Inday TrendingInday Trending
Panay ang Pagpupuyat at Panonood ng Horror ng Binatilyo, May Nakakatakot Pala Itong Epekto

Panay ang Pagpupuyat at Panonood ng Horror ng Binatilyo, May Nakakatakot Pala Itong Epekto

Tanghali na ay babad pa rin sa pagtulog si Geoff. Matakaw kasi sa tulog ang binatilyo kaya palaging napapagalitan ng kanyang inang si Aling Idang.

“Hoy, ano ka bang bata ka, kundi pa kita tatawagin ay hindi ka pa kikilos riyan!” inis na sigaw ng ina.

Nakailang balik na kasi ito sa kuwarto ng anak para gisingin ito pero nakababad pa rin sa higaan ang binatilyo.

Pakiramdan ni Geoff ay napakabigat ng katawan niya. Mataas na ang sikat ng araw ay wala pa rin siyang ganang bumangon sa kama. Kulang na lang ay dumikit sa higaan ang katawan niya kaya umaatikabong bulyaw at sermon na naman ang inabot niya sa ina.

“Ayan kasi, panay ang panonood mo ng horror sa gabi at nagpupuyat ka pa kaya nahihirapan kang bumangon!” sermon ni Aling Idang.

“Minsan lang naman, inay! Saka tuwing Sabado lang naman ako nagpupuyat!” katuwiran niya.

“Anong Sabado, e araw-araw kang ganyan mula nang magbakasyon kayo sa klase! Ewan ko ba sa iyong bata ka, panay ang pagpupuyat mo! Sige ka, baka sa paglalakad mo sa labas ay mangyari lahat ng pinapanood mong nakakatakot, dala ng sobrang pagpupuyat mo at masiraan ka ng bait!”

“Inay naman!” aniya habang humihigop ng mainit na kape.

“Nga pala, pagkatapos mong mag-almusal ay sunduin mo si Mang Lando na tubero at nagloloko na naman ang gripo natin sa banyo,” utos ni Aling Idang.

Napakalayo ng bahay ng matandang tuberong si Mang Lando. Kailangan pa niyang tawirin ang mahabang latian para marating ang maliit na kubol kung saan ito naninirahan. Kung hindi kasi niya susundin ang utos ng ina ay maghapon itong magngangangawa.

“Hay, kapag minamalas ka nga naman! Inaantok pa ako, e!” inis niyang sabi sa sarili.

Lumabas na si Geoff para puntahan ang bahay ng tubero. Mahaba-haba rin ang lalakarin niya. Hindi pa man niya nararating ang lugar ay pagod na pagod na siya dahil sa mainit na panahon.

Maya-maya, sa kung sa anong dahilan ay parang naliligaw siya. Sa kanyang paningin ay parang hindi na isang latian ang binabagtas niya kundi isang sementeryo.

“Teka, naliligaw ba ako?” tanong niya sa sarili.

Biglang natakot si Geoff nang gumana ang malikot niyang imahinasyon.

Hindi niya namalayan na nakita na lamang niya ang sarili na nakatayo sa harap ng pinto ng isang abandonadong bahay. Pinagmasdan niyang mabuti, hindi iyon ang bahay ni Mang Lando.

‘Tao po…tao po…: bigla siyang kumatok sa pinto ng abandonadong bahay sa gitna ng sementeryo.

Walang sumagot. Walang tao pero may narinig siyang umuungol. Sumilip siya sa siwang ng pinto. Nagulat pa siya nang bumukas iyon at laking gulat niya nang makita sa sahig ang putol-putol na katawan ng bangkay ng isang babae.

“Bangkaay, may bangkaayy!!!” sigaw niya.

Napatakbo siya sa labas. Kung iyon ay isang panaginip ay gusto na niyang idilat ang mga mata. Gusto na niyang magising.

“Dyuskopo! Sana panaginip lang ang lahat ng ito!” aniya.

