Pinagbabawalan ng Ginang na Ito na Makihalubilo sa Lalaki ang Anak na Babae, Nagulat Siya nang Umuwi Itong may Kasama

Pinagbabawalan ng Ginang na Ito na Makihalubilo sa Lalaki ang Anak na Babae, Nagulat Siya nang Umuwi Itong may Kasama

FamilyInspiringStories

“Sino na naman ang lalaking naghatid sa iyo kagabi, ha? Akala mo ba hindi ko nakitang lumabas ka sa kotse no’n at kumaway pa sa’yo bago ka pumasok ng bahay?” taas kilay na sermon ni Mariposa sa kaniyang nag-iisang anak na dalaga, isang umaga nang saluhan siya nito sa almusal. 

“Mama, ito ka na naman. Kaibigan ko lang ‘yon!” sagot nito saka nagsimula nang magsandok ng makakain. 

“Kailan ka pa nagkaroon ng kaibigang lalaki? Hindi ba’t ang sabi ko sa’yo, huwag na huwag kang lalapit sa mga lalaki dahil may masamang balak sa’yo ‘yang mga ‘yan!” galit niyang sambit dito habang hinihipan-hipan ang kumukulo niyang kape. 

“Mama naman. Nagtatrabaho na po ako ngayon, kung hindi ako makikipagkaibigan sa mga katrabaho kong lalaki, mahihirapan ako sa trabaho. Saka, kita niyo naman, isang taon na akong may nakakasamang lalaki sa trabaho, wala namang nangyayaring masama sa akin,” paliwanag nito sa kaniya. 

“Ano, hihintayin mo pang may mangyaring masama sa’yo, ha? Kapag isang araw, nalaman mong buntis ka, huwag na huwag ka nang magpapakita sa akin, ha!” panakot niya pa rito. 

“Imposible ‘yon, mama!” patawa-tawang sambit nito na naging dahilan para kaniya itong batuhin ng kutsara na lalo lamang ikinatawa nito. 

Istrikta sa nag-iisang anak na dalaga ang ginang na si Mariposa. Bata pa lamang ito, hangga’t maaari, hindi niya ito hinahayaang makipaglaro sa mga batang lalaki. Nais niyang matakot ito o hindi makaramdam ng pagkakomportable sa mga lalaki upang huwag itong mapalapit sa mga ito balang araw. 

Ayaw niya kasing maranasan ng kaniyang anak kung anong naranasan niya sa kaniyang yumaong asawa. Labing limang taong gulang pa lang kasi siya noon nang ipagbuntis niya ang unang anak nila ng naturang asawa.

Sandamakmak na panghuhusga ang natanggap niya noong mga araw na iyon na kahit mga magulang niya, siya’y tinakwil at hindi na muling kinilalang anak. 

Bukod pa roon, matinding hirap din ang inabot niya sa pag-aalaga ng kaniyang mga anak dahil halos kada taon, mayroon siyang ipinagbubuntis na bata. Puro lalaki kasi ang nagiging anak nila noon at naghahabol ng babae ang kaniyang asawa. 

Kaya naman, nang magluwal siya ng babae, sobrang tuwa ng kaniyang asawa pero hindi na rin ito nagtagal dahil ilang buwan lang, ito’y naaksidente at kabilin-bilinan nito, “Huwag mong hayaang maghirap at masaktan ang anak nating babae,” kaya naman hanggang ngayong may sarili na itong trabaho, todo protekta pa rin siya rito. 

Nang araw na ‘yon, mabilis na kumain ng almusal ang kaniyang anak dahil sa takot nitong muling mabato ng kutsara. Agad na rin itong pumasok sa trabaho pagkatapos kumain. Kabilin-bilinan niya, “Mag-isa ka lang umalis, mag-isa ka lang ding uuwi mamaya, ha?” 

“Hindi ko po sigurado, mama!” biro nito dahilan para habulin niya ito nang walis tambo. 

Ilang oras pa ang lumipas, dumating na nga ang oras ng muling pag-uwi ng kaniyang anak. Inabangan niya ito sa kanilang bakuran. Mayamaya lang, may isang sasakyan na namang tumigil sa kanilang bahay na labis niyang ikinainis.

“Napakatigas talaga ng ulo ng babaeng ‘to!” inis niyang sambit habang naglalakad palabas ng kanilang bakuran. Ngunit bigla siyang napangiti nang makitang babae pala ang kasama nito. 

“Mama, pasensiya na, hindi ako nakauwi nang mag-isa lang,” kamot-ulong sambit nito na ikinatawa niya. 

“Ayos lang, basta babae ang kasama mo, walang problema!” magiliw niyang sagot. 

“Ah, eh, mama, si Lyndie po, girlfriend ko,” uutal-utal na wika nito na ikinagulat niya. “Huwag mo akong lokohin, ‘nak!” sambit niya. 

“Hindi po ba’t ayaw niyo na mapalapit ako sa lalaki? Hindi ko naman po sadyang mapalapit nang husto ang loob ko sa isang babae, mama, at sigurado po akong pagmamahal ang nararamdaman ko ngayon,” wika pa nito na talagang nakapagpatahimik lamang sa kaniya. 

Pinapasok niya sa bahay ang dalang babae ng anak at hindi niya mapigilang hindi mapangiti nang makita kung gaano ito kasaya sa piling ng naturang dalaga. 

“Babae man din ang gusto ng anak nating dalaga, sobrang saya niya naman, mahal. Siguro naman, nagtagumpay na akong protektahan siya ngayon, ano?” tanong niya sa litrato ng kaniyang asawang nakasabit sa kanilang sala. 

Simula noon, buong puso niyang tinanggap ang kagustuhan ng kaniyang anak. Buong buhay na nito ang kinontrol niya kaya naman naisip niyang hayaan na ito ngayon lalo na’t masaya naman ito sa buhay na mayroon ito kasama ang kasintahang kapwa babae. 

More Stories