Inday TrendingInday Trending
Nang Dahil sa Chismis, Nagbago ang Buhay Ko

Nang Dahil sa Chismis, Nagbago ang Buhay Ko

Bagong lipat si Ellen sa bayan ng San Isidro. Doon kasi siya naitalaga para magturo. Kakapasa palang kasi niya ng Licensure Examination for Teachers. Nag-apply naman agad si Ellen sa pampublikong paaralan, pero dahil nga baguhan pa, gaya ng iba pa niyang mga kasamahan, ay sa malayong lugar siya naitalaga para magturo.

Ito ang unang beses na malalayo si Ellen sa kanyang pamilya. Hindi pa naman siya sanay na mag-isa at wala masyadong alam sa mga gawaing bahay at kung paano mamumuhay ng mag-isa.

Hindi galing sa isang mayamang pamilya ang dalaga. Pero ganunpaman ay pinalaki sila ng kanilang mga magulang na parang mga prinsipe at prinsesa. Lalo na ng kanilang ina na si Aling Rina, kailanman ay hindi sila pinagtrabaho o pinagawa ng kahit anong gawaing bahay. Gusto kasi ng kanyang ina na ibuhos nilang lahat ang kanilang buong atensyon sa pag-aaral upang makapagtapos sila ng pag-aaral.

Hindi kasi nakapagtapos ng elementary ang kanyang ina dahil sa murang edad ni Aling Rina, naulila agad ito sa ina at iniwan naman sila ng kanilang ama nang makahanap ng bagong asawa.

Ipinangako ni Aling Rina sa kanyang sarili na kailanman ay hindi mararanasan ng kanyang mga anak ang hirap na dinanas niya. Kaya lahat ay kinakaya niya para masigurado lamang na mapapabuti ang kinabukasan ng kanyang mga anak.

Nagtratrabaho naman sa isang pabrika ang ama ni Ellen na si Mang Pascual. Mabait at maprinsipyong tao si Mang Pascual. Pinalaki sila ng ama na puno ng prinsipyo at may maayos pananaw sa buhay.

Salat man daw sila sa kayamanan, mabubuti naman ang kanilang kalooban. Mahirap man sila, mararangal naman silang tao.

“O Ellen, ito ang iyong magiging kwarto habang nakatira ka rito sa bahay namin. Huwag kang maiilang at sabihan mo ako kung may kailangan ka,” saad ng punong guro ng eskwelahan kung saan siya nagtuturo.

“Sige po. Maraming salamat po ma’am sa pagpapatuloy sakin sa inyong tahanan,” magiliw na saad ni Ellen sa ginang.

“Walang anuman. O siya, maiwan na kita, para makapag-ayos ka na ng iyong mga gamit at makapagpahinga pagkatapos,” nakangiting nagpaalam ang ginang kay Ellen.

Labis na pasasalamat ang nadarama ng dalaga sa ginang. Pinapatira lamang siya nito ng libre sa kanilang tahanan. Likas na mayaman daw kasi talaga ang angkan ng kanilang punong guro. Kung tutuusin ay hindi na kailangan pa ng ginang na magtrabaho pa. Sadyang mahal lang daw nito ang pagtuturo at likas na mahilig sa mga bata kaya naman pinili nitong magtrabaho pa rin.

Naging maayos ang buhay ni Ellen kasama ang ginang at ang pamilya nito. Ngunit lingid sa kaalaman ni Ellen ay matagal na pala siyang inoobserbahan ng ginang. Maganda, matalino at napakabait ni Ellen. Kahit sino man ay nagigiliw sa dalaga. Napaka-inosente din ng dalaga na nakadagdag pa sa magagandang katangian nito.

May anak na lalaki ang ginang na kasalukuyang nasa ibang bansa. At dahil nga sa sobrang natutuwa talaga siya kay Ellen, nais niya itong ipakasal sa nag-iisang anak niyang lalaki, ang kanyang panganay at unico hijong si Peter.

Isang araw ay bigla na lamang nagulat si Ellen ng may isang gwapong binata ang dumating sa bahay na tinutuluyan, galing nga raw ito sa ibang bansa. Bagama’t gwapo ito, hindi ito masyadong binigyan ng pansin ng dalaga. Inilaan lamang ng dalaga ang kanyang buong atensyon sa kanyang trabaho at sa kanyang responsibilidad sa kanyang pamilya.

Dumaan ang mga araw at napapansin niyang nagbubulungan ang mga tao sa tuwing siya ay dadaan. Naguguluhan man ay pinabayaan na lamang niya ito. Walang ideya ang dalaga na may kumakalat na palang chismis tungkol sa kanya at sa anak ng may-ari ng bahay na kanyang tinutuluyan.

“Ay oo nga, akala mo kung sinong mabait at inosente, napakahaliparot naman pala! Si Peter pa talaga ang naisipan niyang biktimahin, napakalandi naman talaga. Akala mo kung sinong maganda!” rinig ni Ellen mula sa isang katrabaho.

Nagtaka naman ang dalaga. May chismis palang kumakalat tungkol sa anak ng may-ari ng bahay na kanyang tinutuluyan. Sino naman kaya ang babaeng may lakas ng loob na biktimahin ang lalaking iyon? Sabagay, hindi niya rin naman masisisi ang babaeng iyon, talagang kakaiba nga naman si Peter. Mayaman, gwapo, matalino at mabait. Medyo may pagka-presko nga lang pero mabait naman ang ito.

“Oo nga. Sinasabi ko na nga ba at nasa loob ang kulo ng Ellen Sandoval na yan eh. Naku ha?!” nanggigil na sagot naman ng isa pang gurong kasama ng naunang nagsalita.

Nahulog naman ni Ellen ang kanyang mga dalang libro ng marinig ang kanyang pangalan na naging sanhi ng paglingon ng dalawang babae sa kanya. Para namang nakakita ng multo ang dalawa ng mapagtanto na nasa likod lang pala nila si Ellen. Agad na umalis ang mga ito at hindi makatingin sa kapwa guro.

Lumaganap na pala sa bayan ng San Isidro na nagsasama na sa iisang bahay na parang mag-asawa sina Ellen at Peter. Bagama’t walang katotohanan ay halos hindi na makalabas ng bahay si Ellen, dahil sa hiyang kanyang nadarama.

Saan man siya magpunta ay pinagbubulungan siya na para bang isa siyang makasalanan. Tinitiis na lamang ito ng dalaga. Panalangin niya lamang na sana hindi ito makarating sa kanyang mga magulang. Napaka konserbatibo pa naman ng kanyang pamilya pinagmulan.

“Ellen, alam kong napakahirap ng iyong pinagdaraanan ngayon. Hindi ko alam kung saan o sino ang nagsimula ng chismis na iyan pero nais ko lamang na malaman mo na ayoko ring masangkot ang karangalan ng aking pamilya sa ganyang mga bagay. Mayroon kaming pangalan na pinapangalagaan. Kaya naman kung mararapatin mo, nais mo bang magpakasal sa unico hijo ko?” Hindi makapaniwala si Ellen sa narinig mula sa kanilang punong guro.

“Po? Kasal?” Hindi makapaniwala at naguguluhang tanong ni Ellen sa ginang.

“Ang sabi ko, nais mo bang pakasalan ang aking unico hijong si Peter?” pag-uulit ng ginang sa kanyang sinabi. Hindi naman agad nakasagot ang dalaga kaya sinabihan nalang siya ng ginang na pag isipan niya na muna ng mabuti at sabihan nalang niya ito ng kanyang desisyon.

Lingid sa kaalaman ng dalaga ay ang punong guro talaga ang may pakana ng lahat. Ang ginang din ang may pasimuno ng chismis na kumalat. Nais kasi ng ginang na maging asawa ng unico hijo niya ang dalaga. Alam niyang mali ang kanyang ginawa ngunit gagawin niya ang lahat masigurado lamang na mapupunta sa mabuting babae ang kanyang pinakamamahal na anak.

Nais linisin ni Ellen ang kanyang pangalan. Dangal at karangalan niya ang nakataya sa desisyong kanyang gagawin. Alam niya rin na magagalit sa kanya ang kanyang pamilya sa oras na malaman ng mga ito ang chismis na kanyang nasangkutan, lalo na ang kanyang ama.

