
Hindi Pa Raw Siya Handang Magkaanak; Tinangka niyang Ipalaglag ang Batang Nasa Kaniyang Sinapupunan
Hating gabi na noon kayaʼt nasa kasarapan na ng kaniyang tulog si Dra. Mirasol, nang siya ay makarinig ng sunod-sunod na pagkatok at pagtawag sa labas ng kaniyang bahay.
Pupungas-pungas siyang bumangon upang silipin sa bintana ng kaniyang kuwarto kung sino ang taong nangangatok sa labas ng kaniyang bahay at nagulat siya nang makita ang disinueve anyos na pinsang si Ninay. Kung titingnan ito ay mababakas na matindi ang sakit na dinaranas nito dahil namimilipit ito habang sapo ang kaniyang puson. Biglang kumalabog ang puso ni Dra. Mirasol at nangamba siya para sa batang dinadala nito.
“Ninay! A-anong nangyayari? Halika! Pumasok ka rito!” aya niya sa kaniyang pinsan at iginiya ito papasok sa loob ng kaniyang bahay.
Nagulantang si Dra. Mirasol nang makitang panay ang agos ng dugo sa mga hita at binti nito! Mukha itong naaagasan!
“A-ate Mirasol, uminom po ako ng pampalaglag dahil hindi ko pa po kayang buhayin si Baby. Iniwan po kami ng tatay niya at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Tulungan mo po ako, Ate Mira!” ang hiyaw ni Ninay habang nagmamakaawa sa kaniya.
Lalong nagulantang si Dra. Mirasol sa kaniyang nalaman. Ang alam niyaʼy pitong buwan na ang dinadala nitong bata. Maagang nabuntis si Ninay ng nobyo nitong madalas niyang makitang nakatambay noon sa bayan, sa tapat ng lying-in clinic na kaniyang pagmamay-ari. Gustong mapailing ni Dra. Mirasol sa sinapit ng kaniyang nakababatang pinsan, ngunit imbes ay tinulungan niya ito.
“Humiga ka, Ninay,” kalmadong aniya sa pinsan nang makitang malapit nang lumabas ang anak nito.
Kabang-kaba si Dra. Mirasol habang pinaaanak ang nakababatang pinsan. Alam niyang mababa na ang tiyansang mabuhay ang sanggol sa sinapupunan nito, ngunit gagawin niya ang lahat upang ito ay iligtas.
Gusto niyang magalit sa kaniyang pinsang si Ninay dahil sa pagiging agresibo nito na nagdala rito sa ganitong sitwasyon, ngunit kailangan niya munang tulungan ito sa ngayon. Kung alam lang nito ang pakiramdam ng mga babaeng gustong magkaroon ng anak, ngunit kailan man ay hindi maaari, katulad na lamang ni Dra. Mirasol.
Baog si Dra. Mirasol at iyon ang dahilan kung bakit iniwan siya ng kaniyang asawang ngayon ay may panibago nang pamilya. Malungkot ang kaniyang buhay. Samantalang itong pinsan niyang si Ninay ay gusto pang itapon na lamang ang biyaya ng pagkakaroon ng supling!
Isang milagrong maituturing ang ginawang pagpapaanak ni Dra. Mirasol sa kaniyang pinsang si Ninay. Nabuhay ang bata!
“Pero, Ate, hindi ko pa rin siya kayang buhayin. Masakit man pong aminin pero ayaw ko nang magkaroon ng koneksyon sa batang iyan dahil naaalala ko lang ang tatay niya sa kaniya. Gusto ko po siyang ipaampon,” ani Ninay kay Dra. Mirasol na hindi na niya ikinabigla pa.
“Ako ang aampon sa bata,” sagot naman ng doktora, “bukod doon, pag handa ka na ay bukas palad ko siyang ipakikilala sa ʼyo bilang kaniyang tunay na ina. Alam kong nabibigla ka lang sa desisyon mo, Ninay, dahil bata ka pa. Pero nandito ako at handa akong tumulong sa inyo, lalo na sa bata.”
Pinangalanan ni Dra. Mirasol ang batang babaeng anak ng kaniyang pinsan, bilang Miracle. Tutal ay isa itong milagro para sa kaniya. Nagkasundo sila ni Ninay na talagang ipaaampon na nito sa kaniya ang bata na kalaunan ay ipinagpasiya niyang daanin pa rin sa legal na paraan.
Pinalaki ni Dra. Mirasol si Miracle nang buong kalinga at pagmamahal, ngunit hindi niya itinago rito ang totoo nitong katauhan. Nang ito ay magkaisip na, ipinasya ni Dra. Mirasol na ipakilala ito sa tunay na inang si Ninay na noon ay labis naman ang tuwa at pagsisisi sa puso. Tuwa, dahil lumaking maayos ang kaniyang anak sa puder ni Dra. Mirasol at pagsisisi dahil wala siya habang ito ay lumalaki dahil pinagtangkaan niya ang buhay nito noon.
“Isa kang tunay na bayani, Ate Mirasol. Sinagip mo ang anak ko, kahit ako mismong ina niyaʼy gusto siyang saktan. Wala po akong balak na kunin sa ʼyo ang anak ko dahil alam kong higit pa sa pagiging ina ang naging papel mo sa buhay niya. Gusto ko lang siyang dalaw-dalawin habang bumabawi ako, pwede ba?” naiiyak na tanong ni Ninay kay Dra. Mirasol na malugod namang tinanguan ng huli.
Nabuhay silang masaya at matiwasay. Pinatawad ni Miracle ang kaniyang tunay na ina dahil sa ginawa nito noon habang lalo naman niyang minahal ang kinagisnang ina.