Inday TrendingInday Trending
Una o Tunay na Pag-Ibig?

Una o Tunay na Pag-Ibig?

“Pa-kiss nga!” paglalambing ni Keilsey sa nobyo niyang si Mark habang inginunguso pa ang mga labi nito sa binata. Natawa naman ang binata sa inasta ng kasintahan. Natatawa kasi talaga siya pag naglalambing ang nobya dahil para itong bata kung umasta.

Inihatid niya ang dalaga sa bahay nito pagkatapos sunduin sa trabaho. Ito ang tungkulin niya araw-araw sa nobya, ang ihatid at sunduin ito araw-araw. Nang sa ganun, gaano man sila kaabala sa trabaho, may oras pa rin silang dalawa sa isa’t isa.

“Pumasok ka na nga sa inyo at gabi na. Baka mapagalitan ka pa,” natatawang sagot niya sa nobya at mahinang pinitik ang mga nakangusong labi nito.

“Aray ha? Okay. Sige. Bye,” padabog na sagot ng dalaga at akmang papasok na sa loob ng gate ng bahay nito ng bigla siyang hablutin ng nobyo at marahang hinalikan sa noo.

“Goodnight. See you tomorrow,” mahina ngunit napaka lambing na usal ni Mark sa kanyang kasintahan na nagpipigil naman ng kilig.

Tumingala si Keilsey sa binata at binigyan ito ng matamis na ngiti habang nakatingin sa kanyang mga mata. Mahal na mahal ni Keilsey ang kanyang nobyong si Mark. Sa sobrang pagmamahal niya rito ay pakiramdam niya ay sasabog ang puso niya ano mang oras kapag kasama niya ang binata.

“I love you,” sagot ni Keilsey sa nobyo.

“I love you,” sagot din ni Mark sa kanyang kasintahan bago niya ito tuluyang pinapasok sa loob ng bahay. Napangiti naman si Mark habang pinagmamasdan ang likod ng dalaga habang pumapasok ito sa loob ng kanilang tahanan. Hindi si Keilsey ang kanyang unang pag-ibig, ngunit nasisigurado niyang ang dalaga ang kanyang tunay na pag-ibig.

Nakilala niya si Keilsey tatlong taon na ang nakalilipas. Ito yung mga panahong sobra siyang nasaktan dahil sa kanyang unang pag-ibig. Sobra siyang nasaktan sa ginawang pag-iiwan at pangtataboy sa kanya ng babaeng minamahal na bigla na lamang nagbago. Naging masungit at mainitin ang ulo.

Isang doktor si Mark at isa namang intern si Keilsey ng mga panahong iyon. Bago at nagsisimula palang si Keilsey noon sa ospital. Madalas siyang kinakabahan at nagkakamali kaya naman parati siyang nasisigawan ni Doctor Mark Sanchez.

Hindi alam ni Mark kung bakit pero nakikita niya palang ang nakangiting mukha ng dalaga ay naiinis na siya. Paano nagagawa ng dalaga na ngumiti ng ganoon na parati naman itong napapagalitan at nasisigawan sa ospital, hindi lang sa kanya kundi pati na rin sa iba pang mga doktor. Saan ito kumukuha ng lakas ng loob na ngumiti sa kabila ng mga paghihirap na dinaranas nito araw-araw.

Hindi namalayan ni Mark na parati na siyang nakatingin sa dalaga, parating nakamasid. Nakita niya kung gaano ka buti ang puso nito. Lahat ng kanyang pwedeng matulungan ay tinutulungan ng dalaga ng walang pag-aalinlangan. Hindi rin nawawalan ng mga ngiti si Keilsey sa kanyang mga labi na mas lalong nagpapaganda sa mukha nito.

Unti-unting gumaan ang loob niya sa dalaga at nagsimulang maging mabait rito. Paminsan-minsan, hindi man niya ipinapahalata, ay tinutulungan niya na rin ang dalaga sa tuwing napapagalitan ito.

Naging malapit ang loob nilang dalawa sa isa’t isa hanggang sa umamin si Mark sa kanyang nararamdaman sa dalaga nang may mga nag-umpisang manligaw sa dito na kapwa nila doktor. Doon napagtanto ni Mark na mahal na pala niya ang dalaga.

Labis na tuwa rin naman ni Mark nang malamang iniibig na rin pala siya ng dalaga. Nanligaw siya rito ng halos isang taon bago siya sagutin ng dalaga, at ngayon nga ay malapit na ang kanilang pangalawang anibersaryo at plano niya ng alukin na ito ng kasal.

Masayang nagmamaneho ng kanyang sasakyan si Mark habang tinitingnan sa kanyang kamay ang singsing na gagamitin niya mamaya para alukin ang nobya na pakasalan siya. Bagama’t kinakabahan sa magiging sagot ng kasintahan ay nasasabik na rin siyang magkita sila.

Malapit na siya sa lugar kung saan sila magkikita ng bigla na lamang may tumawag sa kanya. Si Trisha. Ang pinakamatalik niyang kaibigan at unang babaeng minahal siya. Tumawag ito para ipaalam sa kanya na nagbalik na ito sa Pilipinas at na gusto siya nitong makita sa lalong madaling panahon.

Natigilan naman si Mark sa kanyang mga narinig at tinitigan ang singsing na hawak sa kanyang mga kamay at biglang kinabig ang manebala para puntahan ang babaeng tumawag sa kanya. Tatlong taon siyang iniwan ni Trisha, ng kanyang unang pag-ibig.

Ang babaeng una niyang minahal ng labis. Ngayon naman ay nakabalik na ito at nais niyang marinig ang mga sasabihin nito sa kanya.

Pagkarating niya sa bahay ni Trisha ay agad siyang niyakap ng mahigpit ng dalaga.

“Mark! Sobrang namiss kita!” masayang salubong ni Trisha sa matalik na kaibigan. Ngumiti lamang si Mark at tinitigan siya.

“Anong kailangan mo at bumalik ka sa Pilipinas? At bakit mo ako pinapunta rito?” malamig niyang tanong sa dalaga.

“Oh come on, don’t be such a stranger, Mark. Bata pa lamang tayo ay matalik na tayong magkaibigan. Masama ba kung bumalik ako rito nang malaman ko mula kay Tita na may balak kana raw alukin ng kasal ang panakip butas mo?” Pa-inosentong tanong ni Trisha sa binata.

“Wag na wag mong tatawaging panakip butas si Keilsey. Mahal ko siya,” marahang sagot ni Mark sa dalaga.

“Pero mahal mo rin ako,” para bang nakakasiguradong ganti ni Trisha sa pahayag ng binata.

“Minahal. Nakaraan,” pagtatama ni Mark sa sinabi ng kaibigan. Hinawakan naman ni Trisha ang kamay ng binata.

“Mark please, stop this. Umuwi na ako oh. Handa na akong mahalin ka. Pwede nang maging tayo,” nagsusumamong saad ng dalaga kay Mark. Tinanggal naman ni Mark ang mga kamay ng dalaga na nakahawak sa mga kamay niya.

“Hindi ako laruan na pwede mong itapon o balikan sa kung ano mang oras na gustuhin mo. Pasensya na Trish, pero hindi na kita mahal. Pumunta lang ako rito para ipaalam sayo at sabihin sayo na mahal ko si Keilsey at wag mo na kaming guguluhin.

Kahit bilang respeto nalang sa pagiging matalik nating magkaibigan ng mahigit sampung taon. Ikaw man ang una kong pag-ibig at inaamin kong lubos kitang minahal, at ikaw mismo ang sumayang dun. Si Keilsey na ang mahal ko ngayon, siya ang aking kasalukuyan at hinaharap. Siya ang babaeng gusto kong makasama ko sa aking buong buhay hanggang sa aking pagtanda. Siya ang nagbalik ng liwanag sa mundo ko na dumilim dahil sayo.

Paalam, Trisha. Panalangin ko ay makahanap ka rin ng lalaking lubos na magmamahal sayo at paliligayahin ka, dahil hindi na ako iyon,” sa huling pagkakataon ay niyakap ni Mark ang matalik na kaibigan at umalis na upang puntahan ang babaeng matiyaga siyang hinihintay. Ang babaeng gusto niyang makasama habangbuhay.

Buong pusong tinanggap ni Keilsey ang alok na kasal ng kanyang pinakamamahal na kasintahan. Makalipas lamang ang isang taon, ikinasal na sila ni Mark at agad din namang biniyayaan ng kambal na anak.

Masayang-masaya si Mark habang nakatingin sa kanyang mag-iina habang mahimbing na natutulog. Nabigo at sobra man siyang nasaktan sa kanyang unang pag-ibig, labis na kaligayahan naman ang hatid sa kanyang buhay ng kanyang tunay na pag-ibig.

Sabi nga nila, inilalayo daw tayo ng ating Diyos sa mga tao o bagay na hindi para sa atin at siguradong makakasama sa atin. Huwag mag-alala kung tayo man ay iwan ng taong labis nating minahal, dahil ang tamang tao ay kailanman hindi tayo iiwan. Maghintay at magtiwala lamang.

Advertisement