Inday TrendingInday Trending
Tinanggihan ng Dalaga ang Magandang Trabahong Alok sa Ibang Bansa; Mas Mahalagang Tungkulin ang Kailangan Niyang Gampanan sa Sariling Bayan

Tinanggihan ng Dalaga ang Magandang Trabahong Alok sa Ibang Bansa; Mas Mahalagang Tungkulin ang Kailangan Niyang Gampanan sa Sariling Bayan

Matalino si Rachel. Mula grade school hanggang sa high school ay palagi siyang nangunguna sa klase. Panlaban din siya ng kanilang eskwelahan sa patagisan ng talino hindi lang sa sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Sa dami ng medalyang nakukuha niya sa mga patimpalak na sinasalihan ay hindi na nga niya mabilang kung ilan ang mga iyon. Nang tumuntong sa kolehiyo ay kumuha siya ng kursong Medisina at pagkaraan ng ilang taong pagpapakadalubhasa ay isa na siyang ganap na doktor ngunit kahit titulado na ay nag-aral pa uli siya. ‘Di nagtagal ay nagtapos siya sa pangalawang kursong kinuha niya at isa na ring ganap na abogado. Dahil sa narating ay tuwang-tuwa ang kaniyang mga magulang.

“Ipinagmamalaki ka namin, anak. Hindi namin akalaing magagawa mong pagtagumpayan ang dalawang propesyon na kinuha mo,” wika ng kaniyang amang si Menandro.

“Wala na kaming mahihiling pa ng iyong ama, Rachel. Naabot mo na ang mga pangarap mo. Masaya kami dahil nagkaroon kami ng mabait, masipag at matalinong anak,” saad naman ng inang si Josefina.

“Kayo po ang dahilan kung bakit naabot ko ang aking mga pangarap. Kung ‘di dahil sa inyong pagtitiyaga, pagsuporta at pagmamahal ay hindi ko mararating ang kinalalagyan ko. Inihahandog ko po sa inyo ang aking pagsusumikap at pagtatagumpay,” tugon niya sa mga magulang.

Dahil sa angking husay sa dalawang propesyon ay nakilala siya sa buong bansa. Pinag-uusapan din siya ng mga tao at nailathala ang kaniyang pangalan sa pahayagan at napapanood din sa telebisyon. Naging sikat na personalidad si Rachel na hinangaan ng marami ngunit hindi niya inasahan na bukod sa pagiging matagumpay na doktor at abogado sa Pilipinas ay makikilala rin siya sa ibang bansa hanggang sa isang magandang balita ang natanggap niya.

“Rachel, inaalok ka ng isang malaking ospital sa Amerika na doon ka magtrabaho. May alok din sa iyo ang bansang Canada na magtrabaho sa isang kilalang law firm doon. Malaki ang kikitain mo roon. Kahit ano ang piliin mo sa dalawang job offer ay hindi ka na talo,” wika ng kaibigan niyang si Carlyn.

“Kahit ako’y hindi makapaniwala sa mga natanggap kong offer, pero pag-iisipan ko pa rin.”

“Kung ako sa iyo ay huwag mo nang pag-isipan. Sunggaban mo na ang offer!” hirit ng kaibigan.

Marami pa sa mga kaibigan niya ang inudyukan siyang tanggapin na ang isa sa mga alok na trabaho sa ibang bansa. Mas makakatulong nga naman siya sa pamilya niya kapag tinanggap niya ang isa sa mga offer sa kaniya, kaya humingi siya ng payo sa mga magulang.

“Mama, papa, ano po ang gagawin ko? Hindi ko po alam kung tatanggapin ko o hindi.”

“Ikaw lang ang makakapagdesisyon niyan, anak. Kung ano ang nasa puso, iyon ang sundin mo,” tugon ng ama.

“Anuman ang maging desisyon mo ay susuportahan ka pa rin namin, anak,” sagot naman ng ina.

Ilang beses niyang pinag-isipan ang magiging desisyon ngunit isang balita na naman ang gumimbal sa kaniya.

Dalawang buwan ang mabilis na lumipas. ‘Di sinasadyang nagkita ang magkaibigang Rachel at Carlyn. Nakita siya ng babae na namimili sa grocery.

“R-Rachel?! B-bakit ka pa narito? Ang akala ko’y natuloy ka sa ibang bansa para roon magtrabaho?” bungad nito.

“Hindi ko tinanggap ang mga job offer sa akin, Carlyn,” nakangiting sagot ng dalaga.

Nanlaki ang mga mata ni Carlyn sa sinabi niya.

“A-ano? Nahihibang ka na ba, Rachel? Magandang oportunidad na iyon sa ibang bansa, Amerika at Canana na ‘yon, pinakawalan mo?!” gulat nitong tanong.

“Buo na ang desisyon ko, Carlyn. Mananatili ako rito sa Pilipinas. May mas mahalaga akong tungkuling dapat gampanan dito.”

“At ano naman ‘yon, Rachel? Hindi ko lang kasi matanggap na pinalampas mo ang pagkakataon na mas makilala ka pa ng husto sa ibang bansa. Hinahangaan ka at sikat dito sa sarili nating bayan bilang doktor at abogado, pero mas malaking oportunidad ang makapagtrabaho sa mga bansang nag-alok sa iyo ng trabaho. Tiyak din na malaki ang kikitain mo roon. Sana ay ginamit mo ang iyong talino bago magdesisyong manatili rito,” sambit pa ni Carlyn.

Humugot muna ng isang malalim na hininga si Rachel bago nagsalita.

“Alam ko na magandang oportunidad ang maibibigay sa akin ng Amerika o ng Canada, pero mas malaking oportunidad para sa akin ang mapaglingkuran ang aking mga magulang. Nalaman ko na may kans*r sa dibdib si mama, kasalukuyan siyang nagpapagamot at lumalaban sa kaniyang sakit. Mas pinili kong manatili rito sa Pilipinas at huwag nang umalis dahil gusto kong ako mismo ang mag-alaga at gumamot sa kaniya. Kaya ako naging matagumpay ay dahil sa aking mga magulang na walang sawang sumuporta at gumabay sa akin. Hindi nila ako iniwan sa lahat ng aking laban sa buhay. Ngayon ay ako naman ang susuporta at sasama sa kanilang laban. Sasamahan ko si papa na mag-alaga kay mama at gagawin ko naman ang lahat ng aking makakaya para magamot siya hanggang sa tuluyan siyang gumaling at bumalik ang dati niyang lakas.”

Napaiyak ang kaibigan niya sa kaniyang mga sinabi. Kung tutuusin ay maaari niyang tanggapin ang anuman sa dalawang alok na trabaho ng dalawang bansa dahil malaki ang maitutulong nito sa pamilya niya at maging sa kaniyang propesyon ngunit mas nangibabaw ang pagmamahal niya sa may sakit na ina na kailangan ang kaniyang presensiya bilang anak at iyon ang mahalagang tungkulin niya na dapat gampanan.

Hindi pinagsisisihan ni Rachel ang naging desisyon dahil bukod sa masaya siya sa pag-aalaga at pagbabantay sa ina ay nagagawa pa rin naman niya ang tungkuling sinumpaan bilang doktor at abogado na nagseserbisyo sa isang pampublikong ospital at law firm sa sariling bayan.

Advertisement