Inday Trending

Inday Trending

Ipinabarangay ang Aleng Ito Dahil Lamang sa Damit, Ano Kaya ang Kasalanan ng Babae?

Ipinabarangay ang Aleng Ito Dahil Lamang sa Damit, Ano Kaya ang Kasalanan ng Babae?
FunKarmaStories

Maagang gumigising si Haydee para pumasok sa eskwela, nasa ikalawang taon na siya ngayon bilang estudyante sa high school at umuusbong na rin ang kaniyang pagiging dalaga. Nagsimula na ring humubog ang kaniyang katawan at kasabay ang kaartihan ng babae.

“Mommy! Can you buy me a red dress? Sabi kasi sa internet, dapat raw ay magsuot ng pulang damit ang lahat ng mga babae,” saad ni Haydee sa kaniyang ina.

“Ano na naman yang pinagsasabi mo diyan anak? May pa mommy mommy ka pa hindi naman tayo mayaman!” sigaw ni Aling Ceilo ang nanay ng dalaga.

“Ito naman si mama, minsan na lang mag emote hindi pa makisama! Basta ma ha, sa sahod mo po, ibili mo naman ako ng dress oh,” baling naman ng dalaga sa ale.

“Titingnan ko Haydee ha? Alam mo naman na medyo kapos tayo ngayon dahil may sakit ang tatay mo at hindi makapagpadala dito sa atin,” wika namang muli ng ale.

Nag-iisang anak lamang ang dalagang si Haydee at namamasukan bilang stay-in driver sa mayamang pamilya ang kaniyang ama na si Mang Arnel at naglalaba naman ang kaniyang ina sa maliit nilang laundry shop. Mano-mano ang washing na gamit ng ale, hindi pa kasi nila mabili ang mga usong automatic na machine kaya naman pagod na pagod at aligagang-aligaga parati ang kaniyang ina.

“Nay, sinong pamilya ang nagpapalaba sa’yo ngayon? Ang gagara ng mga damit e, pwede ko bang sukatin ito?” tanong ni Haydee sa kaniyang ina habang hawak ang isang bistida.

“Anak, isuli mo iyan dito pagkatapos mong sukatin ha? Baka maghalo-halo na ‘yan at magulo ang sa ibang customer,” baling naman ng ale na nagtutupi ng mga tuyong damit.

“Ang ganda-ganda naman nito! Saktong pula pa, teka nga, ipopost ko nga para naman may bago akong picture sa Facebook,” pahayag ng dalaga habang tinitingnan ang kaniyang sarili sa salamin.

“Nay, binalik ko na ho yung damit ha. Aalis muna ako may practice kami ng sabayang pagbigkas ngayon,” paalam ni Haydee sabay labas ng pinto, Hindi naman napansin ng ale na nagsinungaling ang kaniyang anak at suot pala ang isang magarang damit ng kanilang customer.

“Wow! Ang sosyal naman ng damit mo ngayon Haydee para kang isang artista,” bati ng mga kaklase nito na labis naman niyang ikinatuwa. Kaya pag-uwi ay niya ay tiningnan niya muna kung napansin ng ina na may kulang sa mga damit na kaniyang itinupi at balak na sana niyang ibalik ang ginamit kaso hindi naman niya alam kung kanino iyon.

“Hala, hindi ko alam saang plastic ko ito ilalagay. Itago ko na lang muna, ilalabas ko na lang pag may naghanap,” wika ng dalaga sa kaniyang sarili at tinago sa kaniyang aparador ang magandang bistida.

Hindi pa natapos ang pangyayaring iyon dahil naulit ito nang naulit. Sa tuwing may magugustuhang damit si Haydee ay palihim niyang kinukuha iyon at hindi na naibabalik.

Isang araw habang naglalakad ang dalaga pauwi sa kanilang bahay ay agad siyang sinalubong ng kaniyang ninang.

“Haydee! Halika bilisan mo, samahan mo ako sa barangay at ang nanay mo ay kinuyog ng mga tao,” wika ni Aling Jessica, ang kinalakihan at pinakamalapit na ninang ng dalaga.

“Hay naku, kagawad! Kung hindi ho totoo ang binibintang ko sa babae iyan e bakit ang dami na naming nagrereklamo?” pahayag ng isang babaeng galit na galit na dinuduro ang kaniyang ina.

“Sa akin rin ho kagawad, tatlong dress ang nawawala sa pinalaba ko sa kaniya at lahat yun mamahalin kaya nga hindi ko na mapapalampas ito!” saad naman ng isa pang babae.

“Hindi ko ho talaga ninakaw ang mga damit ninyo, baka may kumuha sa sampayan namin at hindi ko na napapansin pa. Hindi ko ho talaga sinasadya na maging ganito ang resulta ng mga pinalaba niyo sa akin,” lumuluhang sagot ni Aling Ceilo sa mga babaeng nagrereklamo.

“Wala hong kasalanan ang nanay ko,” mahinang wika ni Haydee at lumuhod ito sa gitna.

“Ako ho ang kumukuha ng magagarang damit ninyo, wala hong kaalam-alam ang nanay ko sa mga pinaggagawa ko kaya sana naman patawarin niyo ho siya,” at nabasag ang boses ng dalaga dahil nagsimulang pumatak ang kaniyang luha.

“Hala kagawad, damit ko iyang suot niya!” sigaw ng isang dalaga na nasa barangay rin ng araw na iyon. Isang magandang pink na damit ang suot ng dalaga at napatingin ang ale sa kanya sabay pinagpapalo ang anak.

“Pasensya na ho talaga kayo, hindi ko naman intensyon na nakawin ang damit. Hindi ko na kasi alam saang plastic ibabalik yung mga sinukat ko kaya naman tinago ko na lang ho. Nasa bahay pa rin naman po ang lahat ng mga ginamit ko, patawarin niyo ho ang nanay ko. Ako ho ang may kasalanan! Gusto ko lang naman makapagsuot ng magagarang damit, pero mali ako, ako na lang ho ang ipakulong niyo,” pahayag pang muli ni Haydee.

Agad namang kinuha ng dalaga ang kaniyang mga tinagong damit at humingi ng despensa sa mga nagreklamo nilang kabarangay, humingi rin siya ng tawad sa kaniyang ina. Mabuti na lang at mababait ang mga kapitbahay nila dahil pinatawad naman agad si Haydee noong naibalik ang mga damit. May iilang mga dalaga na binigyan siya ng pinagliitang damit at lubos na pinagpasalamat iyon ng dalaga.

Ngayong, hindi na niya aasamin pa ang mga magagarang damit lalo na’t kung hindi naman sa kaniya dahil ayaw na niyang mailagay pang muli sa kahihiyan ang butihing ina.

More Stories