Imbes na Ipadampot ng Mayamang Mag-asawa ang Lalaking Kumidnap sa Anak ay Pinasalamatan Pa Nila Ito
Si Lily ay isang sampung taong gulang na nag-aaral sa maganda at mamahaling paaralan. Siya ay anak ng mayamang mag-asawang negosyante na sina Mr. and Mrs. Dela Vega. Madalas silang abala sa pag-asikaso sa negosyo at halos walang oras para sa anak at sa isa’t-isa. Bihira na nga lang sila magkitang mag-asawa, sa tuwing magkikita pa sila ay puro pagtatalo naman ang kanilang ginagawa patungkol sa negosyo.
Walang linggo ang lilipas na hindi sila nagtatalo. Hindi na rin sila nagsasama sa isang kwarto. Kadalasan ay sa mga silid pampanauhin sila natutulog nang magkahiwalay o di kaya ang isa ay sa hotel natutulog.
Parati na lang na ganito ang eksenang nakikita ni Lily at hindi niya ito gusto. Naalala niya noon nung mas bata pa siya at hindi pa ganun kalago ang negosyo nila ay masaya pa silang namumuhay bilang isang pamilya. Sila ay parating magkakasama at sinusulit ang bawat oras na meron sila. May panahon pa noon na makipaglaro ang ama sa kaniya. At ang kaniyang ina naman ay parati siyang natuturuan sa mga takdang aralin.
Labis siyang nalulungkot at apektado sa mga nangyayari ngayon na kung minsan ay nais niya na ring umalis at hindi umuwi ng bahay. Sa loob niya ay mas nais niya pang maghirap pero may masayang pamilya kaysa maging mayaman pero wasak ang pamilya.
Isang araw ay tinakasan ni Lily ang kaniyang drayber at nag-commute mag-isa. Siya ay pumunta sa dating palaruan na pinupuntahan nilang pamilya at naalala niya kung gaano sila kasaya noon. Pinuntahan niya rin ang dati nilang tirahan. Aniya: “Maliit man ito noon ay masaya kami dito. Parati pa kaming nagkikita at nagkakasama hindi kagaya ngayon.”
Noong pauwi na siya at malapit na sa kanilang bahay ay biglang may dumampot at tinakpan ang kaniyang bibig ng isang panyo. Unti-unti siyang nawalan ng malay.
Pagka-gising ni Lily ay nasa loob siya ng isang madilim na silid. Siya ay nakagapos at nakatakip ang bibig. Sinubukan niyang gumawa ng ingay at humingi ng tulong ngunit may lalaking pinuntahan siya agad sa silid at pinatahimik.
“Huwag kang mag-alala, nakausap ko na ang iyong mga magulang at handa silang magbayad ng pantubos para sa iyo.” Sambit ng lalaki.
Maya-maya ay may batang nasa pitong taong gulang ang sumilip sa kwarto at nagtanong: “Tay, sino po siya?” Sinagot ng ama na ang batang iyon ang makakatulong sa kaniyang kapatid na nasa ospital para mapagamot.
Nais pa sanang makipagkwentuhan at magpasalamat ng bata kay Lily ngunit ito ay sinamahan na ng ama palabas ng silid. Sinabihan ito na kailangan nang magpahinga ng kanilang bisita.
Bumalik ang lalaki na may dalang pagkain. Humingi ito ng tawad kay Lily sa kaniyang nagawa at ipinaliwanag na matindi lamang ang kaniyang pangangailangan para sa anak na may sakit. Tinanggal niya ang takip sa bibig ni Lily at pinakain ito.
Napa-isip si Lily sa sitwasyon ng lalaki. Kinausap niya ito at sinabing maswerte ang kaniyang mga anak dahil handa siyang gumawa ng kahit ano para lang mabuhay sila.
Sabi pa niya, “Kahit mahirap lang kayo ay parati kayong magkasama at magkaramay.” Bigla tuloy siyang nalungkot at napakwento sa kaniyang sitwasyon. Ipinaliwanag naman ng lalaki ang panig ng mga magulang ni Lily at sinabing mahal din siya ng mga ito kaya nga’t handa siyang tubusin.
Kinabukasan ay pumunta sina Mister at Misis Dela Vega sa isang bakanteng lote na masukal nang naka-commute. Dito ang lugar na napag-usapan nila ng lalaki. Gaya nang napagkasunduan ay hindi dapat malaman ng mga pulis ang naganap na kidnapan. Pagkalayo ng tricycle na kanilang sinakyan ay nakatanggap sila ng tawag at ipinapalapag ang bag na may lamang pera sa gitna ng kalsada at pinapalayo sila dito. Sinunod nila ito at maya-maya ay may lalaking naka-motor na may sakay na bata ang humarurot at pinulot ito.
Nangamba ang mag-asawa sapagkat hindi ito huminto para ibaba ang kanilang anak na si Lily. Sinubukan nila itong habulin ngunit napaka-bilis ng takbo nito. Hanggang sa nakita na lang nila na ibinaba rin nito si Lily paglagpas ng dalawang kanto.
Mabilisang humingi muli ng tawad at nagpasalamat ang lalaki kay Lily. Pagkatapos ay mabilis itong nagpatakbo ng kaniyang motor palayo sa kanila.
Tumakbo papalapit sa isa’t-isa sina Lily at ang kaniyang mga magulang. Niyakap nila ang bawat isa at nag-iyakan. Nais pa sanang pasundan ni Mister Dela Vega ang dumukot sa kaniyang anak ngunit ito ay pinigilan ni Lily at ipinaliwanag ang panig ng lalaki. Noong una ay hindi ito maunawaan ng ama sapagkat alam niyang mali pa rin ang ginawa ng lalaki ngunit hinayaan niya na lang ito sapagkat ligtas namang nakabalik ang kaniyang anak sa kanila.
Humingi sila ng kapatawaran sa bawat isa. Si Lily, sa pagtakas ng walang paalam at pagdaramdam sa mga magulang. At ang kaniyang mga magulang naman sa pagpapabaya sa kanilang anak at hindi pagbibigay ng oras dito. Napagkasunduan ng pamilya na ibabalik nila ang dating samahan nila at mas magbibigay ng oras sa bawat isa.
Hindi na nag-isip na pa-imbestigahan ng mag-asawa ang taong kumidnap sa kanilang anak. Nakita naman nilang inalagaan ito ng lalaki at hindi sinaktan. Nagbigay din ito ng mahalagang leksyon sa kanilang pamilya: Ang pahalagahan ang isa’t isa.
Napakalaki ng pasasalamat nila dito.