Inday TrendingInday Trending
Inatasan ng Guro ang mga Mag-aaral na Iguhit ang Paborito Nilang Bayani; Napaluha Siya nang Malaman ang Istorya sa Likod ng Isa sa mga Likha ng Kanyang Estudyante

Inatasan ng Guro ang mga Mag-aaral na Iguhit ang Paborito Nilang Bayani; Napaluha Siya nang Malaman ang Istorya sa Likod ng Isa sa mga Likha ng Kanyang Estudyante

Inatasan ng guro na si Teacher Aileen ang kanyang mga estudyante na gumuhit ng isang larawan bilang kanilang aktibidades bago magsiuwian.

“Okay class, ang paksa ng ating aktibidades ngayon ay pinamagatang ‘Ang Bayaning Nais Kong Maging.’ Nais kong gumuhit kayo ng superhero o bayani na gusto ninyong maging. Ang pinakamalikhaing gawa ay makatatanggap ng pinakamataas na marka,” pagpapaliwanag ni Teacher Aileen sa mga estudyante.

Bawat estudyante ay naghahangad na makakuha ng mataas na marka, bukod dito ay makikita naman sa mukha ng mga mag-aaral ang kaligayahan dahil sa napakagandang pagkakataon ito upang maisalarawan ang bayaning malapit sa kanilang mga puso.

Makalipas ang isang oras ng pag guhit ay tumunog naman ang kampanilya ng paaralan, hudyat na uwian na ng mga estudyante. Isa-isang kinuha ng guro ang kanilang mga larawang iginuhit at nagpaalam sa kanyang mga mag-aaral.

“Class, bukas ay ibabalik ko din ang mga larawang iginuhit ninyo para malaman ninyo ang inyong mga markang nakuha. Mag-ingat kayo pag-uwi! Paalam!” pagpapaalam ng guro.

“Paalam po teacher!” sagot naman ng mga estudyante habang nagmamadaling lumabas ng silid-aralan.

Inumpisahan naman na ni Teacher Aileen na suriin ang mga larawang iginuhit ng mga mag-aaral. Hindi niya maiwasang mapangiti at mapahanga sa mga magagandang larawang nilikha ng mga ito.

Naandon sila Superman, Batman, Captain Barbell, Spiderman, at marami pang iba. Bawat bayani ay nagtataglay ng kanya-kanyang kakayanan at lakas. Nababalutan ang mga ito ng mga magaganda at matitingkad na mga kulay. Patunay lamang sa pagiging malikhain ng mga mag-aaral.

Habang naglalagay ng grado ay natigilan naman ang guro sa sumunod na larawan na kanyang nakita. Naiiba ito sa mga nauna. Ang bayani sa larawan ay hindi kasing garbo ng iba. Ang suot nito ay isang sumbrero na panlaban sa init ng araw, mahahabang manggas, puting gwantes na proteksyon sa kamay at bota sa paa at ang tanging sandata na hawak nito ay isang walis ting-ting na may mahabang hawakan.

Sa may parteng ibaba ng larawan ay may makikitang pangalan ng bayani, pinangalanan ito ng gumuhit bilang si ‘Basurero Man.’ Ang bayaning ito ay iginuhit ng batang lalaki na si Paulo.

Habang tinitignan ang larawan ay biglang napaisip ang guro. Ipinagpaliban muna niya ang paglalagay ng grado sa larawan. Nagbakasakali siya na hindi pa nakakauwi ang bata kaya agad siyang lumabas upang hanapin ang bata.

“Jenna, nakita mo ba si Paulo?” tanong ni Teacher Aileen sa isa niyang estudyante.

“Nako teacher, nakaalis na po si Paulo. Pagkatapos po ng klase ay nagmamadali siyang umuwi. Lagi po siyang ganun tuwing uwian. Lagi po kasi may hinahabol iyon pagkatapos ng klase,” paliwanag naman ng batang babae.

“Hinahabol? Bakit? Saan ba nagpupunta si Paulo pagkatapos ng klase?” tanong naman ng guro.

“Di ko po alam teacher eh. Basta ganoon lamang po talaga siya araw-araw,” sagot naman ng bata, “sige po teacher, nandito na po ang sundo ko. Bye po teacher!” pagpapaalam naman ng bata.

Bumalik ang guro sa silid-aralan at nag-ayos na ng gamit upang umuwi. Habang naglalakad sa labas ay napansin niya ang isang babae na nakaupo sa may isang sulok, ang ina ni Paulo. Nakilala ito ni Teacher Aileen kaya’t agad na kinausap ito.

“Magandang hapon po, Aling Ida!” pagbati niya, “buti at nakita ko kayo, nakita po ba ninyo ni Paulo?” tanong naman ng guro.

“Teacher Aileen, kayo po pala iyan. Nako, nagtungo po sa baranggay upang kumuha ng ibang gamit. Maya-maya ay parating na din iyon,” sagot naman ng ginang.

“Ah ganun po ba? May itatanong po sana kasi ako tungkol sa larawan na kanyang iginuhit kanina,” tugon naman ng guro. Kinuha niya ang larawan at ipinakita sa ginang.

Napangiti naman si Aling Ida habang nakatingin sa larawan na iginuhit ng anak. Halos mangilid ang luha nito habang tinitignan ang simpleng, ngunit makulay na larawan na iginuhit ng anak.

“Si Paulo po ba ang gumawa nito?” nakangiting tanong ng ina.

“Opo. Nais ko sanang malaman kung bakit ito ang napili niyang larawan na iguhit. Sa lahat kasi ng gawa ng aking estudyante ay ito ang pinakanaiiba, kaso nagmamadali naman itong umalis kasi may hinahabol daw. Maaari din po bang malaman kung alam ninyo ang tungkol dito?” sabi pa ng guro.

“Alam ninyo po Teacher Aileen, pagkatapos ng klase ay hinahabol niya ako dito upang tulungan ako sa aking trabaho. Ako po kasi ang taga-walis dito sa ating baranggay. Tinutulungan niya ako sa aking trabaho.

“Bukod sa gusto niya akong tulungan ay ayaw na daw niyang maulit ang masamang nangyari sa akin noon,” paliwanag naman ni Aling Ida.

“Ano pong nangyari Aling Ida? Maaari ko po bang malaman?” tanong naman ni Teacher Aileen.

“Nabalian po kasi ako ng tuhod noon matapos masagasaan ng isang sasakyan. Mabuti na lamang nga po at hindi ako gaanong napuruhan. Pagwawalis lamang kasi ang aking trabaho. Iyon po ang dahilan kaya lagi siyang nagmamadali umuwi, upang pumalit sa akin sa pagwawalis.

“Kapag hindi ako nakapagtrabaho ay mahihinto rin kasi siya sa pag-aaral, kaya ganun na lamang ang pag-aalaga sa akin ng batang iyon. Pinipigilan ko na nga minsan, subalit nais talaga niyang akong tulungan.

“Labis ko ngang ipinagpapasalamat dahil nagkaroon ako ng anak na tulad niya. Hindi man namin maibigay lahat ng magagandang bagay sa mundo, ay lumaki naman itong may malaking puso na handang magbahagi ng pagmamahal,” nakangiting paliwanag ng ginang.

Muling napatingin ang guro sa larawang hawak. Hindi niya namamalayang tumulo na pala ang luha sa kanyang mga mata. Doon niya naunawaan ang ibigsabihin ng larawan na iginuhit ng bata.

Si ‘Basurero Man’ ay isang tagapagtanggol. Hindi man katulad ng ibang bayaning napapanood sa telebisyon at wala man itong hay-tek na sandata tulad ng iba ay may malinaw at simple naman itong hangarin, ang makatulong sa pinakamamahal na ina.

Ang bayaning ito ay may ginintuang puso na handang magsakripisyo para sa mahal sa buhay. Si ‘Basurero Man’ ay isang bayani, isang tunay na superhero sa totoong buhay, dahil ang bayaning ito ay walang ibang kundi si Paulo. Isang batang karapatdapat na parangalan dahil sa di matatawarang pagmamahal sa kanyang magulang.

Kinabukasan ay ibinalik na ni Teacher Aileen ang mga likha ng kanyang mag-aaral. Nang iabot na niya ang likha ni Paulo ay buong pagmalalaki niyang inanunsyo sa buong klase ang nakuha nitong grado.

“Para sa superhero na may ginintuang puso at ang nangunguna sa puso ng kanyang magulang, binabati kita Paulo. Nakakuha ka ng 100 na grado sa likha mong ito,” nakangiting sabi ng guro habang ibinibigay ang larawan.

Nakangiti lamang ang guro habang nakatingin sa batang si Paulo. Alam niyang may maganda at malaking mangyayari sa buhay nito sa hinaharap. Sa murang edad ay nalaman na niya ang tunay na halaga ng pagtulong at ang halaga ng kanyang mga magulang.

Labis na natutuwa din naman ang guro sa kay Aling Ida, na bagamat dumaranas ng kahirapan sa buhay ay nagawa niyang palakihin ang anak na mayroong puso na handang tumulong at pusong busog at puno ng pagmamahal.

Advertisement