Inday TrendingInday Trending
Pinatigil Siya ng Kanyang Ama sa Pagsasayaw Dahil Ayaw Niyang Makasira Ito sa Pag-aaral ng Anak, Ngunit Hindi Sumusunod ang Anak na Ito

Pinatigil Siya ng Kanyang Ama sa Pagsasayaw Dahil Ayaw Niyang Makasira Ito sa Pag-aaral ng Anak, Ngunit Hindi Sumusunod ang Anak na Ito

“Pwede ba, Angelito? Tigil-tigilan mo ‘yang pagsasayaw mo! Wala ka namang napapala kakasayaw,” galit na galit na sabi ng tatay ng binata habang sila’y magkausap sa video call.

“Eh pa, nag-aaral rin naman ho ako ng maayos,” pangangatwiran ni Angelito.

“Paano ka mag-aaral kung puro sayaw na lang ang inaatupag mo? Nagpapakahirap kaming magtrabaho at kumayod ng nanay mo dito sa ibang bansa tapos ikaw puro sayaw lang?!” panggagalaiti ng kanyang tatay.

Bata pa lamang si Angelito ay nangibang bansa na ang kanyang mga magulang para mabigyan sila ng bunso niyang kapatid ng maayos na buhay.

“Sige na anak, sumunod ka nalang sa tatay mo. Gusto lang naman namin ay ang makakabuti sa inyo,” dagdag ng kanyang nanay.

Hindi sumagot si Angelito dahil alam niyang hindi papalag ang mga katwiran niya sa kanyang magulang.

“O siya sige na, mag-aral ka na at kami naman ng tatay mo ay papasok na sa trabaho, mag-iingat kayo ng kapatid mo d’yan ha,” paalam ng kanyang nanay.

Nasa unang taon pa lang ng kolehiyo si Angelito. Noong siya’y nasa high school pa lamang ay kabilaan ang mga sayaw na sinasalihan niya sa loob at sa labas ng kanilang paaralan. Pinapayagaan naman siya noon ng kanyang tatay, ngunit ng siya’y magkolehiyo, kagustuhan ng kanyang tatay ay magseryoso at magtutok na siya sa pag-aaral.

Kursong accounting ang kinuha ng binata. Matalino si Angelito at masipag mag-aral, talagang mahal na mahal lamang niya ang pagsasayaw.

Ngunit kahit pinagbawalan na siya ng kanyang tatay ay sumasali pa rin siya sa mga sayaw sa kanilang paaralan. Tinago niya ito at nilihim sa kanyang mga magulang para siya’y hindi mapagalitan.

Para hindi makahalata ang kanyang magulang, nagsisikap siyang mag-aral nang mag-aral upang mapanatiling matataas at pasado ang kanyang mga grado.

May mga ilang beses na nahuhuli siya ng kanyang tatay dahil madalas na ginagabi siya ng uwi.

“Kanina pa ako tumatawag sa video call, bakit ‘di mo sinasagot?” tanong ng tatay niya.

“Nasa school pa po kasi ako, pa” sagot ng binata.

“Siguraduhin mong totoo yang sinasabi mo, dahil hindi na kita pag-aaralin kung malalaman kong nagsasayaw sayaw ka na naman!” galit na sabi ng kanyang tatay.

Oo lang palagi ang isasagot ng binata para lang matapos na ang usapan. Nalulungkot siya na kinakailangan niyang magsinungaling. Ngunit sadyang gusto niya pa rin ang magsayaw.

Nakatapos rin si Angelito sa kolehiyo at wala nang mas sasaya pang mga magulang, kung hindi ang mga magulang ng binata sa kanyang graduation.

Dahil naging maayos ang kanyang mga grado noong siya’y kolehiyo, hindi naging mahirap para sa kanya ang makahanap ng magandang trabaho.

Ngunit kahit nagkaroon na siya ng trabaho ay hindi pa rin mawala sa kanyang puso ang pagsasayaw.

Dahil wala namang mga kompetisyon ng sayaw sa kanyang trabaho na katulad noong siya’y mag-aaral pa lamang, matiyaga siyang naghanap ng grupong masasalihan niya para siya’y muling makasayaw.

Muli, nanatili itong lihim sa kanyang mga magulang.

Minabuti niyang wag nalang munang sabihin ang kanyang pagsasayaw dahil baka hindi pa rin matanggap ng kanyang tatay ang hilig nito. Dagdag pa niya’y baka mapagsabihan din siya na magtrabaho na lamang at wag nang magsayaw.

