Inday TrendingInday Trending
Aming Tungkulin Ayon sa Anak Namin

Aming Tungkulin Ayon sa Anak Namin

Makalipas ang isang taong pagsasama bilang mag-asawa, sa wakas ay biniyayaan na sina Kevin at Meredith ng malusog na sanggol. Nagkakilala ang dalawa sa dalampasigan ng Boracay, kaya naman naisipan nilang “Summer” na lamang ang ipangalan sa babae nilang panganay.

Namamasukang accountant si Kevin sa isang kilalang kompanya, habang si Meredith naman ay nakawilihang magbenta ng mga produktong pampaganda at mga make-up sa kanyang mga kaibigan at kakilala. Maganda ang pasok ng pera sa kanilang pamamahay nang dahil sa sipag ng mag-asawa kaya’t naging masagana ang kanilang pamumuhay.

Kaya’t ganoon na lamang ang pagtataka ng mga tao nang mapansing napapadalas ang pag-aaway ng mag-asawa. Ang hindi lang nila alam ay may balitang biglaang nagsara ang kompanyang pinapasukan ni Kevin, dahilan upang mawalan ang lalaki ng trabaho.

Nang ibalita ni Kevin ang pagkatanggal sa trabaho sa kanyang misis, naging maayos naman ang kanilang pag-uusap. Naintindihan ni Meredith na hindi maiiwasan ang mga ganoong problema sa buhay. Kaya’t napagdesisyunan nang dalawa na si Meredith muna ang magtatrabaho para sa kanilang pamilya.

Ngunit nang lumipas ang mga araw, madalas na ang bungangaan ng mag-asawa.

“Kevin, nasira ‘yong lababo natin sa kusina. Nagbara ata ‘yong tubo,” ani Meredith sa asawa.

“Ganoon ba? Nako, itawag na natin ‘yan ng tubero,” sagot ni Kevin.

“Tubero? Lalagyan lang ‘yan ng Vulcaseal para tumigil ang pagtulo. Gastos lang kung uupa pa ng tubero,” naiinis nang sagot ng babae.

“Eh hindi ako marunong e. Pwede kong subukan, kaso baka lalo lang lumaki ang sira niyan,” ani Kevin na napapakamot na ng kanyang ulo.

Napatahimik na lamang si Meredith at lumabas ng bahay upang bumili ng kagamitan sa pag gawa ng nasirang lababo. Pagkauwi ay siya na mismo ang nagkumpuni ng baradong tubo.

“Hay nako, gawaing lalaki pero ako ang gumagawa. Ako na nga ang nagtatrabaho, ako pa rin sa mga ganitong bagay! Ako ba ang haligi ng tahanan? Bwisit talaga!” bubulong-bulong ito habang dinidikitan ang baradong tubo.

“Ano kamo?” biglang sabat ni Kevin na kanina pa pala nakikinig sa pagrereklamo ng asawa.

“Ikaw nga, pinakasalan kita kahit hindi ka marunong magluto! Noong may trabaho pa ako, sa tuwing uuwi ako e ako pa ang magluluto ng kakainin natin sa hapunan. Sosobrahan ko pa para may pananghalian ka para kinabukasan. Tapos para lang sa ganyan, magrereklamo ka?” hindi na nakapagtimping sabi ng lalaki.

Napahinga ng malalim itong si Meredith at saka tumayo mula sa ilalim ng lababo.

“Ah ganon?! Sumbatan tayo, gusto mo? O sige! Ikaw, kalalaki mong tao, pero takot na takot ka sa ipis! Diyos ko, ipis lang, Kevin! Ako pa ang kukuha ng tsinelas para paluin ‘yong maliit na insektong yon!” bwelta ni Meredith.

“Ha! Sinasabi ko na e, babanggitin mo pa ‘yan. E ikaw? Palagi na lang akong inaasar ng mga katrabaho ko noon dahil may amoy raw ang mga damit na isinusuot ko. E paano, hindi ka mainam maglaba. Kababae mong tao!” sagot naman ni Kevin sa asawa.

Halos tumagal pa ng mahigit sa sampung minuto ang pagsasalitan ng bwelta ng mag-asawa tungkol sa mga pagkukulang nila sa isa’t isa, ngunit natigilan sila nang makarinig ng maliit na boses na nagsasalita sa may pintuan ng kusina.

“Equality… Gender roles…” mga salitang binanggit ng anak nilang si Summer na hawak pa ang librong gamit nito sa eskwela.

“Anak, mamaya na lang kita tuturuan sa homework mo. Nag-uusap pa kami ng mama mo. Doon ka muna sa kwarto mo,” mahinanong sabi ni Kevin sa anak.

“Wala po akong assignment sa school, papa. Narinig ko po kasi ang pag-uusap niyo ni mama. Tinuro pa kasi sa’min ni teacher ‘yan e,” ani Summer na kasalukuyang Grade 2 sa eskwela.

Nagkatinginan naman ang mag-asawa at saka nilapitan ang bata.

“Ano ba ‘yang lesson na ‘yan? Ituro mo nga sa akin, ‘nak,” ani Meredith.

“Nag-aaway po ba kayo kasi hindi nagagawa ni Papa ang gawaing panlalaki, at hindi mo po nagagawa ang pambabaeng gawain?” tanong ng inosenteng bata.

Nagkatinginan na namang muli ang dalawa, na tila ba nahihiya dahil hindi naman nila gustong marinig ng anak ang pag-aawayan nila.

“Kasi po, ang sabi ni teacher sa amin, wala naman pong trabaho na para sa lalaki lang. Wala rin pong trabaho na para sa babae lang. Kasi pare-pareho lang naman po tayong tao, kaya pare-parehong kaya nating gawin ang ginagawa ng iba,” ani Summer.

“Ang mahalaga po, pagkakapantay-pantay ng mga tungkulin. Masaya naman po tayo, ‘di ba? Bakit po kayo nag-aaway?” dagdag pa nito sabay hawak sa kamay ng kanyang mama at papa.

Gulat na gulat ang dalawa at tila ba natauhan. Hindi nila inaasahang mas nakakaintindi pa ang anak nilang pitong taong gulang pa lamang, kaysa sa kanilang dalawa.

“Tama ka, anak. Pasensiya ka na kung palagi kaming nag-aaway ni mama ha? Promise, magbabago na kami. Kasi good girl ang baby namin e, kaya dapat kami rin good. ‘Di ba, mama?” nakangiting sabi ni Kevin habang sinusubukang yakapin ang kanyang mag-ina.

“Pangako, anak. Hindi na kami mag-aaway ng papa mo. Halika, doon na tayo sa kwarto? Magkwentuhan muna tayo hanggang sa makatulog tayo,” paanyaya ni Meredith sa kanyang mag-ama.

Nang dahil sa pangyayaring iyon, nagkasundo na ang mag-asawa na hinding hindi na mauulit ang sumbatang naganap gaya ng kanina. Dahil kasi sa sinabi ni Summer ay natauhan sila.

Hindi rin naman nagtagal at nakahanap na ng bagong kompanyang papasukan itong si Kevin. Kahit pa siya na uli ang nagtutustos sa pinansyal na pangangailangan ng kanilang pamilya, nanatili pa rin ang pagkakapantay ng responsibilidad nilang mag-asawa.

Mabuti na lamang at matalino ang kanilang anak, kundi baka hanggang ngayon ay araw-araw pa ring nag-aaway ang mag-asawang ito.

Advertisement