Ninakaw ng Ale ang Bangus na Nahuli ng Kumpare Niya, Nang Kainin Niya Iyon ay Bigla Siya Nasuka
Walong taon nang nangingisda ang asawa ni Solly, siya ang tagabenta ng mga nahuhuli nito. Kadalasan ay sumasama siya sa lalaki na manlambat ng mga tilapia at alimango. Kapag madalang ang isda ay nangangapa naman sila ng tahong at halaan. Walang anak ang mag-asawa sa edad nilang 47 years old, kaya naman hindi ganoon kahirap ang kanilang buhay. Wala naman silang ibang kailangang pakainin, sarili lamang nila.
“Halika na, hawak ko na ang bangka.” sabi ni Poldo, nagmamaktol kasi si Solly na sasama siya ngayon.
“Teka muna, hawakan mo’t baka tumigilid. Mababasa ang palda ko,” sabi ng ale.
Hinigpitan pa ni Poldo ang pagkakakapit para maging banayad na ang galaw ng bangka, nang makasakay ang ubod ng tabang babae ay sumakay na rin siya at pinaandar na ang motor. Parang swerte sila ngayon dahil lahat ng nakakasalubong nilang mangingisda ay maraming huli.
“Dapat mas marami dyan ang atin.Wag kang papayag na konti ang saten ha.” sabi ni Solly, kabaligtaran kasi ng asawa niyang si Poldo ay masama ang ugali ng babae. Nakakuha lang ng pwesto sa palengke, kung umasta na ay parang siya ang pinakamayaman sa mga mangingisda sa lugar nila. Gusto nya ay palaging sya ang nakalalamang, sya ang bida at sya ang pinakamataas. Hindi niya rin masyadong pinagkakausap ang mga kapitbahay nila.
“Wala naman tayong magagawa kung naubos na ang isda. Tinanghali na tayo sa kakapili mo ng susuotin, ano ba kala mo? sa party tayo pupunta?” pang-aalaska ng mister nya sa babae. Mabilis silang nakarating sa gitna ng karagatan, medyo napaismid pa ang babae nang makitang naroon rin ang kumpare ng asawa nya. Nakatali ang bangka nito sa isang kawayang itinayo ng ibang mangingisda sa gitna ng dagat.
“Pare! Bakit walang katig ang bangka mo?” bati agad nito ng kanyang mister. Hay nako! Matatagalan lalo sila, paano makakarami? Imbis na solo nalang nila ang mahuhuli, sa bait ng asawa niya ay siguradong bibigyan pa nito ang kumpare. Pero sobrang laki ng ngiti ni Solly nang matanaw ang bangka nito. Aba, ang raming isdang bidbid! Ang nakaagaw ng kanyang pansin ay ang tatlong malalaking bangus na naroon at gumagalaw galaw pa.
“Tinanggal ko, nabali noong sumabit ako eh. Bakit ngayon lang kayo? Naubos na tuloy, ang daming mangingisda dito kanina eh.” sabi ng lalaki.
“Ang tagal tagal nitong si Soledad eh..”
Abala pa sa pagkukwentuhan ang dalawa, ang kumpare ng asawa niya ay nakalusong sa tubig at nakakapit lamang sa kawayan. Nakaisip ng ideya si Solly, hindi nito mahahalata kung dadampot siya ng isang bangus. Ganoon rin ang mister niya, masyado itong abala sa paglulublob ng lambat at pakikipagkwentuhan.
Mabilis ang mga kamay na dinampot niya ang bangus at itinago sa ilalim ng kanyang palda, dahil maluwag iyon ay hindi na mahahalata pa, sasabihin niya na lang na tumalon.
“Ay!” sabi niya, kunwari pang inilublob niya ang kamay sa tubig at nagtangkang habulin ang isda.
Napatingin sa kanya ang dalawang lalaki, “Tumalon yung isang bangus!” sabi niya.
“Hayaan mo na, marami pa naman dyan. Baka malas ang bangus na iyon.” nakangiting sabi ng kumpare ni Poldo. Nakangisi naman si Solly, masarap ang ulam nya mamaya.
Pag-uwi sa bahay ay tinanggal niya lamang ang bituka ng bangus sa pamamagitan ng pagbiyak sa bandang ulo nito, pero di na niya biniyak pa ang katawan. Kaunting timpla at kumalam na ang sikmura niya dahil sigurado siyang malinamnam ang bangus. Pinrito niya na ito at naghanda na ng kanin.
“Poldo halika na,” sabi niya sa mister na noon ay abalang naglilinis ng isdang ibebenta nila.
“Matatapos na ito. Mauna kana, alam kong kanina ka pa gutom.” sabi naman ng lalaki.
Nang maiprito na ang bangus ay di na nahintay pa ni Solly ang asawa, umupo na siya sa hapag kainan at nakangiting nagkamay. Kumurot siya sa bahaging tyan, ah, ang sarap! Biniyak niya ito at nakakita ng mahabang bagay doon, hugis oblong at kulay brown. Pag sinuswerte ka nga naman, may itlog pa ito! Buntis pala, kaya malinamnam.
Nilantakan niya ang itlog, kinagat sa kalahati. Pero nailuwa niya ito, ang pait! At.. ang baho.
Inamoy niya ang kulay brown na bagay, na marahil sa pag-prito niya kaya natuyo, at naisip niyang hindi ito itlog. Inamoy niya pang muli at tuluyan na siyang nasuka.
Tae ang nakain niya!
Siguro ay nalunok rin lang iyon ng bangus, tama ang kumpare ng kanyang mister. Malas ang bangus na iyon!
Marahil ay ito ang mabilis na karma niya dahil nag isip at gumawa siya ng masama sa kanyang kapwa. Pinagsisihan niya na ang pagnanakaw na ginawa, siguro naman ay matututo na siya at di na uulitin iyon.