Inday TrendingInday Trending
Gusto ng Lalaking Ito ang Isa sa Kambal Kaya’t Nagpatulong Siya sa Kapatid Nito, Isang Lihim Ang Mabubunyag na Dahilan Para Hindi Matuloy ang Panliligaw Niya

Gusto ng Lalaking Ito ang Isa sa Kambal Kaya’t Nagpatulong Siya sa Kapatid Nito, Isang Lihim Ang Mabubunyag na Dahilan Para Hindi Matuloy ang Panliligaw Niya

Wala atang hindi natutuwa sa magkakambal na si Jenny at Jane. Bukod sa sila’y napakabibo, parehas na maganda at parehas pa silang matalino.

Noong sila’y bata pa, palaging naisasali ang kambal sa mga patimpalak sa kanilang eskwelahan.

Magkamukhang-magkamukha ang dalawa, at halos parehas sila sa mga hilig. Sa iisang bagay lamang sila nagkakaiba.

Kung si Jenny ang magaling kumanta, si Jane naman ang magaling sa pagsayaw.

Noong sila’y naging kolehiyo na, mas dumami ang bilang ng kanilang mga tiga-hanga.

Simple man ang kanilang kagandahan pero pansin na pansin ito!

Pero sa lahat ng mga nagsubok manligaw sa kanila, ay wala pa rin silang natitipuhan.

Ang gusto ni Jenny ay ang mga lalaking tahimik at magaling. Para naman kay Jane gusto niya ang makulit at palagi siyang napapatawa.

Isang araw, habang nasa praktis ng sayaw si Jane ay nilapitan siya ng kanyang lalaking kaibigan na si Efren.

“Uy Jane, buti naman nakarating ka ngayon sa praktis, akala ko maghahanap ka na naman ng magiging nobyo mo eh,” pang-aasar ng kaibigan.

“Ewan ko sayo, huy!” sabay bato ng kanyang bote na may laman pang kaunting tubig sa binata. “Baka ikaw ang naghahanap ng magkakagusto sa’yo!”

“Ang totoo niyan, gusto talaga kitang kausapin tungkol doon,” ani Efren.

“Tungkol saan?” sagot ng dalaga.

“Tungkol sana sa babaeng nagugustuhan ko,” sagot ng binata.

“Oh, eh anong meron sa nagugustuhan mong babae?” wika ng dalaga.

Halatang nahihiyang magsalita ang binata kaya’t pilit niyang hinanap ang kanyang lakas ng loob bago sabihin ang totoo.

“Gustong-gusto ko kasi ang kapatid mong si Jenny. Kaya please, please, tulungan mo akong mapalapit sa kanya,” pagmamakaawa ng binata.

Napaisip ang dalaga ngunit napapayag rin siya ni Efren sa huli. Gusto rin itong gawin ni Jane dahil mabait na tao naman ang kanyang kaibigan at may tiwala siyang hindi sasaktan ni Efren ang kanyang kapatid.

Noong una ay palaging hindi napapansin ng dalaga si Efren. Pero habang tumatagal ay naiintindihan na niya kung bakit botong-boto ang kanyang kapatid sa lalaking ito.

Patuloy na naging malapit ang dalawa sa isa’t isa. Sa bawat pagkikita ni Jenny at Efren ay si Jane ay ang nanatiling tulay.

Ngunit sa kanilang pagiging malapit ay mayroon palang isang palaging nakatingin sa kanila na unti-unting nakaramdam ng sakit – si Jane. Unti-unting naamin ni Jane sa kanyang sarili na matagal na siyang may gusto kay Efren ngunit pinipigilan lamang niya ang kanyang damdamin.

Ngayon, tuwing nagkikita niyang magkasama ang kanyang kapatid at ang gusto niyang si Efren, ay nalulungkot ang dalaga kaya naman siya na mismo ang kusang umiiwas.

Napansin ito ng kanyang kapatid na si Jenny.

Kaya naman minabuti niyang kausapin ang kapatid.

“Jane, usap tayo,” nakangiting sabi niya.

“Oh bakit Jenny, may problema ka ba?” ani Jane.

“Kambal tayo Jane, alam kong alam mo kung anong problema ko. Ikaw ang pinoproblema ko. Ayaw kong nakikita kang ganyan, na malungkot,” nakasimangot na sabi ni Jenny.

Napayuko na lamang si Jane dahil pilit pa rin niyang itinatanggi sa kanyang puso at isipan ang katotohanan na nahulog na ang loob niya kay Efren.

“Pwedeng-pwede mong sabihin sa akin ang mga nararamdaman mo, ano pa’t naging kambal tayo kung hindi naman tayo magsasabihan,” dagdag ni Jenny.

“Wala ito, wag mo nalang akong pansinin,” sabi ni Jane at mabilis na lamang siyang umalis.

Kaya naman, naisip ni Jenny na si Efren na lamang ang kausapin tungkol dito.

“May sasabihin sana ako sayo, pero sana huwag kang magagalit,” sabi ni Jenny.

“Sige. Ano ba yun?” tanong ni Efren.

“Pinilit ko namang gustuhin ka, ngunit pakiramdam ko ay hindi talaga tayo bagay,” ani Jenny.

“Naku, Jenny! Huwag kang mag-aalala, hindi ako magagalit sayo dahil sa sinabi mo. Sa katunayan nga, may gusto rin sana akong aminin,” ani Efren.

“Ano iyon?” nagtatakang tanong ni Jenny.

“Ang totoo niyan, oo talagang nagustuhan kita. Pero tuwing magkasama tayo ay naaalala ko ang kapatid mo. Lagi kasing tawa ng tawa yun sa mga joke ko. Tapos, habang patagal na patagal na hindi ko siya masyadong nakakasama ay mas naiisip ko siya. Ngayon, na sinabi mo yan sa akin, mas lalo kong nakumpirma na nahulog na nga ako ng tuluyan sa kapatid mo,” nakangiting sabi ni Efren.

“Alam mo, dapat hindi mo sa’kin ‘yan sinasabi. Ano pa bang inaantay mo at puntahan mo na si Jane sa bahay namin bilisan mo!” natatawang sabi ni Jenny.

At mabilis ngang nakarating si Efren sa bahay ng kambal. Doon, nakita niya si Jane sa kanilang sala, mag-isa, at nag-iisip-isip lang.

Hindi nagdalawang isip ang binata na yakapin ang dalaga. At bumulong ito ng, “Hayaan mo lang muna akong yakapin ka. Huwag kang mag-alala, nagkausap na kami ni Jenny.”

“Ha? Hindi ko maintindihan, akala ko okay naman kayo ng kapatid ko?” nagtatakang tanong ni Jane.

“Oo, ayos naman kami ng kapatid mo. Pero, sabi rin ni Jenny, mas bagay nga talaga tayo,” nakangiting sabi ni Efren habang yakap-yakap parin si Jane.

Iyon din ang araw na inamin ni Jane ang tunay niyang nararamdaman para kay Efren.

Naging masaya ang lahat dahil nagkatuluyan ang dapat na magkatuluyan.

Tuwang-tuwa rin naman si Jenny dahil nakikita niyang masaya ang kanyang kapatid.

Ngayon, itong si Jane at Efren ay naghahanap naman ng magiging nobyo ni Jenny!

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement