Inday TrendingInday Trending
Pinilit ng Dalaga ang Ama Niyang Mambabalut na Bilhan Siya ng Mamahaling Cellphone, Hindi Niya Akalain ang Nakakaawang Sasapitin Nito

Pinilit ng Dalaga ang Ama Niyang Mambabalut na Bilhan Siya ng Mamahaling Cellphone, Hindi Niya Akalain ang Nakakaawang Sasapitin Nito

“Tay, bakit sila dalawa ang camera ng cellphone? Bakit itong binili mo sa akin ay sa likod lamang? Diba sabi ko sa’yo gusto ko rin ng ganon!” wika ni Melay, 14 na taong gulang.

“Kasi anak, yan lang kaya ng ating pera. Pero alam mo ba sabi sa akin ng nagtitinda ay maganda din daw iyan. Mabilis at ok panooran ng mga pelikula. Pinalagay ko na diyan yung mga nilista mo na gusto mo panoorin. Binilhan ko rin ng bag yan para hindi agad madumihan.” paliwanag ni Julio sa anak na nagmamaktol.

Naglalako ng mineral water at chichirya sa bus si Julio sa umaga at nagtitinda naman ito ng balut sa gabi. Kumukumisyon lamang siya sa mga nabebenta niya dahil wala naman siyang pampuhunan.

Naawa siya sa kaniyang anak dahil lumaki itong walang ina kaya kahit mahirap lang kanilang buhay ay pinipilit niya ibigay ang gusto ng dalagita. Naniniwala siya na ito ang paraan upang mapunan niya ang kulang sa buhay nito. Pumanaw kasi ang kanyang misis sa panganganak.

Si Melay naman ay hindi marunong makontento. Para bang hindi niya alam ang hirap na pinagdaraanan ng kaniyang ama mabigay lamang ang mga luho niya.

Minsan nga ay nagpumilit siya na mabilhan ng bike dahil nakita niya ito sa kaniyang kaibigan. Halos ilang araw na hindi nagpahinga ang kaniyang ama mabili lamang iyon dahil nagbabanta si Melay na hindi siya mag-aaral pag hindi ito nabili.

Alam ni Melay na kayang kaya niya ang kaniyang ama. Kaya inaabuso niya ito. Madalas ay magkaiba pa nga sila ng ulam ng matanda dahil sawa na daw siya sa kanin at sardinas.

Kinabukasan ay pinakita ni Melay sa kaniyang mga kaklase ang kaniyang bagong cellphone.

“Wow, may cellphone ka na pala ah. Pa-selfie naman.” wika ng isa niyang kaklase, ibinigay naman iyon ni Melay.

Nakita nito na walang camera sa harap ang cellphone kaya yung isang camera na lamang ang ginamit nila.

“Ano ba yan malabo. Dito na nga lang tayo sa phone ko mag picture. Dapat ung may camera sa harap na rin ang binili mo Melay para parepareho na talaga tayo.” sagot naman ng isa pa niyang kaklase.

Tumahimik na lang si Melay pero masama ang kaniyang loob. Pakiramdam niya ay napahiya siya sa mga kaklase niya kaya pag-uwi niya ng bahay ay padabog na iniabot niya iyon sa kanyang ama. Sinabi niya na ayaw niya na nito at gusto niya ng cellphone na may dalawang camera.

Nalungkot si Julio sa narinig sa kaniyang anak at pinagsabihan niya ito na magtiis muna sa kung anong kaya at bibilhan na lamang siya nito sa kaniyang kaarawan. Hindi umimik si Melay at nagdabog paakyat ng kama nito.

Ilang araw niyang hindi kinakausap ang matanda, kahit ang yayain ito sa pagkain ay di niya ginagawa. Pinanindigan niya na talaga ang pag iinarte. Dahil mahal na mahal ng lalaki ang anak ay naisipan niyang pagbigyan na ito.

Nagtripleng kayod si Julio. Hindi na rin ito kumakain ng tama para lang makatipid at maidagdag sa pambili ng cellphone ng anak. Matapos ang ilang linggong pagpapawis ay nabili niya rin ang minimithi ng dalagita, nanginginig pa siya nang mahaplos ang cellphone na bunga ng ilang linggo niyang pagtitiis ng gutom.

Pauwi na ito galing sa pinagbilhan ng may lumapit sa kaniya na isang lalaki na may hawak na balisong. Kinukuha nito sa kaniya ang hawak niyang cellphone ngunit ayaw niya ito ibigay. Naundayan agad ng isang saksak sa tagiliran si Julio. Sa pangalawang saksak ay nakaiwas ito kaya natadyakan niya ang lalaki at nakatakbo papalayo.

Ininda ni Julio ang sakit na nararamdaman at pinilit makauwi sa kanilang bahay, ilang hakbang na lamang kasi ay nasa kanila na siya.

“Wow, Tay sa wakas nabili mo na rin ang cellphone! Maipagyayabang ko na ito! Yehey.” tuwang tuwang salubong ni Melay, hindi napansin ang nanghihinang ama. Namumutla ang lalaki at patumba na.

“Lahat gagawin ko para sa iyo anak.” huling mga salita ni Julio bago ito tuluyang bumagsak sa sahig.

Nakita ni Melay ang dugo sa tagiliran ng ama. Malalim pala ang saksak na inabot nito. Pinilit lamang tumakbo pauwi para makita niya ang kaniyang anak. Iyak ng iyak si Melay at sising sisi sa mga nangyari. Kung nakontento na sana siya sa unang biniling cellphone ng kaniyang ama ay hindi ito mapapahamak. Ngayon, kahit na anong iyak niya ay hindi na maibabalik ang buhay ng ama.

Meron nga siyang cellphone na may dalawanag camera ngunit wala na siyang ama na magmamahal sa kaniya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement