Napanghihinaan ng Loob ang Mister na Ito Dahil Nagkamali Ata Siya ng Pinakasalan, Magiging Responsableng Asawa at Ina Pa Ba ang Kanyang Misis?
Sa trabaho nagkakilala si Minerva at Nato. Pitong taon ang agwat nila ngunit hindi ito naging dahilan para ibigin nila ang isa’t isa.
Ang kanilang pagmamahalan ay umabot sa kasalan matapos lamang ang dalawang taon.
Ilang buwan pa lamang matapos ang kanilang kasal ay nalaman nilang buntis na pala si Minerva. Labis na ikinatuwa ni Nato ang balita dahil akala niya’y mahihirapan na siyang makatulong sa pag-gawa ng anak dahil sa kanyang edad.
Bago pa nagsimula ang kanilang relasyon ay mayroon ng naipundar na sariling bahay si Nato dahil matagal na siyang nagtatrabaho.
Bukod pa riyan ay mayroon rin siyang sariling sasakyan kaya naman walang silang naging problema ni Minerva.
Pagdating sa pera ay masasabing nakakaluwag talaga sila sa buhay.
Ilang buwan matapos manganak ni Minerva ay nagpasya siyang tumigil sa pagtatrabho. Suportado naman si Nato sa desisyon ng asawa sa pag-aakalang mas maganda kung mismong siya ang mag-aalaga sa kanilang anak.
“Babe, baka naman pwedeng kumuha tayo ng yaya. Nahihirapan na kasi ako dito pag mag-isa lang ako. Hindi ko kaya lahat. Pati ba naman gawaing bahay, ako rin?” reklamo ng kanyang misis habang sila’y kumakain ng hapunan.
“Ganun ba? Sige pwede naman sa akin yun. Yaya ba ng anak natin? O yaya na para dito sa mga gawaing bahay?” pag-klaro ni Nato.
“Eh mas maganda sana kung parehas niyang kayang gawin,” sagot ng misis.
Naging mahirap man ang paghahanap nila ng yaya ay mayroon pa rin silang nakita, kapalit ng malaking pasahod.
Matatawag mong swerte ang mag—asawa dahil nakilala nila ang mabait na kasambahay na ito. Masipag, marunong sa bata, magalang at maayos pang kausap.
Ngunit, ang pagkuha rin pala nila ng katulong ang magiging simula ng kanilang problema.
Dahil mas bata si Minerva ng ilang taon sa asawa, kabaliktaran niya ito. Kung ano ang kinasinop ni Nato sa pera ay siya namang pagkagastadora ng misis.
Hindi pa sila kasal noon ay mahilig na magwaldas ng pera si Minerva kakagala, o kaya naman ay kakagimik kasama ang mga kaibigan.
Ang buong akala naman ni Nato ay mawawala ang pagiging iresponsable ng misis kapag sila’y nagkaanak na.
Isang araw, isang umiiyak na gutom na bata ang nadatnan ni Nato sa kanyang pag-uwi habang ang kanilang kasambahay naman ay natatarantang nagtitimpla ng gatas.
“Ate? Nasaan si Minerva? Bakit ikaw lang ang nagaasikaso ng lahat dito?” tanong ni Nato.
“Naku, kuya, kanina pa pong tanghali wala si ate eh,” sagot ng pawis na pawis na kasambahay.
“Eh sinabi ba kung saan daw siya pupunta?” dagdag niyang tanong.
“Hindi po kuya eh. Hindi ko rin po naitanong. Pasenya na po,” sagot ng yaya.
Maya-maya lamang ay dumating na ang kanyang misis. Nadatnan niyang ang kanyang mister ang nagpapatahan sa kanilang anak.
“Oh, ang aga mo atang umuwi?” ani Minerva na parang lasing kung magsalita.
“Saan ka galing? Bakit naman umalis ka ng hindi nagsasabi?” galit na tanong ng mister.
“Aba! Relax ka lang. Nandoon lang ako kina Katherine kasi birthday niya. Nagkatuwaan kaya napainom ako pero konti lang naman,” sagot ng misis. Ngunit halatang-halatang naparami ang nainom niya sa handaan.
Hinayaan na muna ni Nato na makapagpahinga ang misis at kinabukasan na lamang niya ito kakausapin.
Kinabukasan, binalita agad ni Nato na hanggang katapusan na lamang ng buwan ang kanilang kasambahay.
“Ha? Bakit mo paalisin si ate eh ang ayos nga niya?!” nagtatakang tanong ni Minerva.
“Dahil imbis na inaalagaan mo ang anak mo, ay nasa labas ka at naglalagalag. Maging responsible ka naman Minerva, may anak ka na!” galit na sambit ng kanyang mister.
Mula noong mawala ang kanilang kasambahay mas lalo pang lumala ang kanilang sitwasyon.
Nagsimulang maging matanong si Minerva tungkol sa kung magkano ang sinasahod ng kanyang asawa. Nagbibilang na rin siya ng mga gawaing bahay na ginagawa niya at ipinamumuka sa mister na wala siyang ginagawa at puro lang trabaho. Napapadalas din ang paghingi niya ng malalaking halaga ng pera sa asawa dahil pambayad ng mga inuutang niya sa kanyang kumare.
Napapadalas ang kanilang away lalo na noong nalaman ni Nato na nagiimbita ng kaibigan si Minerva sa kanilang bahay para doon na lamang mag-inuman. Katuwiran niya ay hindi naman siya nakakalabas, kaya sa bahay na lamang nila. Palaging makalat ang bahay na inuuwian ni Nato dahil doon.
Naaawa rin siya sa kanyang anak dahil nakikita niyang palagi na lamang itong mukhang napapabayaan – marumi ang damit, pawis at magulo ang buhok, may tuyo pang sipon sa ilong.
“Minerva naman, yung anak mo tingnan mo naman ang itsura oh! Hilamusan mo naman,” sabi ni Nato.
“Oh e ‘di ikaw ang maghilamos sa kanya tutal nandyan ka na rin naman. Kanina pa ko gumagawa dito sa bahay oh,” galit na sagot ni Minerva.
Napuno na si Nato sa sobrang pikon niya sa kanyang misis.
Isang araw pagkauwi ni Minerva galing sa galaan kasama ang kaibigan, laking gulat niya ng nakitang wala ang kanyang mag-ama. Nang kanyang silipin sa kwarto ang dalawa, bukas lahat ng kabinet at wala na ang kanilang mga damit.
Biglang nagising sa katotohanan ang misis.
Dali-dali siyang nagpunta sa bahay ng kanyang biyenan para hanapin ang kanyang mag-ama at doon nakita niya ang dalawa na naglalaro sa loob ng bahay.
“Pasensya ka na hija, pero ayaw kang papasukin ng anak ko,” sabi ng kanyang biyenan na nakaharang sa gate ng kanyang bahay.
“Hindi ho pwede, anak ko at asawa ko ang nasa loob!” pagmamatigas ni Minerva at pinipilit buksan ang gate.
Kaya naman lumabas na si Nato at nagsalita “Minerva, hindi ko ilalayo sa’yo ang anak mo kung sana’y inaalagaan mo siya. Pero hangga’t hindi ka natututong maging responsableng ina sa kanya at asawa sa akin, bisitahin mo na lang muna kami dito sa bahay ng nanay ko. Pansamantala, dito na muna kami titira.”
At dahan-dahan niyang sinarado ang pintuan ng bahay ng kanyang ina at naiwan si Minerva sa labas, nagsisisi at umiiyak.
Umuwing mag-isa at luhaan si Minerva, ngunit pursigido siyang ipakita na kaya niyang magbago para makapiling nang muli ang kanyang mag-ama. Sinimulan niya iyon sa pag-aayos ng sariling bahay. Inabot din siya ng halos tatlong araw upang makitang kumikintab na sa linis ang dati’y napabayaang bahay.
Sumunod naman ay ang mga gawi niya. Ipinangako niyang titigil na siya sa pag-inom kasama ng kanyang mga kabarkada. Nanood din siya ng iilang videos sa Youtube kung paano maging masinop sa pera.
Ilang araw pa ay binalikan niya ang kanyang mag-ama. Labis-labis naman ang tuwa ng kanyang mister nang makita ang lahat ng pagbabago sa kanyang misis. Magmula noon ay namuhay ng napakasaya ang munti nilang pamilya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!