Huli na nang namalayan niya na napasalampak na pala siya sa putik sa sobrang takot at hindi namalayang napaihi na siya sa suot na shorts.

‘Totoo ba ang nakita ko, totoo bang may bangkay?” naguguluhan pa ring tanong sa sarili.

Nang lingunin niya ang abandonadong bahay ay bigla itong naglaho. At nang pagmasdan ang paligid ay nakabalik na ulit siya sa latian.

“Nawala? Teka, di kaya ay epekto ito ng pagpupuyat ko sa gabi at panonood ng nakakatakot na palabas?”

Kung ano-ano na kasi ang nakikita niya. Ginalaw-galaw niya ang kanyang ulo at kinurot-kurot ang pisngi. Hindi siya nananaginip at gising na gising siya.

Tumayo si Geoff at ipinagpag ang putik na kumapit sa kanyang damit at ipinagpatuloy ang paglalakad para makarating sa bahay ni Mang Lando.

Sa wakas ay narating din niya ang pakay. Napansin ni Geoff na tila tahimik sa loob niyon at walang tao.

“Mang Lando..Mang Lando…” tawag ng binatilyo, nasa labas na siya ng bahay ng tubero.

Wala man lang sumagot sa tawag niya. Pero may nadinig siyang kumaluskos.

Saglit pa ay may narinig siyang tunog na parang may hinahasang kung ano. Nakakangilo iyon.

“Mang Lando…Mang Lando…nariyan po ba kayo?” patuloy niyang tawag.

Bakit nga ba siya ayaw sagutin ng matanda?

Saglit pa ay may narinig siyang sigaw sa loob ng bahay.

“Mang Lando…lumabas kayo…ano po bang nangyayari diyan?” sigaw niya.

Nang biglang umingit ang pinto ay bumungad sa kanya ang duguang mukha ni Mang Lando.

“Ano pong nangyari sa inyo? Bakit po puro dugo ang mukha niyo?” nag-aalalang tanong sa matanda.

Ngunit hindi sumagot ang matanda. Tahimik lang ito at halatang takot na takot.

“Sumagot kayo, Mang Lando… Bakit parang takot na takot kayo?”

Muli niyang narinig ang tunog ng hinahasang bagay, kundi siya nagkakamali ay parang matalim na bagay.

Kinabahan na siya kaya hinila niya ang matanda palabas ng bahay at nagsisigaw.

“Tayo na po, Mang Lando! Tumakas na tayo!” sigaw niya.

At kasunod niyon ay lumabas sa kusina ang isang lalaking naka-maskara. May hawak itong malaking itak at punong-puno ng dugo ang buong katawan. Doon niya napagtanto na ang lalaking iyon ay ang killer na napanood niya sa nagdaang gabi. Hindi siya makapaniwalang buhay na buhay ang killer na nakahandang paslangin sila anumang oras.

Nang biglang tumunong ng ubod lakas ang alarm clock.

Napabalikwas ng bagon si Geoff. Pawisan at hinahabol ang hininga. Panaginip lang pala ang lahat.

“Hoy, Geoff, ano na, gising ka na ba?” Kanina pa kita kinakatok sa kuwarto mo!” sigaw ni Aling Idang.

Paglabas niya sa kuwarto ay niyakap niya ng mahigpit ang ina.

“Inay, akala ko totoo na!” sambit niya.

“Ano, nanaginip ka ng nakakatakot ‘no? Sinabi na sa iyo na hindi maganda ang epekto ng sobrang pagpupuyat at panonood mo ng horror. Kung ano-ano tuloy ang napapanaginipan mong bata ka!”

“Sorry na po, inay! Hindi po na ako magpupuyat, promise!”

Sinunod naman ni Geoff ang payo ng nanay niya na hindi na magpuyat. Hindi na rin siya nanonood ng nakakatakot na palabas bago matulog. Ayaw na niyang mapanaginipan ang nakakatakot na killer.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliraninat karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement