Inday TrendingInday Trending
Buong Pagmamahal na Inaruga ng Lola ang Ulilang Musmos na Bata, Ngayong Mayaman na ang Bata, Sinuklian Nito ang Kabutihang Nagawa Niya

Buong Pagmamahal na Inaruga ng Lola ang Ulilang Musmos na Bata, Ngayong Mayaman na ang Bata, Sinuklian Nito ang Kabutihang Nagawa Niya

Tahimik na tinatanaw ni Stephanie ang mga ulap mula sa bintana ng eroplanong kaniyang sinasakyan. Malayo na nga ang kaniyang narating. Mula sa pagiging ulilang musmos na nakatira sa Bulacan kasama ang kaniyang lola, ngayon ay isa na siyang tanyag na marketing head ng isang sikat na kompanya ng IT sa London. Maugong din ang balita na siya ang napupusuan ng may-ari ng kompanya ng maging bagong bise president ng kompanya.

Unti-unti na nga niyang naaabot ang kaniyang mga pangarap. Ngunit hindi niya matatamasa ang lahat ng mayroon siya ngayon kung hindi dahil sa sakripisyo at pag-aaruga ng kaniyang pinakamamahal na lola. Noong namatay ang mga magulang ni Stephanie dahil sa isang malagim na aksidente ay bukas palad siyang kinupkop nito. Hindi inalintana ang dagdag pasakit na kaniyang idudulot, pinatuloy siya nito sa kaniyang maliit na barungbarong.

Upang matustusan ang lahat ng kaniyang pangangailangan ay doble kayod sa pagtratrabaho ang kaniyang lola. Maraming pagkakataon na nagpapalipas ito ng gutom masiguro lang na makakakain siya ng mga masusustansiyang pagkain tatlong beses sa isang araw. Binalewala nito ang pagod at sakit na nararamdaman mapagtapos lang siya sa pag-aaral. Isinantabi ang sariling luho para maibigay ang lahat ng gusto niya.

Hindi binalewala ni Stephanie ang lahat ng sakripisyo ng kaniyang lola. Sinuklian niya ito sa abot ng kaniyang makakaya. Naging masunurin siyang bata. Tinutulungan niya ito sa mga gawaing bahay. Ni minsan ay hindi niya ito binigyan ng anumang ikasasama ng loob. Hindi siya nakikipagbarkada. Pati ang pakikipagrelasyon ay isinantabi na muna niya. Nagsipag siya at pinagbuti ang kaniyang pag-aaral. Tinutok niya ang buong atensiyon sa pagkamit ng mataas niyang pangarap, ang maging presidente ng isang prestisyosong kompanya.

Isang tawag ang nagtulak kay Stephanie na muling bumalik sa Pilipinas. Ang pinakamamahal niyang lola ay may malubhang karamdaman. Nakaconfine ito ngayon sa isang sikat at mamahaling ospital sa Manila. Walang pagdadalawang isip siyang nagfile ng leave at umalis ng London. Determinado siyang gawin ang lahat ng kaniyang magagawa basta gumaling lang ito. Buong biyahe ay labis ang kaniyang pag-aalala sa kalagayan nito.

Pagkalapag ng eroplano ay sa ospital dumiretso si Stephanie. Bitbit ang malaki niyang maleta ay dali-dali siyang tumakbo patungo sa kwarto ng kaniyang lola. Pagpasok sa loob ay nadatnan niya ang kanilang kasambahay na kausap ang doktor habang isang nurse naman ang nagchecheck sa mga aparatong nakakabit sa kaniyang lola.

“Kamusta na po ang lola ko?” Tanong ni Stephanie sa doktor habang hinahabol ang kaniyang hininga.

Malungkot siyang tinignan ng doktor bago inilahad sa kaniya ang kondisyon ng kaniyang pinakamamahal na lola.

Nastroke ang lola ni Stephanie. Paralisado ang kaliwang bahagi ng katawan nito. Bagama’t maganda ang reaksiyon ng kaniyang katawan sa mga gamot na ibinibigay sa kaniya ay walang kasiguraduhan kung makakalakad pa itong muli. Masyadong mahina ang pangangatawan nito kaya kailangan nito ng isang tagapangalaga na matiyaga at mahaba ang pasensiya. Sinabi rin ng doktor na kung kaya na ng katawan nito ay malaki ang maitutulong ng therapy para manumbalik ang lakas ng mga muscles nito.

Agad na tinawagan ni Stephanie ang boss ng kanilang kompanya. Nagpasalamat siya sa magandang pagtrato sa kaniya at sa mga magagandang karanasan niya sa kompanya. Nagpasalamat siya sa magandang pagkakataong ibinigay sa kaniya. Malungkot niyang ipinaalam dito ang kalagayan ng kaniyang lola na nagbunsod sa kaniyang desisyon na hindi tanggapin ang posisyon bilang bise presidente ng kompanya. Sinabi rin niya ang kaniyang hangaring magresign sa trabaho upang matutukan ang pagpapagamot ng kaniyang lola.

Ang sunod na tinawagan ni Stephanie ay ang kaniyang abogado. Ipinamahala niya dito ang pagbebenta ng lahat ng mga ari-ariang naiwan niya sa London.

Wala ni katiting na pagsisisi si Stephanie sa kaniyang naging desisyon. Mas pinahahalagahan niya ang buhay at kalusugan ng pinakamamahal niyang lola. Ano mang oras ay maaari niyang balikan ang pag-abot sa kaniyang mga pangarap. Sa ngayon ay ibubuhos niya ang buong lakas at oras sa pag-aaruga dito. Katulad ng ipinadama sa kaniya ng kaniyang lola noong malakas pa ito ay ipadadama niya dito ang kaniyang pagmamahal. Malaki ang kaniyang pasasalamat na naging bahagi siya ng kaniyang buhay.

Kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Stephanie, bibitawan mo rin bang ang maganda mong buhay at hinaharap para mag-aruga ng isang matandang may sakit? Ano ang kaya mong isakripisyo para sa taong nag-aruga at nagmahal sa iyo ng lubos? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement