Pinagbintangan ng Babaeng Magnanakaw ang Taxi Driver, Halos Lumuhod Siya Dito nang Malaman ang Katotohanan
Dalawampung taon nang taxi driver si Mang Edgar. Ang hanapbuhay nyang ito ang bumuhay sa kanyang pamilya at ngayo’y nagpapaaral sa mga anak niya. Mayroon na siyang isang kolehiyo na ga-graduate sa susunod na taon, dalawang high school student at isang nasa grade 6. Ang kanyang misis ay simpleng may bahay na nagtayo ng maliit na sari-sari store nang makaipon ng pang puhunan.
Igagarahe na sana ni Mang Edgar ang taxi dahil pasado alas diyes na ng gabi nang matanaw niya ang isang babaeng pumapara, dahil likas na mabait ang matanda ay natakot siyang baka kung mapano ito kung hindi niya pa ihahatid.
Kawawa naman ang dalaga, dis oras pa naman ng gabi, sa isip-isip ng matandang driver.
“Saan po kayo ma’am?” magalang na tanong niya rito.
“Hatid mo ko sa Avenida,” mataray na wika nito at di man lang siya tinapunan ng tingin, tutok lang sa cellphone. Parang medyo nakainom pa ang babae.
Pinaandar na ng matanda ang sasakyan at sinimulang tahakin ang daan pa-Avenida.
“Kuya baka naman peke-in mo pa ang metro ha.” mapagdudang sabi nito.
“Hindi po ma’am, maayos pong gumagana ang metro ko.” matapat na sagot naman niya, kahit kailan ay di niya naisip na manloko ng kapwa.
Dahil kabisado na ni Mang Edgar ang daan at wala nang traffic sa mga oras na iyon ay mabilis niyang naihatid ang babae sa paroroonan nito.
Nakapasok na sa loob ng kwarto niya si Ellaine nang mapansin niyang wala ang kanyang wallet. Ang ibinayad niya kanina sa taxi ay hinugot niya lamang sa bulsa ng kanyang bag, dahil mababaw ang bulsa ng suot niyang pantalon ay malamang na nahulog ang pitaka sa taxi. Agad siyang tumakbo palabas, sayang din ang 5000 pesos na laman noon, buti na lang di siya naglalagay ng ID kung hindi ay malaking perwisyo pa dahil mapipilitan siyang kumuha nanaman ulit ng mga iyon.
Paglabas niya sa gate ng kanilang bahay ay wala na ang taxi, anak ng…. MAGNANAKAW!!!
Napapadyak sa inis ang babae, bakit ba hinayaan niyang maisahan siya ng matandang manlolokong yon?! Sinasabi na nga ba niya, ang mga ganyang hamak na driver ay mapagsamantala, siguro ay pagod kasi siya at halatang lasing kaya naisip ng matanda na madali siyang utuin! Buti na lang ay natandaan niya ang mukha nito at ang pangalan ng taxi company na nakatatak sa labas ng sasakyan nito. Pupuntahan niya iyon para ipahiya ang matanda, mali ito ng napiling lokohin!
Dahil sa internet ay madaling nahanap ni Ellaine ang kinaroroonan ng taxi company, sinuswerte talaga siya dahil malapit lang pala iyon sa bahay nila. Madaling araw pa lang ay pumunta na siya roon, alam niyang maagang bumabyahe ang mga ito kaya tye-tyempuhan niya ang matanda para di siya matakasan. Wais yata siya! Kung akala nitong makakatakas ito sa kanya, puwes mali ito.
Naabutan niya ang matandang lalaki na may inaayos sa likurang upuan ng taxi nito, maya-maya pa ay pumwesto na sa unahan at akmang magmamaneho na palayo. Tumakbo sya palapit at agad na malakas na kinatok nang sunud-sunod ang bintana ng sasakyan.
“Hoy! Magnanakaw! Labas! Lumabas ka dyan!” sigaw niya agad dahilan upang mapukaw ang atensyon ng iba pang driver na naroon. Gulat man ay pilit na minumukhaan siya ng matanda, agad na nagliwanag ang mukha nito nang makilala kung sino sya.
“Ah! Miss, kayo ho iyong pasahero ko kagabi?” magalang na sabi nito.
“Oo! Ako yung ninakawan at tinakbuhan mo. Kapal mo rin kuya no? Ang tanda-tanda mo na ang likot pa ng kamay mo. No wonder wala kang nararating sa buhay, hanggang taxi driver ka na lang kasi ganyan ka. Akala mo sa pagnanakaw mo yayaman ka? Hindi! Sisirain ko ang reputasyon mo at ipagkakalat ko sa lahat na magnanakaw ka dahil iyon ang totoo!” sunud sunod na bulyaw niya rito.
Napangiwi naman ang ibang nakakarinig, ang ilan ay napapailing dahil sa sakit ng mga salitang binibitiwan ng babae. Hindi man direktang sinasabi sa kanila ang mga katagang iyon ay tila ba tinatamaan na rin sila, dahil pare-pareho silang driver ‘lang’ ayon dito.
“Ma’am hayaan nyo muna po akong-” magpapaliwanag ang matanda pero di na naituloy dahil nagsalita na muli si Ellaine.
“Magpaliwanag? Ano’ng ipapaliwanag mo? Kung ako sayo manahimik ka. Buti nga pinapahiya na lang kita, pag ako na-bwisit sayo ipakulong pa kita dyan eh! Bwisit ka, bwisit! Salot sa lipunan. Matandang walang pinagkatandaan, tumatanda paurong!” hiyaw niya sa galit bago nagmartsa palayo sa lugar na iyon. Lumuwag ang dibdib niya, bawing bawi na siya sa ginawa nito.
Pagbukas niya ng gate, agad siyang sinalubong ng kanilang kasambahay.
“Vicvic kuha mo akong tubig na-highblood ako.” mataray na sabi niya rito. Agad tumalima ang kasambahay at pagbalik nito ay may dala nang isang basong tubig, habang umiinom si Ellaine ay nagsalita ito.
“Ate Laine, wallet mo po pala. Hatinggabi na nang bumalik ang taxi driver na matanda rito, tawag ng tawag sa gate. Buti nga po nagtapon ako ng basura kaya gising pa ako nun. Ginigising po kita pero tulog kana yata.” sabi nito sabay abot sa wallet niya.
Naibuga ni Ellaine ang iniinom.”Ano?!”
“Pasensya na raw po ‘te kasi di nya napansin agad na naiwan mo. Mga alas dose ho siguro yun.” sabi ng kasambahay.
Napatulala si Ellaine, napakalaking kasalanan ang kanyang ginawa.
Makalipas ang isang linggo ay bumalik siya sa station ng taxi, may dala dalang cake. Inabutan niyang naroon ang matanda at nag aalmusal kasama ang mga kapwa nito driver. Nang makita siya ng ilan ay agad itong nagbulungan.
“Sir, sorry po..” mahinang sabi niya sabay abot rito ng cake.
“Ma’am naku! Wala na ho iyon sa akin.. Sana lang po ay matuto kayong magtiwala sa kapwa, hindi po lahat ng tao ay manloloko.” nakangiting sabi nito. Napapahiyang ngumiti rin si Ellaine at umalis na sa lugar na iyon, baon ang isang napakahalagang aral na hinding hindi niya malilimutan.
sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.