Lumaki ang Binata sa Kanyang Ate, Isang Matinding Katotohanan Pala ang Ibubulgar Nito Tungkol sa Pagkatao Niya

“Anak mo ba yan, neng? Ang pogi pogi ha!” puri ng isang nanay sa eskwelahan na pinapasukan ni Dave.

“Naku, hindi po. Ate po ako ni Dave. Nasa opisina po kasi ang mama namin kaya ako muna ang sumama.” nakangiting sagot ni Cheska.

“Ah talaga ba. Kaya naman pala magkamukhang-magkamukha kayo.” dagdag ng ale.

“Salamat po.” natutuwang sagot ni Cheska sa kausap.

Halos sa lahat ng school activites ni Dave palagi na lamang ate niya ang kasama niya. Kung hindi busy ang kanilang nanay na si Beth, ay talagang si Cheska na ang nagpi-prisinta para samahan ang bata.

22 years old na si Cheska at si Dave naman ay pitong taong gulang pa lamang.

Sa lahat ng oras, mas nakakasama pa ni Dave ang kanyang ate kaysa sa kanyang nanay. At madalas rin na bitbit ni Cheska ang kanyang kapatid kung saan man siya magpunta. Ganoon sila ka-close.

Sa katunayan nga kapag ka may gustong bilhin ang bata, sa ate na niya siya dumidiretso.

Advertisement

Natutuwa naman si Cheska dahil malapit ang loob sa kanya ng bata.

“Mama! Pwede ba akong maglaro sa labas? Please, please!” pangungulit ni Dave.

“Sa akin okay lang, eh tanungin mo yung ate mo.” sagot ng kanyang nanay.

“Bakit ko tatanungin si ate, eh ikaw ang mama ko,” pagtatakang sagot ni Dave.

“Oo nga naman ma,” natatawang suminigit si Cheska sa usapan.

“O siya, Dave um-oo na si mama. Laro ka na sa labas. Basta uuwi agad pag tinawag ka namin ha?” ani Cheska sa kanyang kapatid.

Agad namang tumakbo palabas ang bata. Si Cheska ay humarap sa kanyang nanay, “Ma naman,” tapos ay napasimangot.

“Pasensya na. Eh mahirap na rin kasi.” Sagot ni Beth sa anak.

Advertisement

“Naiintindihan ko po. Pasensya ka na rin ‘ma. At salamat sa lahat ng sakripisyo mo.” anang dalaga at mahigpit na niyakap ang kanyang nanay.

Ilang taon ang nakalipas at dumating ang pagtatapos ni Dave sa high school, ngunit medyo masama ang kanyang loob dahil wala ang kanyang nanay.

“Nasa trabaho na naman ba si mama, ate?” tanong niya sa kanyang kapatid.

“Oo eh, pero sabi ko kay mama ako nalang muna ang sasama sayo,” nakangiting sagot ni Cheska.

“Eh palagi na lang ikaw ‘te eh. Kailan ba mangyayari na yung nanay ko naman ang kasama ko at hindi ikaw na kapatid ko?” naiiyak na sagot ng binata.

“Sorry Dave. Pasensya ka na, pero sana wag kang magalit kay mama.” pakiusap ng babae.

“Ewan ko sa inyo!” galit na tumakbo palayo ang binata sa kanyang ate.

Hinayaan na lamang muna ni Cheska na humupa ang galit ni Dave.

Advertisement

Lumipas ang ilan pang taon at nakatapos si Dave sa kolehiyo. Nagkaroon ng maliit na salu-salo sa bahay nila sa araw ng kanyang pagtatapos. Nandoon lahat ng mga malalapit niyang dating kaklase, ang kanilang mga kamag-anak maging ang iba pang kaibigan ng kanilang pamilya. Lahat ay nakikisaya sa napakaimportanteng araw ni Dave.

“Ma, salamat sa lahat ng handa mo ha!” masayang sambit ni Dave sa kanyang nanay na si Beth habang yakap-yakap niya ito.

“Ano ka ba, si ate Cheska mo lahat gumastos dito. Sa kanya ka magpasalamat.” sagot naman ng kanyang nanay.

Imbes na matuwa ang binata sa ginawa ng kapatid, ay mas nakaramdam siya ng galit at tampo sa kanyang nanay.

“Seryoso ka ba ma? Palagi na lang si ate? Lagi na lang ba talagang si ate?” sigaw ni Dave sa harap ng maraming tao.

Hindi na niya napigilan pa ang kanyang nararamdaman kaya naman wala na siyang pake kung marami pang makarinig o makakita ng away nila. Kaya naman, mabilis na inakbayan ni Cheska ang kapatid at dinala niya ito sa kanyang kwarto. Sumunod naman agad doon ang kanilang nanay.

Agad namang nagsalita muli ai Dave, “So bakit nga ma? Anong dahilan? Bakit palagi ka na lang wala? Bata pa lang ako, wala ka na. Nag-binata ako, wala ka pa rin. Pati ba naman ngayon, si ate parin?!” galit na galit niyang sambit.

“Please Dave wag kang magalit kay mama,” naiiyak na sabi ni Cheska habang ang kanilang nanay ay nakayuko lamang at humihikbi.

Advertisement

“Ano ma?! Sumagot ka!” sigaw muli ng binata habang dinuduro ang ina.

“Please Dave, tama na. Hindi mo siya tunay na mama,” sambit ni Cheska habang hawak ang makabiling pisngi ng mukha ng binata.

“Dahil ako ang mama mo,” mahinang sambit ni Cheska ngunit malinaw na narinig ni Dave.

Nakita ni Cheska kung paano biglang namutla ang binata. Hindi malaman ni Dave kung ano ang sasabihin niya o kung ano ang gagawin matapos marinig ang sinabi ng babaeng nakatayo sa kanyang harapan.

Kaya naman minabuti ni Cheska na sabihin na kung ano ang totoo.

Inamin niya na siya’y maagang nabuntis ng dati niyang nobyo noong siyang katorse anyos pa lamang. Dahil hindi niya alam kung paano niya palalakihin si Dave noon ay inako muna ng kanilang nanay ang responsibilidad ng pagiging ina. Nakiusap rin si Cheska noon na ipakilala siya sa anak bilang isang ‘ate’ hanggang sa dumating ang araw na siya’y may maayos nang trabaho at kaya nang buhayin ang anak.

Ngunit nang dumating ang araw na iyon ay napanghinaan ng loob si Cheska at napangunahan ng takot na baka galit ang maramdaman ni Dave at hindi pagkatuwa.

“Kaya ko laging sinasabi kay mama na ako ang sasama sa mga patimpalak niyo sa eskwelehan ay dahil nagbabakasakali ako na baka magkaroon ng pagkakataon na masabi ko sa iyo ang lahat.” Ani ni Cheska.

Advertisement

“Hindi ko pinlano na malaman mo sa ganitong paraan. Pero sana wag kang magalit kay mama. Tatanggapin ko ang lahat ng galit at inis mo sa akin. Sana mapatawad mo ako, Dave..anak.” dagdag niya.

Naging mahirap kay Dave ang pagtanggap sa katotohanan. Ngunit dumating rin sa puntong naisip niya ang sakripisyo ng kanyang mama Beth at mommy Cheska.

Mapalad si Cheska sa kanyang anak dahil napakalaki ng pang-unawa nito, na mahirap ang naging sitwasyon niya noong siya’y katorse at nabuntis.

Tuwing natatawag niyang ‘ate’ ang kanyang mommy Cheska ay nagtatawanan na lamang sila.

Sa huli, nanaig parin ang kanilang pagmamahalan. Masaya si Dave dahil dalawa ang kanyang nanay na talagang mahal na mahal siya.