Ang Multo ng Nakaraan

Pagkapasok na pagkapasok ni Lisa sa kanyang paboritong coffee shop ay agad na itong pumila para bilin ang paboritong inumin. Matapos ay agad siyang pumwesto sa kanyang kinaugalian upuan.

“Wala na talagang mas sasarap pa sa pagbabasa ng paboritong libro kapag sinabayan ng paboritong coffee,” sabi ni Lisa sa kanyang sarili habang hinuhugot ang libro na kanyang binili sa bookstore kanina.

Habang nagbabasa ang dalaga ay may naupo naman na isang babae sa harap ng kanyang pwesto. Nagtaka ito kung bakit dala ang binili na inumin ng babae kaya nagmasid ito sa paligid kung may kasama pa ba ito ngunit wala itong ibang nakita.

“Ang weird naman nito, dalawang drinks para sa sarili,” bulong ni Lisa sa sarili habang pinipigilan ang pagtawa dahil nakikita niyang tulala ang babae na nasa harapan niya.

Babalik na sana si Lisa sa pagbabasa ng mapansin niya ang pagtulo ng luha mula sa mga mata ng babae na nasa harapan niya. Pansin niya ang sakit na nararamdaman ng babae kung kaya’t kinamusta niya ito.

“M-miss, okay ka lang?” tanong ni Lisa sa dalaga ngunit hindi siya pinansin nito. Hindi nalang pinansin ni Lisa ang pagtanggi ng babae sa tanong niya kaya nagpatuloy na lamang siya sa kanyang pagbabasa.

Makalipas ang limang minuto ay biglang nagsalita ang babae dahilan ng pagtigil ni Lisa sa pagbabasa.

“Dito yun, dito yung eksaktong pwesto namin tuwing nagpupunta kami dito,” sabi ng dalaga. Magsasalita na sana si Lisa ngunit nagpatuloy lang sa pagsasalita ang babae.

Advertisement

“Akala ko ay pumupunta kami dito dahil alam niyang paborito ko itong lugar na ito. Pero ang katunayan, dito niya na pala naiplano ang lahat ng masasamang plano niya para sa’kin,” habang sinasabi ito ng babae ay patuloy parin ang pagtulo ng mga luha nito mula sa kanyang mga mata. Aabutan na sana ni Lisa ng panyo ang babae ngunit tinanggihan niya ito at nagpatuloy sa pagsasalita.

“Mag-iingat ka ha? Ang mga taong akala mo ay kilala mo na, baka hindi pa pala. Maganda kang babae, matalino, at higit sa lahat ay mabuting tao,” habang sinasabi ito ng dalaga ay hindi niya napansin na tumutulo na ang luha niya dahil sa sakit na nararamdaman niya para sa babaeng nasa kanyang harapan. Gusto niya itong lapitan para damayan ngunit hindi ito makatayo mula sa kanyang kinauupuan. Kaya naman wala na itong ibang magawa kundi makinig sa mga sinasabi ng dalaga.

“Ayokong maulit sa iba ang nangyari sa akin. Nang dahil sa lalaking iyon, nasira ang buong buhay ko. Lisa, mag-iingat ka. Maging alisto ka. Maging matalino ka,” magsasalita pa sana yung babae pero biglang tumunog ang cellphone ni Lisa. Pagkakita niya ng phone ay muli niyang narinig ang tinig ng babae.

“Sige na. Sagutin mo na ‘yan. Baka tuluyan na namang mag-init ang ulo niyang tumatawag kapag hindi mo nasagot ang telepono,” nagulat nalang si Lisa dahil habang sinasabi iyon ng dalaga ay nakatingin lamang sa kanya ito at lumuluha. Gulong-gulo rin ang isip niya dahil hindi niya kilala ang babae ngunit alam nito ang pangalan niya.

“Oo, sasagutin ko na,” tanging salita na nasambit ni Lisa.

“Hello babe, saan ka na?” tanong ni Lisa sa kanyang nobyo.

“Ay nandito ka na? Sige aayusin ko na yung gamit ko, magpaalam na rin ako sa kausap ko dito. Grabe, basta kinikilabutan ako. Sige na, palabas na ako,” pagkababa ng telepono ay agad na nag-ayos ng gamit si Lisa pero nang aalis na ito ay muling nagsalita ang babae.

“Aalis ka na ‘di ba? Mukhang nandyan na sa tapat yung sundo mo,” nagulat na lang si Lisa dahil mukhang kilala ng babae ang kanyang nobyo. Tatanungin na dapat ni Lisa ang babae pero naunahan na naman siya nito.

Advertisement

“Pakibigay nalang itong isang coffee sa boyfriend mo, alam kong magugustuhan niya ‘to,” sabi ng babae na kausap ni Lisa.

Nang makasakay si Lisa sa sasakyan, agad niyang iniabot sa nobyong si Mark Ian ang kapeng ibinigay sa kanya ng ‘di niya kilalang babae.

Ngunit laking gulat niya nang bigla na lamang namutla at halos maihi sa takot ang lalaki.

“SI- SINO ANG NAGBIGAY NIYAN? PA- PAANO MO NALAMAN ANG EKSAKTONG TIMPLA NA ‘YAN?! HINDI KO NAMAN SINABI SA’YO ‘YAN KAHIT KAILAN AH?!” utal-utal na sabi ni Mark Ian sa kanya.

“Ha? Ipinapabigay noong babae sa loob, ayun oh,” itinuro ni Lisa ang babae ngunit laking pagtataka niya nang makitang wala na pala ito doon sa kaninang kinauupuan niya.

“Put*ngina! ‘Wag mo akong pinagti-tripan ng ganito ha, Lisa?!” sigaw pang muli ng takot na takot na si Mark Ian.

Takang-taka naman si Lisa sa reaksyon ng nobyo niya kaya’t sinubukan niyang hawakan ang kamay nito para pakalmahin. Kaya lamang, natigilan siya nang bigla na lamang siyang sunggaban ng sakal ng nobyo.

“Mark Ian, ano ba?! T- tama na! Hi- hindi ako makahinga!”

Advertisement

Bigla na lamang siyang binitiwan ng lalaki at napatulala si Mark Ian at tila ba nanigas sa kanyang kinauupuan. Ilang sandali pa ay nagsimula nang maghumiyaw sa iyak ang binata. Bakas na bakas sa mukha niya ang matinding kilabot at takot.

“Lisa, hindi ko sinasadya! Ayaw niya kasi akong pakawalan. Nakikipaghiwalay ako sa kanya sa coffee shop na iyan, pero ayaw niyang pumayag! Kaya… Kaya, kinitil ko ang buhay niya! Ako ang sumakal kay Sarah hanggang sa maubusan siya ng hininga!” sigaw ni Mark Ian kay Lisa. Maputlang-maputla ito na tila ba nakakita ng multo.

Sa takot ni Lisa, agad niyang tinawag ang pulis na mabuti na lamang ay rumoronda malapit sa kinaroroonan nila. Agad na dinala si Mark Ian sa presinto at inamin niya ang lahat-lahat sa kanila.

Ang babae palang nagpakita kanina kay Lisa ay ang dating nobya ni Mark Ian na matagal nang pinaghahahanap ng mga pamilya’t kamag-anak nito. Iyon pala’y nang mag-away si Mark Ian at Sarah ay sinakal ng lalaki ang kawawang dalaga hanggang sa sumakabilang buhay ito. Hindi pa ito nakuntento at itinapon ang mga labi ng babae sa isang lumang bodega malapit sa coffee shop na iyon.

Halos mabaliw at hindi na makausap ng maayos si Mark Ian matapos ang pangyayaring iyon. Ngunit sigurado si Lisa na nagpakita ang multo ni Sarah kay Mark Ian, at ginamit na kasangkapan si Lisa, upang umamin na ito sa kahindik-hindik na salang ginawa niya.

Mabuti na lamang at nagpakita ang multo ni Sarah kay Lisa, at pati na rin kay Mark Ian. Kung hindi ay baka hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamit ng pamilya ni Sarah ang hustisyang matagal na nilang hinahangad.

Sa ngayon ay nakalagak daw sa isang Mental Hospital itong si Mark Ian dahil wala nang ibang lumabas sa kanyang bibig kung hindi ang mga salitang, “Tama na, Sarah! Patawad! Patawad!”

Napatunayan lamang ng pangyayaring ito na walang sinuman ang makakaligtas sa multo ng nakaraan kapag ikaw ay isang makasalanan.