Sinadya ng Kabit na Magpabuntis sa Lalaking May Pamilya Para Siya na Ang Piliin Nito, Pero Hindi Naman Pala Aayon sa Kanya ang Kapalaran
Sa dalawang taon na patagong relasyon ni Grace at Harry ay palagi na lamang pinipilit ng babae na iwanan na ng lalaki ang kaniyang mag-ina.
“Kelan mo ba iiwan yang mag-ina mo? Dapat ay tayo na ang nagsasama bakit pa kasi bumabalik ka pa doon?” tanong niya.
“Grace mahal kita, pero mahal ko rin ang pamilya ko. Lalo na ang anak ko, maghintay ka lang muna.” sagot nito.
Nagtatampo man ay wala siyang magawa dahil labis niyang mahal si Harry kahit kabit lang siya nito. Naniniwala siyang balang araw ay siya ang pipiliin ng lalaki.
“Di ka ba pupunta ngayon sa bahay? Nagluto ako ng hapunan para sa iyo.” Wika niya kay Harry sa telepono.
“Sorry, bawi na lang ako Grace, kaarawan ng anak ko ngayon at mamamasyal kaming pamilya.” Sagot naman nito.
Ibinato niya ang telepono sa sobrang inis. Wala siyang kalaban-laban kapag anak na ni Harry ang pinag-uusapan. Alam niyang pag-aawayan lamang nila ito kung magpupumilit siya.
“Siguro ang saya nila ngayong tatlo, magkahawak kamay pa silang mag-asawa habang masayang ipinapasyal ang batang iyon! Bwisit!” Bulong niya sa sarili.
Di na nga siya nagdalawang isip at itinapon sa basurahan ang lahat ng birth control pills na binili ni Harry para sa kanya, desidido na siya ngayong maagaw ang lalaki sa kaniyang pamilya at magpabuntis nang sa gayon ay may panghawakan na rin siya. Makalipas nga ang tatlong buwan ay nagdalang-tao na rin siya.
“May sasabihin ako sayo Harry.” wika niya.
“O ano yun?” sagot nito.
“Buntis ako, magkakababy na tayo.” masayang balita niya.
“Ano? Pano nangyari yun? Diba binilhan kita ng pills? Hindi mo ba iniinom?”
Galit na galit si Harry sa ginawang ito ni Grace, padabog itong lumabas ng pintuan at hindi ito bumalik buong linggo.
“Harry sagutin mo naman ako, anak mo din naman ito.” text ni Grace.
“Sinadya mong mabuntis para masira kami ng pamilya ko tama ba Grace?”
“Palagi mo nalang kasi silang pinipili kaysa sa akin, ngayon na may anak na din tayo mas madalas ka nang uuwi sa akin.”
Inamin ni Harry sa kaniyang asawa ang lihim na relasyon at pati na rin ang pagkakaroon niya ng anak sa labas, galit na galit man ito ay pinatawad pa rin siya nito sa kondisyong tatapusin niya ang anumang ugnayan nila ni Grace.
“Bakit kasama mo ang babaeng yan?” Wika ni Grace nang dumating si Harry kasama ang asawa.
“Nagpunta kami rito para makausap ka Grace, kung anumang mayroon tayo ay tatapusin ko na ngayon, sinabi ko naman sa iyo, mahal ko ang pamilya ko.”
“Huwag kang mag-alala, magpapadala pa rin kami ng pera para sa bata, yun lang naman ang habol mo sa asawa ko diba?” Sagot ng asawa ni Harry.
Mas pinili pa rin ni Harry ang manatili sa kaniyang tunay na pamilya, naiwan si Grace na luhaan at lugmok sa isang sulok, hindi niya lubos maisip na pagkatapos ng lahat ng kaniyang ginawa ay talo pa rin siya sa huli.
Kondisyon ni Harry na padadalhan siya ng salapi ngunit dapat ay mahihiram nito ang bata tuwing Sabado’t Linggo.
Ayaw man niyang tanggapin ang sustento ng mag-asawa para sa bata ay wala siyang magawa dahil wala rin naman siyang mapagkukuhanan ng pera.
“Congratulations po, it’s a baby girl.” wika ng nurse.
“Kamukhang kamukha siya ng papa niya.” sagot niya.
Sa pag-uwi niya sa tahanan kasama ang sanggol ay hindi niya mapigilan ang pagluha, isang napakalaking responsibilidad ang kaniyang kakaharapin ng mag-isa. Sa paglipas ng panahon ay unti-unti niyang natanggap ang mapait na kapalaran.
“Andito na si papa, nakabihis ka na ba?” wika niya.
“Opo mama, ba-bye uwi po ako bukas.”
“Salamat Grace, salamat at pumayag kang makilala pa rin ako ng anak natin.” wika ni Harry.
Labis na pinagsisihan ni Grace ang kaniyang mga kamalian ngunit masaya naman siya na magkaroon ng isang mabuting anak. Makalipas pa ang ilang taon ay nakakilala siya ng lalaking walang anumang pananagutan at buong puso nitong tinanggap ang kaniyang nakaraan pati na rin ang kaniyang anak.
Naging maayos naman ang naging samahan ni Harry at ng kaniyang asawa matapos niya ritong humingi ng tawad. Itinigil na rin niya ang pambabae at pinagtuunan ng pansin ang pagpapalaki sa kaniyang mga anak.
Isang malaking pagkakamali ang pakikipagrelasyon sa taong mayroon nang pamilya at pananagutan sa asawa’t anak, sa huli ay palaging talo ang isang kabit dahil sarili niyang dangal at dignidad ang itinataya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!