Inday TrendingInday Trending
Ginantihan ng Ina ang Batang Nakaaway ng Kaniyang Anak; Matinding Parusa ang Kaniyang Haharapin Dahil Nakuhanan Pala Iyon ng Video!

Ginantihan ng Ina ang Batang Nakaaway ng Kaniyang Anak; Matinding Parusa ang Kaniyang Haharapin Dahil Nakuhanan Pala Iyon ng Video!

Nanggagalaiti si Aling Ason habang lumalabas ng kanilang bahay. Hila-hila niya sa kamay ang kaniyang anak na si Justine na ngayon ay may bukol sa ulo at umiiyak. Kanina ay nagpaalam kasi ito na lalabas ng bahay at makikipaglaro sa mga kapitbahay nilang kaedad nito, ngunit bigla na lamang itong umuwi na may bukol na sa ulo!

“Mama, si Atoy po kasi, itinulak ako, e! Nauntog tuloy ako kaya po ako nagkabukol!” umiiyak na sumbong ng kaniyang anak na talagang ikinainit ng ulo ni Aling Ason.

“Ano?!” galit na bulalas niya. “Halika, anak! Humanda sa akin ang batang ’yan!” paghihisterikal pa ni Aling Ason at iyon na nga ang nangyari. Lumabas siya sa kanilang bahay habang hila sa kamay ang anak.

Naabutan niyang nagpapagpag ng maruming tuhod ang batang si Atoy. Ang totoo ay napansin din ni Aling Ason na may sugat ang bata roon ngunit ipinagsawalang bahala niya ito dahil sa galit.

“Hoy, ikaw na bata ka! Bakit bigla mong itinulak si Justine? Tingnan mo, mayroon tuloy bukol sa ulo?!” pasigaw na bungad pa niya sa bata.

“P-po? Hindi po ako ang nauna, Aling Ason! Si Justine po kasi, bigla na lang akong sinugod nang suntok. E, hindi ko naman po siya ginagalaw. Kaya po natulak ko po siya!” katuwiran naman ni Atoy na noon ay halatang kinakabahan sa kaniyang presensya.

“Mama, hindi po totoo ’yon! Sinungaling po ’yang si Atoy!” giit naman ng kaniyang anak kaya naman lalong nainis si Aling Ason.

“Aling Ason, maniwala po kayo—” akmang magpapaliwanag pa sana si Atoy nang agad siyang tampalin sa ulo ng nanggagalaiting babae!

Napasinghap ang mga nakakita, ganoon din ang ina ng batang si Atoy na noon ay papalapit na rin sana sa pinangyayarihan ng eksena. Kitang-kita nito nang tampalin ni Aling Ason ang ulo ng kaniyang anak na naging dahilan ng agad na pag-iinit ng kaniyang ulo!

“Bakit mo sinaktan ang anak ko?! Wala kang karapatang saktan ang anak ko!” hiyaw ni Melissa, ina ni Atoy sabay sugod kay Aling Ason. Pinuntirya niya ang buhok ng babae at dahil doon ay nagsimula silang magpambuno!

Agad namang nakatawag ng barangay tanod ang mga nakakita sa kanilang pag-aaway kaya naman agad din silang naawat. Dinala sila sa barangay upang doon ay makapag-usap sila nang maayos.

“Kap, willing naman ho akong pagsabihan ’yong anak ko kung talagang may kasalanan siya. Ang kaso ho, nakita kong sinaktan ng bruhang ’yan ang anak ko at wala siyang karapatang gawin ’yon! Away bata ho ’yon, bakit siya nakikisali?!” noon ay paliwanag ni Melissa sa kanilang kapitan.

“Ganito na lang, dahil walang gustong umamin kung sino talaga ang may kasalanan, i-check natin sa CCTV kung ano talaga ang nangyari.” Iyon ang naging desisyon ng kapitan na pareho namang napagkasunduan ng dalawang panig.

Imahe ng mga batang naglalaro ang siyang bumungad sa kanila pagkakita pa lang nila sa CCTV na pagmamay-ari ng karinderyang katapat ng loteng pinaglalaruan ng mga bata palagi. Kita roon ang dalawang batang involve sa pangyayari. Nakatayo lamang si Atoy at nanunuod sa mga batang naglalaro ng holen nang biglang lumapit si Justine at sinuntok ito na siyang naging dahilan upang maitulak ito ni Atoy. Ibig sabihin ay totoo pala ang naging paliwanag ni Atoy kanina bago siya sinaktan ni Aling Ason!

“O, kita mo na, Ason? Maling-mali ka sa ginawa mong pananakit kay Atoy. Hind mo muna inalam kung totoo ba ang sinasabi ng anak mo, bago ka gumawa ng aksyon,” iiling-iling na anang kapitan kay Aling Ason na ngayon ay nanlalaki ang mga mata at hindi alam ang isasagot.

“Dahil sa ginawa mo, alam mo bang p’wede kang makulong? Child abuse ang kasong maaaring ipataw sa ’yo ni Melissa. Sana ay maging leksyon sa ’yo ang pangyayaring ito.”

Walang maisagot si Aling Ason. Ni hindi niya alam kung papaano haharapin si Melissa! Ayaw niyang makulong!

“Hindi na ho ako magsasampa ng kaso, kap, tutal ay naiganti ko naman na ang anak ko. Naaawa rin ho ako sa kanilang mag-ina kung makukulong pa si Ason. Basta, huwag na ho nilang uulitin ang ginawa nila sa anak ko.” Mariin ang paalalang iyon ni Melissa bago siya lumabas ng barangay hall.

Hiyang-hiya naman si Aling Ason sa sarili kaya naman nang makauwi sila ay sinadya niya ang mag-inang Atoy at Melissa sa bahay ng mga ito upang humingi ng tawad.

Advertisement