
Iniahon ng Lalaki ang Nakilalang Dalagita Mula sa Kinasasadlakang Sitwasyon; Ito ang Naging Ganito Nito
Nakilala ni Nestor si Amy noong 16 na taong gulang pa lamang ito, na nagtatrabaho noon sa isang beerhouse bilang serbidora. Si Nestor ay 26 na taong gulang noon, isang ordinaryong manggagawa sa isang pabrika ng candy. Hindi siya nakatapos ng hayskul dahil sa maagang responsibilidad sa pamilya. Unang kita pa lamang ni Nestor kay Amy, tila binihag na nito ang puso nito, at tila ganoon din naman si Amy sa kaniya. Kaya nang inaya niya itong lumabas kasama niya, hindi na ito nagpatumpik-tumpik pa.
“Isa lang ang hiling ko sa iyo, Amy. Umalis ka na sa trabahong ito. Kaya naman kitang buhayin. Tapos na ang responsibilidad ko sa mga kapatid ko. Wala na akong masyadong pasanin. Ikaw ang gusto kong alagaan,” sabi ni Nestor noon kay Amy.
Pumayag naman si Amy at nagsama na sila sa iisang bubong ni Nestor. Ulilang-lubos na pala si Amy, at napunta sa poder ng kaniyang tiyuhin. Nakaranas ng pagsasamantala si Amy sa kamay ng kaniyang tiyuhin, kaya lumayas ito at nagtungo nga sa Maynila, hanggang sa mapadpad sa naturang beerhouse kung saan siya nakilala ni Nestor.
Subalit kahit hindi nakatapos ng kaniyang pag-aaral si Nestor, nagsakripisyo upang bigyang-daan ang magandang kapalaran ng kaniyang mga nakababatang kapatid, alam niya ang panganib na maaaring idulot ng pakikipagrelasyon niya kay Amy. Sampung taon ang agwat ng kanilang mga gulang. Isa pa, menor de edad pa lamang si Amy, bagama’t wala sa hitsura nito. Kaedad lamang ito ng kaniyang mga nakababatang kapatid na babae, at hindi niya maatim na bigyan kaagad ng responsibilidad si Amy sa pagiging isang ina. Alam niyang mahirap na manakawan kaagad ng laya ng pagiging tinedyer sa maagang pagpasan sa balikat ng mga obligasyon sa pamilya.
“Mag-aral ka sa kolehiyo. Akong bahala sa mga gastusin,” sabi ni Nestor.
“Huwag na. Buntisin mo na lamang ako. Gusto ko na magkaanak,” pagtutol naman ni Amy.
“Hindi. Ayoko. Gusto ko buuin mo ang mga pangarap mo. Mahirap maging isang ina. Gusto ko, maging handa ka muna bago tayo bumuo ng sarili nating pamilya.”
Dahil nakatapos naman ng hayskul, naging madali para kay Amy na mag-enrol sa isang pampublikong pamantasan. Kumuha siya ng kursong Office Administration. Binayaran ni Nestor ang mga miscellaneous fee dahil libre naman ang matrikula, pinatahian siya ng tatlong set ng uniporme, binilhan ng sapatos na pamasok, mga gamit sa paaralan, at maging ang baon sa araw-araw.
Bagama’t hindi mapigilan ang pagsisiping dahil magkasama sila sa iisang bubong at magkatabi sa kama, tiniyak ni Nestor na hindi niya mabubuntis si Amy upang makapagpokus ito sa pag-aaral, at upang magkaroon ito ng magandang buhay. Nakikita kasi niya ang sarili kay Amy. Sa kaniyang sarili, balak niya ang maging isang piloto, subalit hindi naman niya kakayanin ang pagpapaaral. Ibinunton niya ang kaniyang mga naunsyaming pangarap kay Amy.
Noong una, nahirapan si Amy sa pagbabalik sa paaralan, subalit hindi naglaon, naenjoy na rin nito ang panibagong mundo. Matuling lumipas ang dalawang taon. Dalawang taon na lamang at makakatapos na siya. Napansin ni Nestor na minsan ay gabi na kung umuwi si Amy. 18 taong gulang na siya noon.
“Napapagabi ka yata?” minsan ay untag ni Nestor.
“Naku, maraming ginagawa. Mga propesor, wagas kung makapagbigay ng requirements. Pasensiya na, mahal… hindi ko na nagagampanan ang mga obligasyon ko sa iyo.”
Makalipas ang dalawang taon, at sa wakas ay nakapagtapos na rin si Amy. Masayang-masaya si Nestor. Kumain sila sa isang mamahaling buffet restaurant upang ipagdiwang ang pagtatagumpay ni Amy sa pag-aaral. Natutuwa siya para sa nobya.
“Ano nang balak mo?” tanong ni Nestor.
“Kukuha sana ako ng Civil Service Exam. Kapag naipasa ko iyon, puwede na akong mag-aplay sa mga government offices. Pero sa ngayon, mag-aplay muna ako sa isang pribadong opisina. Bukas ang interview ko,” sabik na balita ni Amy.
Natanggap naman sa trabaho si Amy at nagsisimula na ngang kumita nang malaki. Hanggang sa napansin ni Nestor na tuwing Biyernes, lasing itong umuuwi. Nag-aaya raw kasi ang kaniyang mga kaopisina. Bilang pakikisama, sumasama ito.
Napansin din niyang tumatanggi na si Amy kapag nag-aaya siyang makipagsiping sa kaniya. Hindi na rin ito malambing sa kaniya. Madalas, laging mainit ang ulo nito. Inunawa na lamang ni Nestor na baka pagod sa trabaho.
Hanggang sa isang araw, isang balita ang magpapabago sa takbo ng kanilang buhay.
“Nestor, buntis ako…” balita ni Amy sa kaniya.
Bumadha ang kasiyahan sa mukha ni Nestor. “Magiging tatay na ako!”
“Hindi… hindi ikaw ang ama. Patawarin mo ako…”
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Nestor. At inamin ni Amy ang kaniyang pinakatatagong sikreto. Noong nag-aaral pa lamang ito, nagkaroon daw siya ng lihim na relasyon sa isang mayamang negosyante na naging substitute professor nila, nang mag-leave ang kanilang propesor sa isang asignatura. Hanggang ngayon, silang dalawa pa rin, at nakipaghiwalay na ito sa tunay na misis upang magsama na sila sa isang condominium.
“I-ibig sabihin… matagal mo na akong niloloko? Matagal na pala ang relasyon ninyo? Paano mo nagawa sa akin ito, Amy? Ibinigay ko sa iyo ang lahat. Iginalang kita. Iiputan mo lang pala ako sa ulo?” umiiyak na tanong ni Nestor.
Umiiyak na nagpaliwanag si Amy.
“Patawarin mo ako, Nestor. Noong mga panahong pinag-aral mo ako, ginusto kong tulungan ka. Alam kong nahihirapan ka rin, kaya nang sabihin niya sa akin na handa niya akong bigyan ng pera sa pag-aaral ko, tinanggap ko… Isa pa, bumagsak ako sa asignatura niya kaya pumayag ako sa gusto niya. Pero naibibigay niya ang mga pangangailangan ko, ang mga gusto ko… kaya nahulog na ang loob ko sa kaniya.”
“Hindi mo man lang naisip ang mga naging sakripisyo ko para sa ‘yo?”
“Tingnan mo nga ang sarili mo, Nestor. Kakaisip mo para sa akin, saan ka na ngayon? Mabibigyan mo ba ako ng magandang buhay? Ha? Hindi!”
Isang malakas na sampal ang lumapag sa mukha ni Amy.
“Sabihin mo na ang lahat sa akin pero huwag mong kukwestyunin ang pagmamahal ko sa ‘yo! Hindi ka nagtiwala sa akin. Puwes, sige… lumayas ka at magtungo ka sa buhay na gusto mo! Iniahon kita sa kumunoy na kinasadlakan mo noon, binigyan kita ng kalayaang maabot ang mga pangarap mo, pero ngayon pinipili mo pa ring masadlak sa putikan? Sige, sumama ka sa kaniya…” naluluhang sabi ni Nestor.
At sumama na nga si Amy sa propesor na nakabuntis sa kaniya. Imbes na magmukmok, ginamit na lamang ni Nestor ang kaniyang kaunting ipon upang iproseso ang kaniyang mga papeles patungo sa ibang bansa. Baka nga kailangan na niyang pagtuunan ng pansin ngayon ang kaniyang sarili. Sa ibang bansa, tiyak na makalilimot siya.
Makalipas ang tatlong taon, naging maganda at maunlad ang buhay ni Nestor. Nakapagpatayo siya ng sariling bahay at nagkaroon ng sariling kotse. Pinatapos naman niya ang sarili sa pag-aaral upang mapataas ang posisyon sa kaniyang trabaho sa ibang bansa.
Nabalitaan din niyang hiniwalayan ng propesor si Amy dahil naghabla ang orihinal na misis nito. Mag-isa nitong tinataguyod ang mga anak.
Kinalimutan na ni Nestor ang mga ginawa sa kaniya ni Amy. Ang mahalaga, gumanda ang buhay nito, at kahit nagawan man siya ng pagkakamali, iniisip na lamang niyang wala siyang dapat na pagsisihan dahil nakatulong naman siya sa kapwa, at naging wagas at tunay ang pagmamahal niya para rito.

Ayaw ng mga Magulang ng Babae sa Manliligaw Nito Dahil Mahirap Ito at Mahina Raw ang Kokote; Mas Sinuwerte pa Pala Ito sa Huli
