Inday TrendingInday Trending
Sa Akin ang Ulo, Sa Iyo ang Katawan

Sa Akin ang Ulo, Sa Iyo ang Katawan

Tanghaling tapat sa maliit na baranggay ng Sto. Domingo, ngunit mas mainit ang tsismisan ng dalawang magkumareng sina Merced at Joy.

“Mars, narinig mo ba ang balita?” tanong ng aligaga sa tsismisan na si Merced.

“Alin? ‘Yong sa mag-asawa ba sa kabilang bahay?” sagot naman ng madalas nitong katsismisan na si Joy.

“Oo! Nahuli raw ng misis si mister sa isang restawran, habang magkahalikan! At aba, sabi ng source ko, imbes daw na magalit e tumabi pa raw doon sa dalawa’t sinabayan pang kumain ng hapunan. Parang wala raw nangyari,” bunyag ng tuwang-tuwang si Merced na animo’y maligaya sa pinagdadaanan ng ibang tao.

“‘Yan pa lang ba ang alam mo? Ano ka ba?! Huli ka na ba sa balita? Ang kabit, diyan na sa bahay nila nakatira. Aba, matindi talaga itong si Oscar!” sagot naman ni Joy.

Napatigil ang dalawa na kanilang pagkukwentuhan nang bigla na lamang dumaan si Oscar kasama ng isang magandang babae. Titig na titig ang mga tsismosa, at nang tuluyan nang makalagpas ay nagpatuloy ang dalawa.

“‘Yon nga! ‘Yon daw ‘yong babae ni Oscar,” bulalas ni Joy.

“Mas maganda at mas seksi pa si Patricia, ‘di ba? Bakit kaya siya pumapayag na harap-harapan siyang ginag*go ng mister niya at ng kabit nito?” nagtatakang tanong ni Merced.

“Baka ang usapan nila, kay misis ang ulo, sa kabit ang katawan!” tawang-tawang sagot ni Joy.

Katunayan, hindi na bago na palaging pinag-uusapan ng dalawang ito ang mag-asawang si Patricia at Oscar. Magmula nang lumipat ang mag-asawa doon sa Brgy. Sto. Domingo, sila na ang naging paboritong paksa sa tsismisan ng dalawa. Noong una, labis na inggit ang nararamdaman nila Merced at Joy kay Patricia dahil sa maganda, seksi, at makinis nitong itsura. Idagdag mo pa ang tila napakabuti at napakamapagmahal na asawang si Oscar. Nakakaangat din sa buhay ang mag-asawa dahil nagtatrabaho bilang dentista itong si Oscar, at isa namang businesswoman itong si Patricia. Bukod pa roon, parehong nanggaling sa may kayang pamilya ang dalawa.

Kaya’t ganoon na lang ang ligaya nila Merced at Joy nang marinig na nambababae itong si Oscar. Pakiwari nila, lumabas din ang tunay na kulay ng lalaki. Noon kasi’y hindi nila matanggap na masaya at nagmamahalan ang mag-asawa, habang sila’y madalas makapag-away sa kani-kanilang mga asawa.

Isang araw habang naglalakad si Patricia papasok ng kanilang bahay, natigilan siya nang marinig ang nagsisigawang mag-asawa na para bang nagkakapisikalan na. Dala ng takot ay napasilip ang babae sa bukas na tarangkahan ng kapitbahay, at doon niya nakita ang nag-aaway na mag-asawang si Merced at Raul.

“Merced! Tama na!” sigaw ni Patricia.

Noong una’y ayaw niyang mangialam dahil personal na away iyon ng mag-asawa, ngunit nang makita niya ang kaawa-awang lagay ng mister ni Merced ay ‘di na siya nag-alinlangan pa. Puro kalmot na kasi sa braso at mukha itong si Raul, at namumula na rin ang mukha sa kakasampal ni Merced sa kanya.

“Hoy! Anong ginagawa mo rito?! Bakit nangingialam ka?” bulyaw ni Merced nang makita si Patricia.

“Maawa ka sa asawa mo! Ni hindi nga lumalaban sa’yo kahit halatang nasasaktan na siya,” sagot ni Patricia. Napatigil siya nang bigla na lamang tumawa itong si Merced.

“Wow naman! May oras ka pang mangialam ng kapitbahay, e kung unahin mo ‘yong asawa mong haliparot? Akala mo kung sino kang perpekto? Tat*nga-t*nga ka naman!” palabang sabi ni Merced.

“A- ano kamo?” uutal-utal na sagot ni Patricia.

“Kahit na ganito ako sa asawa ko, hindi naman ako kagaya mong martir! May kabit na ang asawa mo, pinatira mo pa sa inyo?” nang-iinis na sabi ni Merced.

Sasagot pa sana si Patricia nang bigla na lamang sumulpot itong si Oscar.

“Anong sinasabi mo sa asawa ko? At anong pinagkakalat ninyo dito sa lugar natin? Wala ba kayong mga sarili buhay?!” galit na galit na sigaw ni Oscar.

Napag-alaman pala nito na numero-unong tiga-gawa ng tsisimis laban sa kanilang mag-asawa sina Merced at Joy.

“O bakit nagagalit ka? Kakaiba naman talaga kayo ha? Normal bang magkasama ang kabit at asawa?!” humahalakhak pang sabi ni Merced.

“Ang babaeng iyon… Biktima siya ng panggag*hasa ilang buwan pa lamang ang nakakaraan. Sa kasamaang palad, hindi nahuli ang nagkasala, at nagbunga ang kahayupan niya. Ngayon, kaya siya sa amin nakatira ay para maalagaan namin siya. Dahil napagkasunduan naming tatlo na kukukupkupin namin ang sanggol pagkapanganak niya. Para maipagpatuloy niya ang buhay niya bilang isang dalaga,” paliwanag ng umiiyak nang si Patricia. Wala kasi siyang kaalam-alam na ganoong tsismis na pala ang lumilibot sa kanilang lugar sa kabila ng kabutihan nilang mag-asawa.

Natahimik itong si Merced. Hindi rin makapaniwala si Joy, na kanina pa pala nakikinig doon sa may tarangkahan ng bahay.

“Walang buting naidudulot ang paninira sa kapwa. Kung gusto niyong umunlad, ayusin niyo muna ang buhay ninyo bago kayo mamuna ng buhay ng ibang tao,” wika ni Oscar sabay lakad palabas upang sundan ang asawa.

“At nga pala, ‘yang kabit ng mister mo? Sa akin sila nagpapagawa ng ngipin. Nanghihingi pa ng discount! ‘Di ba, Raul?” nakangising dagdag ni Oscar at saka tuluyan nang umalis.

Naiwan naman ang galit na galit na si Merced at ang takot na takot nitong asawang si Raul. Sa pakiki-tsismis niya sa ibang tao, hindi na pala namalayan ni Merced na sariling mister niya na pala ang may ibang ginagawang kababalaghan.

Naging aral kay Joy, at lalo na kay Merced, na huwag mangingialam sa buhay ng ibang tao lalo na’t kung hindi mo sila gaanong kilala. Ang mas maganda ay pagtuunan ng pansin ang sarili upang mapaunlad at mapaganda ang sariling buhay.

Advertisement