Inday TrendingInday Trending
Nahuli ng OFW ang Asawa at Kapatid na May Ginagawang Kababalaghan; Naging Impyerno ang Buhay ng Dalawa dahil Dito

Nahuli ng OFW ang Asawa at Kapatid na May Ginagawang Kababalaghan; Naging Impyerno ang Buhay ng Dalawa dahil Dito

Anim na taon na si Tessie sa Dubai at nagtatrabaho roon bilang isang domestic helper, sinuwerte siya dahil mabait ang naging amo niya at parang pamilya na rin ang turing sa kanya. Ang dalawa niyang alagang bata ay malapit sa kanya, hindi niya naman kasi itinuturing na iba ang dalawa. Todo tutok siya rito- para kasing nakikita niya ang dalawang anak na naiwan niya sa Pilipinas na kasing edad lamang ng mga ito.

“Tessie, how old is your baby?” tanong ng isa niyang alaga.

“Same as your age Diana,” nakangiting sabi ng bata. Habang abala ang kanyang dalawang alaga ay sinubukan ni Tessie na tawagan ang mag-aama niya sa Pilipinas. Hindi niya kasi ma-contact ang mga ito kanina pa, iniisip niyang busy lang dahil mag-isa ang mister niyang si Lambert na iniwan niyang mag-alaga sa dalawang bata. Buti nalang ay malapit lang ito sa bahay ng kanyang ate kaya natutulungan ng babae ang kanyang mister sa mga bata. Napangiti pa siya nang maalala ang sorpresa niya, hindi siya nakauwi noong Pasko pero pinayagan siya ng amo niya na bumalik sa Pilipinas sa isang araw. Isang buwan siyang mananatili roon.

Samantala, inayos ni Gina ang pagkakasuot ng kanyang bra. Siya ang nakatatandang kapatid ni Tessie, limang taon ang pagitan nila. Dahan-dahan pa siyang lumabas sa kwarto, hindi maaaring may makakita sa kanya na nagmula roon. Maya-maya lang ay darating na ang mga pamangkin niya mula sa eskwela.

“Dito ka muna,” sabi ni Lambert sa kanya, niyakap siya nito mula sa likuran.

“G*go! Mamaya dumating yung mga bata,” kinakabahan pero nakangising sabi niya.

Lingid sa kaalaman ni Tessie ay dalawang taon na siyang niloloko ng dalawa dahil may relasyon ang mga ito. Sino nga ba naman ang maghihinala? Parang napakabait ng ate niya at ang pagpunta nito sa kanila ay bilang tulong lamang sa asawa niyang mag-alaga dahil nakatatandang kapatid niya ito. Iyon pala ay marami nang kalaswaang ginagawa ang mga ito, minsan nga, kahit nagbabakasyon sa Pilipinas si Tessie ay palihim pa ring nagkikita ang dalawa. Nagseselos rin ang ate niya sa kanya, ayaw nitong nakikitang nakaakbay si Lambert kaya pa-simple iyong inaalis ng lalaki at nagdadahilan na lamang na naiilang siya sa Ate kaya lumalayo siya.

“Nagpadala na ba si Tessie?” tanong ni Gina sa lalaki, para kasing gusto niyang bumili ng lipstick na pinapa-order ng kapitbahay nila.

“Mamaya pa siguro. Di ko nasagot yung tawag nya eh, ang landi-landi mo kasi. Di ko tuloy alam kung nakapagpadala na siya.” sabi ni Lambert.

“O dali na tawagan mo na. Okay lang sa akin kahit lambing lambingin mo, basta utuin mo para magpadala na agad,” sabi niya sa lalaki at iniabot pa rito ang cellphone, tumalima naman ito.

Ang totoo kasi, halos sa luho lamang ng dalawa napupunta ang ipinapadala ni Tessie. Tinitipid ng mga ito ang mga anak niya para ang pera ay maipanglakwatsa nila. Sa mall, sa motel, kahit na saan. Nakakabili rin si Gina ng mga bagong sapatos at bag dahil sa padala ng kapatid.

Mabilis lumipas ang araw at nakalapag na ang eroplanong sinasakyan ni Tessie sa Pilipinas. Pinili niyang tuluyan nang ilihim sa mister ang pag-uwi niyang ito, para kasing mas nakaka-sorpresa kung bigla na lamang siyang susulpot sa harap ng bahay nila. Sinipat niya ang relong suot, alas tres pa lamang ng hapon. Wala pa ang mga bata sa bahay dahil alas singko ang labas ng mga ito sa eskwela, susunduin niya na lamang mamaya kasama ang asawa niya upang masorpresa niya rin ang mga anak.

Excited na binuksan ni Tessie dahan-dahan ang pintuan ng kanilang bahay, buti nalang ay hindi naka-lock. Napangiti pa siya nang makitang may tsinelas ng babae roon, ang bait talaga ng kanyang ate Gina. Pero agad na napawi ang ngiti niya nang marinig ang malanding tawa ng isang babae.

“Tignan mo, ang tanga tanga! Isang sabi mo lang padala agad siya, di niya alam sa akin napupunta. Syempre, kasi diba mas magaling ako..diba honey?” malakas na sabi nito.

Sinundan ni Tessie ang tinig na nagmumula sa kwarto, napakalakas ng tibok ng puso niya.

“Oo naman. Sabi sayo, kung hindi lang naga-abroad iyan edi iniwan ko na,” sabi naman ng kanyang asawa. Itinulak ni Tessie ang pintuan at halos mahimatay siya sa nakita.

Nakahubad ang kanyang asawa at ang ate Gina niya sa kama. Parang nakakita ng multo ang dalawa nang mapansin siya, parehong kumurap kurap pa na tila kinukumpirma kung totoo nga ba ang nakikita ng mga ito.

“Lumayas kayo rito,” nagtitimping sabi ni Tessie. Ayaw niyang mag eskandalo dahil iniisip niya pa rin ang kahihiyan ng kanyang mga anak. Walang imik na nagdamit ang dalawa at umalis na roon, nagtangka pang magmakaawa si Lambert pero isang malakas na sampal lamang ang inabot nito sa kanya.

Makalipas ang ilang taon.

“Goodmorning mama!” masayang bati ng panganay na anak ni Tessie, kasalukuyan niyang inihahanda ang baon nito sa eskwela. Maya-maya lang ay darating na ang school bus ng bata para sunduin ito.

Akala ni Tessie ay gumuho na ang lahat nang malaman niyang niloloko siya ng asawa at kapatid limang taon na ang nakalilipas pero pagsubok lang pala iyon. Buti na lamang at kahit paano ay may naipon siya, nang magpaalam siya sa mga mababait na amo ay ayaw sana siyang payagan ng mga ito. Pero sinabi niya ang kanyang sitwasyon at walang magbabantay sa mga anak niya at nang malaman ng mga ito ang kanyang pinagdaanan ay binigyan siya ng malaking pera, tulong na rin daw at bilang ganti sa pagiging mabuti niya.

Iyon ang ginamit niyang puhunan upang bumili ng tatlong van na ipinapasada ng mga nakuha niyang driver papuntang Maynila, dahil maganda ang negosyo ay nadagdagan na iyon at sa ngayon ay may sampung Van na siya. Nakapagpatayo na rin si Tessie ng magandang bahay sa loob ng isang subdivision. Ang huling balita nya ay nagsama na raw si Lambert at ang kanyang ate Gina, nakakagulat pero wala siyang maramdamang galit sa mga ito. Ipinagpasa-Diyos na lamang niya ang nangyari.

Nagising mula sa pagkakatulala si Tessie nang bumusina ang school bus ng kanyang anak sa tapat ng gate ng bahay niya, kaya naman tinulungan niya itong magbitbit ng bag at inihatid na sa labas. Nang makaalis ang school bus ay papasok na sana si Tessie nang marinig niyang may tumawag sa kanyang pangalan. Paglingon niya ay nakumpirma niya ang hinala, hindi siya nagkamali..

Ang kanyang ate.

Tinitigan niya lamang ito, marumi ang suot ng babae at halatang hirap ito sa buhay. May bitbit itong bata na sa tingin niya ay tatlong taong gulang, nangayayat ito at maitim ang paligid ng mga mata.

Sandaling tumalikod si Tessie, hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. Pumasok siya sa loob ng bahay at may kinuha roon. Si Gina naman ay nag aalangan kung aalis na ba o hindi, nais niyang humingi ng tawad sa kapatid dahil sa kasalanan niya, pinagbayaran niya na lahat iyon. Naging impyerno ang buhay niya kay Lambert, matapos siyang mabuntis ay iniwan rin siya nito at sumama sa iba. Noon niya lamang naisip ang lahat ng sakripisyo ng kapatid para sa kanya. Tatalikod na sana siya, hindi na siguro siya mapapatawad pa ni Tessie.

“Ate.”

Agad lumingon si Gina nang tawagin siya nito. Lumapit si Tessie at inihanda na ni Gina ang kanyang sarili para sa isang sampal pero sa halip ay hinaplos ng babae ang mukha ng kanyang anak, parang pinipigil rin nitong maiyak. Iniabot nito sa kanya ang isang sobre at pagsilip ni Gina ay maraming pera ang laman noon.

“T-Tessie hindi ito ang ipinunta ko dito gusto kong-“

“Hindi iyan para sa’yo. Para yan sa pamangkin ko. Magsimula ka ulit, ayusin mo ang buhay mo.” sabi ng babae sa kanya.

Tuluyan nang napaluha si Gina, sa kabila ng lahat ay kabutihan pa rin ang nanaig sa kapatid niya. Sana, dumating ang oras na maibalik sa dati ang lahat. Alam niya kung gaano kalalim ang sugat na naihatid niya sa kapatid at handa niya iyong pagbayaran habambuhay.

Advertisement