Pinag-isipang mabuti muna ni Ellen bago siya pumayag sa suhestyon ng kanilang punong guro. Wala naman siyang kasalukuyang nobyo, hindi na rin naman siya naniniwala sa konsepto ng pag-ibig dahil sa panlolokong ginawa sa kanya ng kanyang dating nobyo. Malilinis at maisasalba niya pa ang kanyang pangalan at ang pamilya ng kanyang mapapangasawa.

Namanhikan ang pamilya ni Peter sa pamilya ni Ellen at matapos lamang ang isang buwan ay ikinasal sila. Napakagarbo ng naging kasal nila at kung titignan ay parang masaya ang lahat. Nakangiti si Ellen pero wala siyang maramdaman.

Hindi naging madali ang kanilang pagsasama dahil naikasal silang dalawa na walang alam sa isa’t isa. Naging marangya ang buhay ni Ellen kasama ang asawa na si Peter, ngunit kalakip ng buhay na ito ay naranasan niya ring maliitin at laitin ng ibang mga kamag-anak ng lalaki. Ito ay dahil na rin na matagumpay man sa buhay sa murang edad, hindi maikakaila na galing pa rin siya sa isang mahirap na pamilya.

Hindi rin naman siya maigawang ipagtanggol ng asawa dahil sa sobrang bait ng lalaki at idinadaan nalang lahat sa biro. Lahat ay tiniis niya dahil ang lahat ng kanyang nararanasan ay bunga ng kanyang desisyong ginawa.

Ngunit lahat ay may hangganan, nang ipanganak ni Ellen ang kanyang panganay na anak, hindi niya man lang mahawakan ang bata. Ito ang unang apo sa pamilya kaya naman lahat ay nagigiliw rito. Hindi na nakayanan ni Ellen ang lahat ng hirap na kanyang nararanasan kaya lumayas siya sa bahay na iyon dala ang ilang gamit niya pati na ang anak niya.

Umuwi siya sa kanyang mga magulang at doon muna nanatili. Plano niyang takasan ang buhay na yun. Mabubuhay sila ng kanyang anak kahit silang dalawa lamang.

Ilang araw ring siyang pinupuntahan ng kanyang asawa sa bahay ng kanyang mga magulang, ngunit hindi niya ito binibigyan ng pagkakataon na makita siya. Para saan pa? Hindi nga siya maipagtanggol sa pamilya nito.

Hanggang sa isang araw, paggising niya ay nagulat na lamang siya ng makitang katabi niya na ito sa kama at nilalaro ang kanilang araw na katabi niya ring matulog.

“Anong gingawa mo rito?” Malamig niyang tanong sa asawa.

“Pinapasok ako ng ama mo. Nakwento din ng iyong ina ang iyong mga hinanaing,” tinitigan siya nito sa mata ay hinawakan ang kanyang dalawang kamay.

“Pasensya na kung napakarami kong pagkukulang. Pareho lang naman tayong naipit sa sitwasyon at kinakailangan panindigan ang pagpapakasal natin. Pero ngayon, hindi lang para sa ating anak, kundi para na rin sa ating dalawa, gusto ko sanang magsimula tayong muli,

Sa pagkakataong ito, piliin na natin ang mahalin ang isa’t isa. Pinapangako ko ring kahit anong mangyari ay ipagtatanggol ko kayo ng mga magiging mga anak natin,

Magiging mabuti akong asawa at anak. Bigyan mo lang ako ng isa pang pagkakataon,” tumulo naman ang mga luha sa mga mata ni Ellen at mahigpit na niyakap ang asawa.

Magmula ng araw na iyon, nagsimula sina Ellen at Peter ng panibagong buhay kasama ang kanilang anak na nasundan pa ng isa sa lumipas na taon. Tinupad ni Peter ang kanyang pangako kay Ellen at naging mabuting asawa at ama sa kanila.

Ipinagtatanggol na rin siya ng asawa sa tuwing may nagtatangkang mag-alipusta o mangmaliit sa kanya at sa kanilang pamilya. Sa tuwing may problema ay agad naman nila itong pinag-uusapan at nireresolba. Ito nga marahil ang naging susi ng masaya at tahimik na pagsasama nila Ellen at Peter.

Advertisement