Hindi Pinaniwalaan ng Ama ang Reklamo ng Asawa’t Anak sa Di Umano’y Pambabastos ng Kainuman, Hanggang Kailan Ipagsasawalang Bahala ng Ama ang Hinaing ng Mag-Ina?
Dahil subsob sa pagtatrabaho, naging libangan na ni Rodel ang pakikipag-inuman sa mga kaibigan at katrabaho. Madalas ay niyayaya niya ang mga barkada sa kanilang bahay. Kaya ganoon na lang ang inis ng misis na si Lisa sapagkat sa tuwing nalalasing ang mga ito ay saksakan na ng ingay at kulit. Pati mga kapitbahay ay nagrereklamo na sa ingay na dala ng mga ito.
“Rodel! Pwede bang sa iba na lang kayo mag-inuman? Ang mga kapit bahay natin, panay ang reklamo sa akin. Hindi na raw sila makatulog ng maayos sa ingay na dala ninyo. At isa pa, ang anak mong dalaga. Naiilang sa tuwing nandiyan ang mga kainuman mo.” Pakiusap ng ginang.
“Eto na nga lang ang libangan ko, ipagkakait mo pa? Kita mong pagod na pagod na ako sa trabaho tapos bubungangaan mo pa ako ng ganyan. P’wede ba tumigil ka na?” Matapang na sagot ni Rodel.
Walang nagawa ang misis kung hindi tanggapin na lamang ang naging bisyo ng asawa. Naiintidihan niyang sumasaya ang asawa sa kuwentuhan ng mga ito sa tuwing mag-iinuman sila ng mga kabarkada.
Isang gabing nag-inuman muli ang mga katrabaho ni Rodel sa bahay, isang kainuman ng ama ang nakapansin sa anak na dalaga ni Rodel.
“Rodel! Ilang taon na ang dalaga mo? Aba’y malaki na ah. At lumalaking maganda, kagaya ng misis mo.” Tanong ni Lino, katrabaho ni Rodel.
“Kaka-debut pa lang niyan noong nakaraang buwan. Siyempre maganda ‘yan, guwapo ang ama e!” Pabirong sagot ni Rodel. Ni hindi niya napansin ang malagkit na tingin ni Lino sa anak na dalaga.
Nag-uwian na ang mga kainuman ni Rodel, nang galit na lumapit ang kanyang misis at nagreklamo.
“Rodel! Iyong katrabaho mo! Aba’y saksakan ng bastos. Alam mo ba ang ginawa sa anak mo?” Gigil na gigil na sabi ni Lisa.
“O bakit? Ano na naman?” Sagot ng ama. Lasing na ito at hilong hilo sa dami ng nainom na beer.
“Naghuhugas ng pinggan ang anak mo, nang bigla daw hawakan sa puwet! Siraulong ‘yon! Si Lino! Tarantado! Subukan niyang makabalik dito sa pamamahay ko!” Galit na galit ang ina. Sa kanya kasi nagsumbong ang umiiyak na anak.
“Pwede ba, Lisa? Kung gagawa ka ng istorya, ayusin mo naman. At idadamay mo pa ang anak mo. Oo na! Alam kong ayaw mong nag-iinuman kami dito. Anong gusto mo, mambabae na lang ako?” Inis na tugon ni Rodel. Iniisip niyang gumagawa lang ng kwento ang asawa para hindi na siya magdala ng mga kainuman sa bahay.
“Talagang hihintayin mo pang may mas malalang mangyari bago ka maniwala? Bahala ka! Punong puno na ako! Ipagtanggol mo pa ‘yang mga kainuman mo.” Sumuko na sa pagpapaliwanag si Lisa. Alam niyang hindi niya makukumbinsi ang mister.
Hiwalay na natulog ang mag-asawa ng gabing iyon.
Nagdaan ang ilang araw at gabi gabi’y ganoon pa rin ang ganap sa bahay ng mag-anak.
Isang araw, kinakailangang umalis ni Lisa dahil nabalitaan nitong namatay ang asawa ng matalik na kaibigan na nakatira sa Pangasinan. Kinailangan nitong magpunta doon upang damayan ang kaibigan. Hindi naman niya magawang isama ang anak dahil sa may pasok ito sa eskwelahan.
Binilinan na lamang niya ang asawa.
“Rodel, dalawang araw lamang akong mawawala. Utang na loob, at huwag ka munang magpapainom sa bahay. Walang kasama si Lisa. Kapag nalasing ka pa naman, e para kang patay kung matulog. Dalawang araw lang, mangako ka. Please lang.” Nagsusumamong hiling ni Lisa sa asawa.
“Oo na. Oo na, Lisa.” Pilit na sagot ni Rodel.
Unang gabing wala si Lisa ay nagawang pigilan ni Rodel ang sarili. Uminom na lamang itong mag-isa. Ngunit nang sumunod na araw ay hindi na nakapagpigil ang mister.
“O, Alexis, baka naman magsumbong ka pa sa ina mo. Pupunta ang mga katrabaho ko. Birthday kasi ng isang kasamahan ko.” Wika ni Rodel sa anak na si Alexis.
Dumating na ang mga manginginom. At sa kinatatakutan ni Alexis, isa na nga doon si Lino. Noong una’y tila walang plano ang lalake. Ngunit nang mapansin niyang lasing na si Rodel, nagpaalam itong gagamit ng banyo.
Pagkapasok ng bahay, agad hinanap ni Lino ang dalaga. Matagal na niya itong kursonada. At dahil walang pintuan ang mga silid sa bahay na iyon, nakita niyang nakahiga at natutulog ang magandang dilag.
Tila pinasukan ng demonyo sa utak ang lalaki, nilapitan niya si Alexis at umupo sa paanan ng kama. Hinimas nito ang makikinis at mahabang binti ng dalaga. Agad nagising ang dalaga at nagsisigaw. Ngunit narinig niyang tahimik na sa labas ng kanilang bahay.
“Tulog na ang papa mo! Wala ka nang kawala! Mag-enjoy ka na lang!” Bulong ni Rodel, habang binababa ang pantalon.
Umiiyak na nagsisisigaw ang dalaga. “Papa! Papa! Tulong, papa!”
Nagpupumiglas pa rin ang dalaga, at pilit siyang hinuhubaran ni Lino. Laking gulat ni Lino nang nakarinig ng wangwang ng pulis sa labas ng bahay. Agad itinaas ni Lino ang pantalon.
“Magtutuos pa tayo!” Bitin na biting saad ni Lino. Hindi niya nagawang tikman ang dalaga.
Ngunit bago pa man makalabas ng bahay ang demonyong lalake, sinalubong siya ng tatlong pulis na may dalang baril. Kasama nito ang inang si Lisa.
“Anak! Anak!” Sigaw ng ina habang hinahanap ang anak.
“Mama!” Umiiyak na sigaw ni Alexis.
Nagyakapan ang dalawa habang patuloy ang pag-iyak ng dalaga. Nang bigla nilang narinig ang amang si Rodel.
“Anong nangyari? Bakit may mga pulis dito?”
“Tarantado ka! Anong sinabi ko sayo? Diba sabi ko wag ka munang magpapapunta ng mga kainuman mo?!” Galit na galit na sabi ni Lisa.
“Buti na lamang at pinalaki kong matalino itong anak ko! Nung nagsabi ka pa lamang na magpapapunta ka ng mga kainuman mo, nagtext na agad ang anak mo sa akin! Tamang tama ang kutob ko!” Dagdag pa nito.
Laking pagsisisi ni Rodel na hindi siya nakinig sa sumbong ng asawa’t anak. Kinasuhan ng attempted rape si Lino at napatunayang nagkasala. Pinatawan ito ng sampung taong pagkakakulong.
Magmula noon ay itinigil na ni Rodel ang pag-inom, at natutunang makinig at maniwala sa mga sinasabi ng asawa’t anak.