Inday TrendingInday Trending
Mula Pagkabata ay Hindi Nakilala ng Babae ang Kanyang Ama; Tadhana na Ang Gumawa ng Paraan para Muling Mag-Krus ang Kanilang Landas

Mula Pagkabata ay Hindi Nakilala ng Babae ang Kanyang Ama; Tadhana na Ang Gumawa ng Paraan para Muling Mag-Krus ang Kanilang Landas

Bata pa lamang ay pangarap na ni Hazel ang maging isang broadcast journalist. Noon pa man ay napapanood na niya sa TV ang mga idolong broadcaster kaya’t ipinangako niya sa sarili na balang araw ay siya naman ang panonoorin sa telebisyon. Maaga siyang namulat sa realidad ng mundo dahil paslit pa lamang siya nang mamatay ang kaniyang ina, habang wala naman siyang alam sa kinaroroonan ng kaniyang ama, pawang mga lumang litrato lang ang pagkakakilanlan niya rito.

“Pag ako naging journalist lolo, bibilhan ko kayo ni lola ng bagong TV, yung maliwanag para makita niyo ako nang maayos.” Pangako niya.

“Ikaw talagang bata ka, sige pangako mo yan sa amin ha, kailangan mapanood kita sa telebisyon bago ako malagutan ng hininga.” Sagot naman nito.

“Wag ka ngang ganyan lo! Malakas pa kayo, bibigyan ko pa kayo ng apo sa tuhod.” Biro niya sa matanda.

Madaling lumipas ang panahon at pinag- sumikapan ni Hazel na maabot ang pangarap. Sa tulong ng ilan sa kaniyang mga tito at tita ay nakapagtapos siya sa kursong nais at agad na nakapasok bilang trainee sa isang broadcasting station.

“Good morning Sir, eto na po yung report ko para sa nangyaring aksidente kagabi.” Wika niya.

“Salamat Hazel, alam mo napakagaling mong magsulat ng balita, paghusayan mo pa para ma promote ka din bilang reporter sa TV.” Sagot nito.

Dahil sa suporta ng kaniyang lolo at lola at mga positibong komento ng mga ka- trabaho ay lalong pinaghusayan ni Hazel ang kaniyang trabaho. Minsan siyang binigyan ng isang espesyal na report kung saan kailangan niyang kapanayamin ang mga street sweeper ng lungsod at alamin ang kwento ng kanilang buhay.

“Kaya mo ba ang report na ito Hazel?” Tanong ng kaniyang boss.

“Kaya ko po yan, sa susunod na linggo ay ipapasa ko.” Sagot niya.

Sinimulan na ni Hazel ang paghahanap ng mga kakapanayamin. Sa kaniyang paglalakad lakad ay nakita niya ang isang lalaking nagwawalis sa gitna ng kainitan ng araw. Agad niya itong nilapitan at tinanong kung maaring makausap at pinaunlakan naman siya nito.

“Ako sa Florentino Cruz, at mahigit dalawampung taon na akong street sweeper. Maari mo akong tawaging Enteng.” Paunang wika nito.

“Mang Enteng, paano po ba nagsimula ang inyong trabaho bilang isang street sweeper?” tanong niya.

Inabot ng isang oras ang kanilang paguusap dahil sa lungkot ng kwento ni Enteng. Ayon sa kaniya ay nabuntis niya ang dating kasintahan ngunit hindi niya ito pinanagutan. Nang maghiwalay sila ay hindi niya na muling nakita pa ang babae at ang kaniyang anak. Labis itong pinagsisihan ni Enteng dahil mula noon ay wala na siyang nakilalang babae na kagaya ng kaniyang unang pag-ibig.

Labis na naantig ang puso ni Hazel, inalam niya ang iba pang bagay tungkol kay Enteng, paguwi ay sinimulan niya ang pagsulat ng report tungkol sa buhay nito. Sa kaniyang pagsusulat ay bigla niyang naalala ang amang hindi nakilala kailanman.

Hinanap niya ang mga lumang litrato nito at sa kaniyang gulat ay nakitang si Mang Enteng pala ang kaniyang ama. Ibang iba ang itsura nito sa litrato ngunit sigurado siya sa kaniyang natuklasan. Agad siyang umalis at binalikan ang lalaking nakausap.

“Mang Enteng?” Wika niya.

“Iha, may kailangan ka pa bang itanong?” sagot nito.

“Ikaw po ba ito?” sabay abot niya ng lumang litrato.

Pagkakita pa lamang sa litrato ay agad na lumuha ang lalaki, umiyak na rin si Hazel sa labis na kaligayahan. Sa wakas ay nakilala na niya ang amang matagal na niyang ibinaon sa limot.

“Ako po yung anak niyo.”

“Anak patawarin mo ako, pinagsisisihan ko ang pag-iwan ko sa inyo noon.” Sagot nito.

Agad na nagkapatawaran ang mag-ama, dahil sa mga kwento ni Mang Enteng ay alam na ni Hazel na labis nitong pinagdusahan ang maling desisyon na nagawa nito noon.

Ikinuwento niya sa ama ang kaniyang buhay kasama ang kaniyang lolo at lola pati na rin ang pagabot niya sa kaniyang mga pangarap. Mula noon ay regular na silang nagkikita upang magkamustahan at punuan ang mga taong sila ay magkawalay.

Pagtagal ay lumabas na si Hazel sa TV bilang isang broadcaster at talaga namang galak na galak si Mang Enteng na makita ang anak sa telebisyon.

“Anak ko iyan.” Bulong niya sa sarili habang pinapanood si Hazel na nagbabalita.

Ang isang pagkakamali ay maaring makasira di lamang ng ating buhay kundi pati ng mga taong nasa paligid natin, gayunma’y may nakalaang kapatawaran para sa mga taong labis na pinagsisihan ang kanilang kamalian.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement