Inday TrendingInday Trending
Totoo Nga ang Karma

Totoo Nga ang Karma

Alas cuatro nang umaga mula noong bumangon si Christina mula sa higaan. Dumiretso ito sa banyo at saka naghilamos ng mukha at nagmumog. Habang punas punas nito ang mukha ng kulay asul na tuwalya ay pupungay-pungay itong tumungo sa kusina at agad binuksan ang ref.

Dito ay kumuha siya ng apat na itlog, isang balot ng hotdog, at isang pitsel ng malamig na tubig. Nagsalin ang babae ng tubig sa baso at saka ito ininom bago magsimulang magluto. Inuna nitong iprito ang mga itlog – sunny side up, gaya ng palaging request ng mga bata. Sinunod ng ginang na iluto ang mga hotdog – siniguro niyang tustado ang balat nito, dahil ito ang palaging hinahanap ng kaniyang mga anak.

Habang niluluto ni Christina ang paborito ng kaniyang bunso na hotdog ay sinimulan na nito ihanda ang bahaw na kanin at bawang para isangag. Matapos magluto ay siya namang nagpainit ng tubig ang ginang para sa iinumin nitong kape.

Mag aalas singko nang matapos na maghanda ng makakain si Christina, at saka naman nito ginising ang asawa at mga anak.

“Shaira, Misha, bangon na. Baka ma late pa kayo sa klase n’yan.” pag gising nito sa mga batang babae na umungol lamang nang mahina bilang tugon.

Paglabas ng ginang sa kuwarto ay nasa banyo na ang mister na si Philip na naghihilamos. Matapos masiguro ang mga dapat asikasuhin ay tumungo na si Christina sa hapag upang magtimpla ng kape para sa kaniya at kay Philip, at gatas naman para sa dalawang bata. Sa huling pagkakataon ay tinawag ng babae ang mga bata nang sabay sabay na silang makapag almusal.

Matapos kumain ang mag anak ay kani-kaniya nang paghahanda ang mga ito para sa trabaho kay Philip at Christina, at pagpasok naman sa eskwela sa magkapatid na Shaira at Misha. Matapos mag-asikaso ay sabay sabay nang lumabas ang mag anak. Pumara ng tricycle si Philip at siya nitong pinasakay ang dalawang batang babae habang siya naman ay sumakay sa likuran ng tricycle. Nagpaalam na ang tatlo kay Christina at saka na umandar ang tricycle.

Aalis na sana ng tingin ang ginang sa umaandar na tricycle na noo’y makakalampas na sana sa intersection nang biglang mahagip ito ng isang humaharurot na pampasaherong jeep. Sa sobrang pagkagulat ni Christina ay pahagis nitong binitawan ang bitbit na bag at saka nagmamadaling tumakbo patungo sa nasaksihang aksidente. Doon ay nakita niya ang kaniyang dalawang anak na maswerteng malilit na galos lamang ang natamo.

Ngunit sa kabilang banda,si Philip ay lubhang nasaktan sa insidente. Wala itong malay at malakas ang agos ng dugo mula sa ulo nito na siyang naging dahilan para agaran itong isugod sa pinakamalapit na ospital ng asawa kasama ang dalawang batang sugatan.

Pagdating sa ospital ay puno na ng pasyente ang emergency room sanhi ng nasabing aksidente, dahilan para hindi na maasikaso ang mag anak. Ikinabalisa ito lalo ng ginang, sapagkat halos mag agaw buhay ang kaniyang asawa ngunit walang kahit sinong pumapansin sa kanila.

Halos maglupasay sa pagmamakaawa si Christina sa mga nars at doktor sa emergency room na gamutin ang asawa at mga anak ngunit matagal bago pa natugunan ang kaniyang pakiusap. Nilapatan ng first aid si Shaira at Misha, at saka naman ineksamin ng doktor ang mga natamong sugat ni Philip. Masuwerteng hindi ito ganoon kalala kung kaya’t inilipat na lamang sa isang maliit na kuwarto ang ginoo. Doon ay pinagpahinga rin ni Christina ang dalawang anak at siya ang nagbantay sa mga ito.

Nang makatulog ang dalawang bata ay inilabas ni Christina ang kaniyang cellphone mula sa kanang bulsa ng kaniyang pantalon. Wala nang ibang paraan wari niya habang dina-dial ang numero sa telepono. Sandaling nag antay para sa sagot sa kabilang linya ang ginang hanggang sa bigla itong napahinga nang malalim nang may narinig na itoong tugon.

“Hello, may I know who’s speaking?” sambit ng boses sa kabilang linya na siyang pagmamay-ari ng isang babae.

“S-si Christina ito.” Nanginginig ang boses ng ginang na tumugon. “S-si P-philip.. na—“ dagdag pa nito, ngunit bago pa matapos ni Christina ang kaniyang sinasabi ay nagsalita ang babae.

“Sabi ko na nga ba at susuko ka rin. Hindi ba’t sinabi ko sa’yo na hindi ka rin magiging masaya sa ginawa mo?” sarkastikong sinabi ng babae sa kabilang linya na siyang naging dahilan ng pagtulo ng luha ni Christina.

“T-tumawag ako.. dahil naaksidente si Philip. Narito kami sa National Hospital.. a-alam m-mong hindi kami mapera. At nais kong humingi ng tulong,” wika ng ginang.

“Pupunta ako riyan,” matigas ngunit agarang tugon ng babae saka nito ibinaba ang tawag.

Ilang minuto lamang ay may kumatok sa pintuan ng kuwartong kinalalagyan ni Philip. Pinagbuksan ito ng ginang at wari’y nagulat sa kaniyang nakita. Doo’y nakatayo ang isang babae, nasa edad na 50, nakakunot ang noo at tila ba’y naghihintay ng sasabihin ng ginang.

“Lalabas ako, diyan tayo mag-usap” ani Christina na marahang isinara ang pinto at saka siniguro ang kalalagayan ng asawa at ng kaniyang mga anak. Matapos ay lumabas ito upang harapin ang babae.

“Parte ba ito ng palabas mo Christina? Ano naman ngayon ang balak mong gawin? Huthutan ako ng pera? At talagang ginamit mo pang props ang asawa ko at mga anak ninyo,” mataas ang boses ng babae nang sabihin niya ang mga ito. Nanatiling mahinahon si Christina sa kabila ng mga sinabi ng babae at siya itong tumugon matapos ang isang malalim na paghinga.

“Alam mong matagal na panahon na mula noong ako ang piliin ni Philip. Oo, ikaw ang kaniyang unang asawa kung kaya’t heto ako’t nagpapakababa upang iparating sa’yo ang kaniyang kalalagayan. Maaaring nagkamali ako na ako’y umibig sa kaniya matapos niyo akong kuhanin bilang surrogate dahil hindi kayo magkaanak. Ngunit tandaan mong ika’y nagkamali din sa dahilang hinayaan mo siyang makasiping ako. Simula nang iwanan ka ng asawa mo para sa akin ay hindi ko naman siya tinanggap hindi ba? Ngunit siya naman ang itinulak mo papalayo,” mangiyak ngiyak na sambit ni Christina.

“Ako ang sasagot sa gastusin dito sa ospital. Isa isang kondisyon,” tugon ng babae. “Ibabalik mo sa’kin ang asawa ko,” dagdag nito.

“Pero tita… alam mong ang pamilya ko ang buhay ko. Huwag mo namang gawin ito.” Noon na tumulo ang mga luha ni Christina.

“Buo na ang desisyon ko Christina. Ibabalik mo sa akin si Philip kapalit ng pagpapagamot niya rito sa ospital,” sambit ng ginang. “At huwag mo akong matawag na tita. Hindi na tayo magkamag-anak mataos mong ahasin ang asawa ko,” dagdag pa nito.

Napahagulgol na lamang ang babae. Batid nitong wala siyang ibang mapagkukuhanan ng pambayad sa ospital kung kaya’t ilang saglit pa’y um-oo na lamang ito sa kasunduang gusto ni Evelyn.

Si Evelyn ang orihinal na asawa ni Philip, kasal ang dalawa ng halos sampung taon ngunit hindi magkaanak kung kaya’t naisip ng babae na magbayad para sa surrogate. May pamangkin itong ulila na nakatira sa kanilang poder ng mga panahong iyon, si Christina, na siyang inalok ng malaking halaga at scholarship para sa kolehiyo upang mapapayag ito. Dahil salat sa buhay at nag iisa na lamang ay pumayag ang dalaga at siyang nakipagsiping sa tiyo nitong si Philip.

Nagbunga ito at ipinanganak si Shaira. Simula noon ay napalayo na ang loob ni Philip kay Evelyn at siya namang nabaling ang nito atensyon kay Christina at sa kanilang anak. Noong una ay itinaboy ng dalaga na noo’y bente aniyos lamang si Philip sa kadahilanang nais talaga nitong makatapos ng pag-aaral, ngunit nahulog na rin ang loob nito sa lalaki kung kaya’t noong naglaon ay pumayag itong itanan ni Philip.

Ngayon ay wala nang magawa si Christina kundi mabuhay sa karmang bumalik sa kaniya. Isinauli na ni Christina ang lalaki sa tunay nitong asawa at nang magising na ang mga bata ay umuwi na ang mga ito.

Advertisement