Inday TrendingInday Trending
Nagtatampo ang Nobyang Ito Sapagkat Walong Taon na Sila ng Nobyo Ngunit Hindi Pa Rin Siya Inaalok ng Kasal; Mayroon Pala Itong Itinatagong Lihim

Nagtatampo ang Nobyang Ito Sapagkat Walong Taon na Sila ng Nobyo Ngunit Hindi Pa Rin Siya Inaalok ng Kasal; Mayroon Pala Itong Itinatagong Lihim

Pitong taon nang magkasintahan si Ariel at Thess, sa loob ng mga taong iyon ay naging maayos at masaya ang kanilang pagsasama. Minsan ay tinatanong ni Thess ang nobyo kung kailan nito balak magpakasal, ngunit palagi lamang malabo ang sagot nito.

“Ano ba love, magwawalong taon na tayo sa susunod na buwan, wala ka pa rin bang balak na magpropose sa akin?” Naiinis na tanong niya rito.

“Love, marami pa tayong dapat pag-ipunan. Saka na yang kasal kasal na yan.” Sagot ni Ariel.

“Hay nako umuwi ka na nga, baka hindi mo naman talaga ako mahal kaya ayaw mo akong pakasalan.”

“Love naman, mahal kita kaya lang ay nakita mo namang pinag-aaral ko pa si Candy. Dadating din tayo diyan, pangako.”

Matapos suyuin ng nobyo ay nagkaayos din ang magkasintahan, bago sumapit ang alas otso ng gabi ay umalis na si Ariel para umuwi. Hindi pa rin mapakali si Thess, napakatagal na panahon na niyang hinihintay na magpropose ang nobyo, ilang Valentines, pasko, birthday, anniversary at kung anu-ano pang okasyon ang kaniyang pinaghandaan sa pag-aakalang yun na ang panahon ng pagluhod ni Ariel, ngunit lagi siyang nabibigo.

“’Pag hindi pa siya nagpropose sa akin sa aming anniversary ay magagalit na talaga ako.” Wika niya sa kapatid na si Tala.

“Hindi mo naman kasi maaring ipilit ang pagpapakasal sa isang taong hindi pa handa Thess, maghintay ka lamang ng tamang panahon, tingin ko ay seryoso naman sayo si Ariel.” Paliwanag nito.

“Kelan pa siya magiging handa, ate? Kapag bulok na tong bulaklak ko?”

Natawa ang kapatid sa sinabi niya at binigyan siya ng mahinang batok. “Matulog ka na, napapraning ka na naman.”

Tuwing sasapit ang kanilang anibersaryo ay nakagawian na nila ang mag-date at mamasyal. Kagaya din ng nakagawian ni Thess ay inasahan niyang ito na ang araw na mag-uuwi siya ng singsing. Ngunit sadya atang mailap ito sa kaniya at muli siyang umuwing bigo.

“Love pasok ka na sa bahay niyo, happy anniversary ulit. I love you.” Wika ni Ariel sabay halik sa kaniyang noo.

“Ewan ko sayo, happy anniversary mo muka mo!” Galit na sagot ni Thess bago pumasok sa bahay.

Naiintindihan ni Ariel ang pinanggagalingan ng inis ng nobya. Alam niyang inaasahan nito ang kaniyang proposal sa araw na iyon. Ang totoo ay matagal na rin siyang naghahanda para rito. Mayroon lamang siyang ilang bagay na nais ayusin, bukod doon ay gusto niyang gawin ito sa araw na hindi inaasahan ni Thess. Nakatakda niyang gawin ang proposal sa susunod na linggo.

Isang araw habang namamahinga ay nakatanggap si Thess ng tawag mula sa kapatid, halos hindi na ito makahinga sa pagkukwento at minamadali siyang pinapunta sa isang lugar.

“Hello Thess, tulungan mo ako, nawawala ang wallet ko. Wala na akong pamasahe pauwi, itetext ko sayo ang address. Hintayin kita dito, ha?”

“Sige ate diyan ka lang, magbibihis na ako sandali lang.” Agad nga siyang nagbihis at pinuntahan ang kapatid sa ibinigay nitong address.

Pagdating doon ay laking taka niya dahil isa itong bagong bahay na kagagawa pa lamang, buong akala niya ay nakatambay ang kapatid sa bakanteng lote o kaya’y tindahan. Biglang lumabas dito si Tala at pinapasok siya sa loob.

“Kaninong bahay ‘to ate? Bakit tayo papasok?” Tanong niya.

“Basta halika na.” Sagot nito.

Pagpasok niya ay nakita niya ang nagkalat na mga bulaklak sa sahig, pinaakyat rin siya ng kapatid sa itaas na parte ng bahay at doon ay sinundan niya ang mga rose petals na patungo sa isang silid. Pagbukas niya ng pinto ay naroon ang nobyo hawak ang isang bouquet at maliit na kahon. Dahan dahan itong lumapit sa kaniya.

“Hindi ako nagpo-propose hindi dahil sa hindi kita mahal Thess, pinaghandaan ko itong mabuti, tinatapos ko pa kasi ang bahay na ito para sa atin. Gusto ko kasing makasigurado na may sarili na tayong tahanan oras na ikasal tayo. Dahil yun ang nararapat para sa magiging asawa ko.”

“Bahay natin ito?” Naguguluhang tanong niya.

Hindi na sumagot si Ariel at lumuhod na sa kaniyang harapan at binuksan ang kahong may laman na singsing.

“Papakasalan mo ba ako, love?”

Sobrang saya ang naramdaman ni Thess ng marinig ang mga salitang iyon. “Sa wakas! Oo love, kahit saang simbahan.”

Pagtayo ni Ariel ay isinuot na nito sa kaniya ang singsing at sabay-sabay na nagpalakpakan ang kanikanilang mga pamilya na kanina pa pala nanonood sa may pintuan.

Kalahating taon nilang pinlano ang kanilang simple at masayang kasal at agad na lumipat sa kanilang bagong tahanan.

Naging mainipin man si Thess sa paghihintay ay natutunan niyang ang magagandang bagay ay kusang darating sa mga oras na hindi mo inaasahan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement