon.

“Hindi kita masasamahan kasi wala akong pera. Ang ATM card ko ay nasa nanay ko at siya na ang kumukuha ng sahod ko. Bilang panganay ay siya na rin ang nagbabadyet ng lahat ng sahod para sa pang-araw-araw naming gastusin. Hindi ko masabi sa’yo dahil nahihiya ako. Baka tuluyan mo na akong hiwalayan,” paliwanag naman ni Tyron.

“Ito siguro ang dahilan kung bakit ayaw din ng nanay mo na magpakasal tayo. Dahil kung magpapakasal tayo at magsisimula tayo ng sariling pamilya ay hindi na sila makakaasa pa sa iyo. Ayos lang naman sa akin na magbigay ka sa pamilya mo, Tyron, pero kailangan mo ring magtira para sa sarili mo at sa magiging kinabukasan natin. Iyon ay kung nais mong maauwi ang relasyon natin sa kasalan,” wika ni Emmy. 

“Matagal na kitang gustong pakasalan, Emmy, pero ayaw ni nanay. Nararamdaman ko ring ayaw niyang magpakasal ako hangga’t hindi ko pa napagtatapos ang dalawa kong kapatid. Simula nang sumama kasi si tatay sa ibang pamilya niya ay pinaako na sa’kin ni nanay ang lahat. Pasensiya ka na kung pati ang relasyon ko sa’yo ay nadadamay. Naiintindihan ko kung ayaw mo na sa akin,” pahayag muli ng binata. 

Imbis na ayawan ni Emmy itong si Tyron ay umisip na lamang siya ng paraan kung paano makakatulong sa kasintahan.

“Sa tingin ko ay kailangan nating gumawa pa ng diskarte nang sa gayon ay makapag-ipon tayo. Bukod sa trabaho natin ay naisipan kong gumawa tayo ng maliit na negosyo. Tapos kapag may sapat na tayong ipon ay saka natin bigyan din ng kabuhayan ang nanay mo para naman sa mga kapatid mo. Bukod don ay aabutan pa rin natin sila para naman makatapos din ang mga kapatid mo. Pero kailangan, Tyron, ay tulungan din nila ang sarili nila at hindi lamang lagi nakaasa sa’yo o sa atin,” suwestiyon ng nobya. 

Kaya kinausap ni Tyron ang kaniyang ina nang sa gayon ay maunawaan nito ang nais nilang mangyari. Sa una ay sumama nang kaunti ang loob ni Aling Precy ngunit nang maunawaan niya na matanda na ang anak at kailangan na nga nitong lumagay sa tamihik ay pinagsikapan din niyang makatulong sa panganay. 

Nangyari ang lahat ng plano nina Emmy at Tyron. Bukod sa napaunlad nila ang kanilang itinayong negosyo ay umunlad din ang negosyong sari-sari store ni Aling Precy, dahilan upang ito na ang sumagot para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan pati na rin sa pagpapaaral sa mga kapatid ni Tyron sa kolehiyo. 

Advertisement

Nang mailagay na sa ayos ang lahat ay saka niyaya ni Tyron ang kaniyang kasintahang si Emmy upang magpakasal. Agad namang pumayag ang dalaga dahil matagal na niya itong pangarap.

Labis ang pasasalamat ni Tyron sa pagmamahal at pang-unawa ni Emmy. Maging si Aling Precy ay masaya rin dahil maunawain ang kaniyang naging manugang.

Isa itong patunay na walang problemang hindi nasosolusyunan kung ang bawat isa ay handang tumulong at gawin ang kanilang parte.