Halos gabing-gabi nang nakakauwi ng kanilang bahay si Angelito.

Tuwing nakikipag-video call ang kanyang mga magulang, idadahilan na lamang niya na nasa trabaho pa siya tuwing siya’y nag-eensayo para sa kompetisyon ng sayaw na sinalihan ng kanyang grupo.

May mga araw na pumapasok siyang pagod na pagod sa trabaho ngunit mabubuhayan ng loob tuwing maiisip na makakasayaw siya pagkatapos ng oras ng trabaho niya.

Ilang buwan ang lumipas at patuloy na naging ganito ang buhay ni Angelito. Sa sobrang tutok niya sa kanyang trabaho at pagsasayaw, nawala sa isip niya ang nalalapit na pag-uwi ng kanyang mga magulang

Nagkataon pa na ang araw ng uwi ng kanyang magulang ay ang araw ng pinaka-malaking kompetisyon ng sayaw na nasalihan ng kanyang grupo.

Matapos ang mahabang pag-iisip ay nakapagdesisyon si Angelito na kitain ang kanyang mga magulang pagkatapos ng kompetisyon – at pinili niya na nga ang pagsasayaw.

Dahil alam niyang mauuna ang oras ng dating ng kanyang mga magulang, ay nag-iwan siya ng isang maikling liham para sa kanyang mga magulang. Katabi nito ay ang dalawang tiketa para makanood sa kompetisyong kanyang sinalihan.

Nakalagay sa kanyang sulat…

“Pa, Ma, alam kong hindi kayo matutuwa na matagal akong nagsinungaling sa inyo. Kahit ilang beses niyo po akong napagsabihan na ‘wag nang sumayaw ay gustong gusto ko pa rin pong sumayaw. Sana mapatawad niyo po ako. Heto po ang dalawang tickets sa competition na sinalihan ko. Sana po makaabot kayo at mapanood niyo ako, kahit ngayon lang.”

Maya’t mayang tinitingnan ni Angelito ang dalawang bakanteng upuan na malapit sa entablado kung saan siya sasayaw. Ito sana ang mga upuan na para sa kanyang mga magulang – kung sila’y makakapunta.

Sumasayaw na ang isang grupo kung saan sila na ang sunod at nanatiling bakante ang upuan.

Nang may biglang tumawag ng kanyang pangalan…

“Angelito… anak.”

At sa kanyang paglingon ay ang kanyang mga magulang na nakangiti sa kanya ang kanyang nakita.

“Ma? Pa? Nagpunta kayo!” masayang sigaw ni Angelito at dali-dali tumakbo sa kanyang mga magulang para yakapin ng napaka-higpit.

“Bakit naman kami hindi pupunta? Alam kong mahal na mahal mo ang pagsasayaw, at nakita ko iyon, kaya susuportahan ka namin sa kung ano man ang gusto mong gawin, basta ito ay makakabuti sa iyo,” nakangiting sagot ng tatay ng binata.

“Anak, kolehiyo ka palang, alam na naming tinutuloy mo pa rin ang pagsasayaw kahit pinagbabawalan ka namin. Masakit sa amin na tanggalin ang pagsasayaw sayo, ngunit para ito sa kabutihan mo. Pero tuwing nakikita namin na matataas pa rin ang mga grado mo kahit nagsasayaw ka, ay tuwang-tuwa kami sa determinasyon mo,” naiiyak na sambit ng nanay.

“Galingan mo anak, pupunta na kami sa mga upuan na iyon para mapanood namin ang sayaw mo. Tandaan mo, mahal na mahal ka namin ng nanay mo, kaya ibigay mo ang best mo sa pagsasayaw!” masayang sabi ng kanyang tatay matapos siyang bigyan ng isa pang mahigpit na yakap.

Ilang segundo lamang ang lumipas at tinawag na ang pangalan ng grupo ni Angelito para tumayo sa entablado.

Humingang malalim ang binata, pinunasan ang luha, tumingin sa mga magulang na nakangiti at naglakad na patungong entablado.

Ang kanyang sayaw noong gabing yun ang pinakamaganda at pinakamagaling niyang nagawa, marahil ito na rin kasi ang unang beses na sasayaw siyang maluwag ang kanyang dibdib at wala nang itinatago sa kanyang mga magulang.

Napakasaya rin ng kanyang mga magulang dahil nakikita nila kung gaano kaligaya ang kanilang anak habang siya’y sumasayaw.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement