Balak na Iwan ng Mister ang Kaniyang Mag-Ina para Sumama sa Ibang Babae; Isang Batang Hapones ang Pipigil sa Kaniya

Anim na taon nang nagsasama bilang mag-asawa sina Reymark at Laurine. Pinagkalooban sila ng isang anak. Kahit kailan ay hindi nagkaroon ng malalang problema ang relasyon nilang mag-asawa.

Maasikaso at isang mabuting asawa si Laurine.

“Labs, ito na ang baon mo,” malambing na sabi ni Laurine habang iniabot nito ang lunch box sa mister.

“Thank you, labs! Nag-abala ka pa.”

“Ayaw kong nagugutom ang mister ko,” tugon ng babae.

Walang masasabi si Reymark sa kaniyang misis dahil mapagmahal ito at maalaga rin sa kaniya at sa kanilang anak ngunit ang tukso ay sadyang lumalapit sa kaniya. Sa ‘di inaasahang pagkakataon ay mapapalapit din siya sa isang mabait din na babae, ito ay walang iba kundi si Jenah. Dati niya itong kaklase noong nasa high school pa siya. Ang babae ang kaniyang’ first love’ ngunit nang lumipat ito ng eskwelahan ay hindi na niya ulit ito nakita. Pagkaraan ng ilang taon ay muli itong nagbabalik sa buhay niya. Ang babae ang bago nilang kliyente sa kumpanyang pinagtatrabahuhan niya.

“Wow, hindi pa rin nagbabago ang itsura mo, Jenah, maganda ka pa rin!” puri niya sa babae.

“Hindi ka rin nagbago, hanggang ngayon ay bolero ka pa rin.”

Advertisement

“Siguro ay may asawa ka na rin, ‘no?” bigla na lamang niyang naitanong.

“Ako? Wala pa. Wala pa rin akong asawa,” sagot ng babae.

Biglang nakaramdam ng kasiyahan si Reymark nang malamang dalaga pa rin si Jenah. Nabuhay ang espesyal niyang pagtingin sa dating kaklase.

Ang hindi alam ng lalaki, mas maligaya ang puso ni Jenah dahil nagkita silang muli. Lingid sa kaalaman ni Reymark ay matagal na rin palang may lihim na pagtingin sa kaniya si Jenah.

Lalong naging mas malapit ang dalawa at napapadalas na ang kanilang pagkikita hanggang sa aminin na nila ang totoong nararamdaman sa isa’t isa.

“Totoo, may pagtingin ka rin sa akin?!” ‘di makapaniwalang tanong ni Reymark.

“Oo, Reymark. Crush din kita noong nasa high school tayo. Nahihiya lang ako kasi may pagkasuplado ka noon, eh,” pag-amin ng babae.

“Ako, suplado? Hindi, ah! Ikaw nga itong suplada, eh, kaya natorpe akong ligawan ka.”

Advertisement

“Hoy, hindi ako suplada!” malakas na sabi ni Jenah sabay kurot sa tagiliran ng lalaki.

Lumalim pa ang pagtitinginan nina Reymark at Jenah hanggang sa nagkaroon sila ng lihim na relasyon. Humantong iyon sa desisyon ni Reymark na iwan ang kaniyang asawa at anak at sumama kay Jenah sa Australia. Unang umalis ang babae at napagkasunduan nilang susunod siya rito. Doon na kasi nakatira si Jenah. Bumalik lang ito sa Pilipinas para asikasuhin ang negosyo nito. Isang balak na ilang beses na pinag-isipan ni Reymark. Nang dumating ang itinakdang araw ay hindi siya mapanatag.

“Umuwi ka nang maaga mamaya, labs. Magluluto ako ng masarap na dinner,” malambing na sabi ni Laurine.

Hindi agad siya nakasagot sa asawa. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin.

“Papa, uwi ka mamaya para sabay tayo nina mama kumain,” naglalambing ring wika ng anak niyang lalaki.

“O-oo naman, anak. Maagang uuwi si papa,” sagot niya.

Habang nakasakay sa taxi papuntang airport kung saan naka-iskedyul na ang kaniyang pag-alis ay nakaramdam siya ng pagdadalawang-isip.

“Diyos ko, bigyan niyo ako ng ‘sign’ kung itutuloy ko o hindi ang aking balak,” bulong niya sa sarili.

Advertisement

Alas-onse nang umaga nang makarating siya sa airport. Hawak-hawak niya ang kaniyang passport nang bigla niya itong nabitawan at nalaglag sa lapag. Maya-maya ay pinulot ng isang batang lalaking Hapones ang nalaglag niyang passport. Sa tingin niya ay nasa pito o walong taong gulang na ang bata. Nang iabot sa kaniya iyon ng bata ay may sinasambit itong mga salitang Nihongo na hindi niya maintindihan ang ibig sabihin. Lumapit sa kanila ang ina ng bata.

“Ang sabi ng anak ko, ingatan mo raw ang passport mo. Baka raw hindi ka makasakay sa eroplano ‘pag nawala ‘yan. Baka hindi mo na raw makita ang pamilya mo,” paliwanag ng babae. Isa palang Pinay ang nanay ng batang Hapones.

Napailing si Reymark sa sinabi ng babae. Hindi niya maipaliwanag kung bakit iyon ang nasabi ng anak nito. Sa tingin niya ay ito na ang ‘sign’ na hinihingi niya. Nagdesisyon siya na huwag nang sumunod kay Jenah sa Australia at manatili sa piling ng kaniyang mag-ina.

Nang tawagan siya ni Jenah, sinabi niyang mas pinipili niya ang kaniyang pamilya. Tanggap naman ng babae ang desisyon niya. Alam ni Jenah na ‘pag hindi siya sumunod sa Australia, ibig sabihin ay hindi siya ang pinili ng lalaki.

Pinutol ni Jenah ang komunikasyon kay Reymark at gayundin ang lalaki. Mula noon ay wala na silang balita sa isa’t isa.

Masaya at kuntento na si Reymark kasama si Laurine at ang kanilang anak. Kailanman ay hindi niya pinagsisihan ang naging desisyon. Napatunayan niya na mas mahalaga at mas mahal niya ang kaniyang pamilya kaysa sa naudlot na nakalipas na pag-ibig.